Tanong
Ano ang Trinitarianismo (Trinitarianism)? Naaayon ba ito sa turo ng Bibliya?
Sagot
Ang Trinitarianismo (Trinitarianism) ay ang katuruan na ang Diyos ay may tatlong persona, at Kanyang ipinakilala ang Kanyang sarili sa tatlong magkakapantay at eternal na Persona. Para sa isang detalyadong presentasyon ng Trinidad, tingnan din ang aming artikulo na may pamagat na “Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Trinidad.” Ang layunin ng artikulong ito ay talakayin ang kahalagahan ng Trinitarianismo sa relasyon nito sa kaligtasan at pamumuhay Kristiyano.
Lagi kaming tinatanong ng ganito: "Kailangan ko bang maniwala sa Trinidad upang maligtas?" Ang sagot ay oo at hindi. Kailangan bang lubos na maunawaan at sumangayon ang isang tao sa lahat ng aspeto ng Trinitarianismo upang maligtas? Hindi. may mga aspeto ba ng Trinitarianismo na may pangunahing papel sa kaligtasan? Oo. Halimbawa, ang pagka-Diyos ni Kristo ay lubhang mahalaga sa doktrina ng kaligtasan. Kung si Hesus ay hindi Diyos, ang Kanyang kamatayan ay hindi maaaring maging kabayaran sa walang hanggang kaparusahan ng kasalanan. Ang Diyos lamang ang walang hanggan - wala Siyang pasimula at walang katapusan. Ang lahat ng mga nilalang, maging ang mga anghel ay hindi eternal; sila ay nilikha sa isang yugto ng panahon sa walang hanggang nakalipas. Tanging ang kamatayan lamang ng isang eternal na Persona ang makatutubos sa kasalanan ng sangkatauhan sa buong walang hanggan. Kung si Hesus ay hindi Diyos, hindi Siya maaring maging Tagapagligtas, ang kordero ng Diyos na nagaalis ng kasalanan ng sanlibutan (Juan 1:29). Ang isang hindi biblikal na pananaw sa kalikasan ni Hesus bilang Diyos ay magreresulta sa isang maling pananaw sa kaligtasan. Ang bawat kulto ng Kristiyanismo ay tinatanggihan ang pagka-Diyos ni Kristo at itinuturo na kailangang dagdagan ng mabubuting gawa ang kamatayan ni Hesus upang maligtas. Ang tunay at buong pagka-Diyos ni Kristo na isang aspeto ng Trinitarianismo ang nagpapabulaan sa mga maling konseptong ito ng mga kulto.
Gayundin naman, kinikilala namin na may mga tunay na mananampalataya ni Kristo na hindi nanghahawak sa buong Trinitarianismo. Habang hindi namin tinatanggap ang modalismo, hindi namin maitatanggi na ang isang tao ay maaring maligtas habang naniniwala na ang Diyos ay hindi tatlong Persona kundi simpleng kapahayagan sa tatlong "modes" o kaparaanan. Ang Trinidad ay isang misteryo na walang sinumang tao na kapos ang kakayahan ang perpektong mauunawaan ito. Para maligtas ang isang tao, hinihingi ng Diyos ang buong pagtitiwala kay Hesu Kristo, ang Diyos na nagkatawang tao, bilang Tagapagligtas. Para matamo ang kaligtasan, hindi hinihingi ng Diyos ang pagsang ayon sa bawat kaliit-liitang detalye ng katuruan ng Bibliya. Hindi ang kumpletong pagkaunawa at pagsangayon sa bawat aspeto ng Trinitarianismo ang kinakailangan upang maligtas.
Pinaninindigan namin na ang Trinitarianismo o Trinitarianism ay isang katuruan na sinasangayunan ng Bibliya. Ipinoproklama namin na ang pagkaunawa at paniniwala sa Biblikal na Trinitarianismo ay lubhang napakahalaga sa pag-unawa sa Diyos, sa kaligtasan at sa patuloy na gawain ng Diyos sa buhay ng mga mananampalataya. Gayundin naman may mga makadiyos na indibidwal, na mga totoong tagasunod ni Krsito ang nagkaroon ng maling pangunawa sa mga aspeto ng Trinitarianismo (Trinitarianism). Mahalagang tandaan na hindi tayo naligtas dahil sa pagkakaroon ng isang perpektong doktrina. Tayo ay naligtas sa biyaya sa pamamagitan ng pagtitiwala sa ating perpektong Tagapagligtas (Juan 3:16). Kailangan ba tayong maniwala sa ilang aspeto ng Trinitarianismo upang maligtas? Oo. kailangan ba nating sumangayon sa lahat na aspeto ng Trinitarianismo upang maligtas? Hindi.
English
Ano ang Trinitarianismo (Trinitarianism)? Naaayon ba ito sa turo ng Bibliya?