Tanong
Matutulog ba tayo sa langit?
Sagot
Isang pisikal na pangangailangan para sa ating katawang lupa ang pagtulog. Kapag wal tayong tulog, hihinto sa paggana ng tama ang ating utak, at tatanggi ng makipagtulungan sa ating mga katawan. Ang pagtulog at pag-gising ay isa lamang sa maraming cycle na inilagay ng Diyos sa mundo-kabilang sa ibang cycle na ito ang pagbabago ng panahon, araw at gabi, at ang pag-ikot ng tubig. Bahagi ng buhay sa planetang ito ang cycle. Gayunman, pagkatapos ng kamatayan, nasa ibang kaharian na tayo. Pagkatapos ng kamatayan, ang mga “kay Kristo” ay makakasama Niya kaagad (2 Corinto 5:8) ngunit hindi pa magkakaroon ng ganap na pagpapanumbalik ng kanilang mga katawan. Kailangan nating maghintay para sa muling pagkabuhay upang magkaroon ng maluwalhating katawan (1 Corinto 15:40; 2 Corinto 4:14; Juan 5:28-29). Sa pagitan ng kamatayan at bago ang pagkabuhay na mag uli, hindi na kailangan ng ating mga kaluluwa ang pagtulog sa halip, masisiyahan tayo sa walang humpay na pagsamba at kagalakan sa presensya ng Panginoon.
Ang langit ang espiritwal na kaharian kung saan maghihintay tayo sa muling pagkabuhay ng ating mga katawan. Inilarawan ni Jesus ang pansamantalang pahingahang dako para sa mga matuwid bilang “malapit kay Abraham” (Lucas 16:23). Magkakaroon tayo ng ibang uri ng katawan at makikilala natin ang isa’t isa (Lucas 16:22-24). Maaaring mayroon tayo ng ilang kaalaman sa mga pangyayari sa lupa (Lucas 16:27-28; Pahayag 6:9-10). Ngunit dapat nating bigyang pansin ang mga nakakita sa Diyos sa kanyang kaluwalhatian tulad nina Isaias (Isaias 6:1-5), Moises (Exodo 33:20-23), at Juan (Pahayag 1:17). Ang pamumuhay sa harap ng presensya ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan ay magbabago ng lahat. Ang mga bagay sa mundo, kasama na ang pagtulog ay hindi na magkakaroon ng kaparehong halaga sa atin.
Gayunpaman, nilikha ng Diyos ang mga tao upang manirahan sa pisikal na kaharian. Nais Niyang ibalik ang lahat ng bagay bilang bago (Gawa 3:21) sa muling pagkabuhay, ang ating mga kaluluwa na nakasama na ni Kristo ay sasaping muli sa ating maayos na mga katawan. Pagkatapos, tatahan tayo sa bagong mundo kasama si Jesus (Isaias 65:17; Pahayag 21:1-2). Gugugol tayo ng walang hanggang panahon sa pamumuhay sa mga perpektong katawan sa isang perpektong mundo kasama si Jesus bilang ating walang kapantay na Hari. Sa walang hanggang kalagayan, maaaring muling maging bahagi ng ating karanasan ang pagtulog, gayundin ang pagkain at pag-inom (Lucas 14:15; Pahayag 19:9). Ngunit hindi kinakailangan ang pagtulog dahil sa pagod o kahinaan dahil ang ating mga katawan ay magiging perpekto tulad ng katawan ni Jesus matapos ang kanyang muling pagkabuhay (Lucas 24:41-42). HIndi sapat ang ating nalalaman mula sa kasulatan upang sabihin ng tiyak kung tayo ay matutulog o hindi sa langit, sa milenyo o sa walang hanggang kalagayan. Ito ay isa sa mga libu-libong tanong na masasagot natin sa langit. Isang bagay ang sigurado: kapag una nating nakita si Hesus, ang pagtulog ay magiging huli sa ating mga iisipin.
English
Matutulog ba tayo sa langit?