Tanong
Ligtas pa ba ang isang Kristiyanong tumalikod sa pananampalataya?
Sagot
Ito ay isang katanungan na walang katapusang pinagdedebatehan ng mga Kristiyano sa loob ng mahabang panahon. Ang salitang "pagtalikod sa pananampalataya" ay hindi makikita sa Bagong Tipan ngunit ginamit sa Lumang Tipan para sa bansang Israel. Bagamat ang Israel ay bayang pinili ng Diyos, paulit-ulit silang tumalikod sa Diyos at lumaban sa Kanya (Jeremias 8:9). Ito ang dahilan kung bakit kinakailangan silang paulit ulit na maghandog ng mga hayop na susunugin para sa kanilang mga kasalanan upang manumbalik ang kanilang relasyon sa Diyos sa tuwing sila'y magkakasala. Sa kabilang dako, ang mga Kristiyano naman ay nakinabang sa perpekto at minsanang paghahandog ni Kristo para sa kasalanan at hindi na sila nangangailangan pa na maghandog para sa kanilang mga kasalanan. Ang Diyos mismo ang gumawa ng kaligtasan para sa atin (1 Corinto 5:21), at dahil Siya ang nagligtas sa atin, ang tunay na Kristiyano ay hindi maaaring tumalikod sa Kanya.
Nagkakasala pa rin ang mga Kristiyano (1 Juan 1:8), ngunit ang mga tunay na Krsitiyano ay hindi nabubuhay sa pagkakasala. Tayong mga mananampalataya ay mga bagong nilalang at mayroon ng bagong pagkatao (2 Corinto 5:17). Nananahan sa atin ang Banal na Espiritu at Siya ang nagbibigay ng kalakasan sa atin upang patuloy na mamunga sa Espiritu (Galacia 5:22-23). Ang buhay ng Kristiyano ay isang binagong buhay. Ang mga Kristiyano ay pinatawad na sa lahat ng kanilang mga kasalanan, at bagamat nagkakasala pa rin sila paminsan minsan, patuloy silang nabubuhay sa kabanalan at patuloy na nagiging kawangis ni Kristo habang patuloy silang lumalapit sa Diyos. Kaduda-duda ang isang tao na nagaangkin na siya ay isang mananampalataya kay Kristo ngunit hindi nakikita sa kanyang buhay ang kanyang pananampalataya. Oo, ang isang tunay na Kristiyano ay maaaring magkasala ngunit nananatili pa rin siyang ligtas. Ang isang taong nagsasabing siya ay Kristiyano ngunit patuloy na namumuhay sa pagkakasala ay hindi isang tunay na Kristiyano.
Paanong matatalikuran si Kristo ng isang taong nagtataglay ng Banal na Espiritu? Sinasabi sa atin ng Bibliya na kung itinanggi ng isang taong si Kristo, hindi siya tunay na nakakilala kay Kristo sa umpisa pa lamang. "Sila'y nangagsilabas sa atin, nguni't sila'y hindi sa atin; sapagka't kung sila'y sa atin ay nagsipanatili sana sa atin: nguni't nangagsilabas, upang sila'y mahayag na silang lahat ay hindi sa atin" (1 Juan 2:19). Ang isang taong tinanggihan si Kristo at tumalikod sa pananampalataya ay nagpapakita lamang na hindi siya totoong napabilang sa mga na kay Kristo. Ang mga tunay na kay Kristo ay nagpapatuloy kay Kristo. Ang mga tumalikod sa kanilang pananampalataya ay hindi kailanman nakakilala kay Kristo. "Narito ang kasabihang mapananaligan: "Kapag tayo'y namatay na kalakip ni Jesu-Cristo, walang salang mabubuhay na kasama niya tayo; Kung tayo man ay magtiis ng hirap sa mundong ito, maghahari naman tayong kapiling ng ating Cristo; kapag siya'y itinakwil sa harapan ng mga tao pagdating ng takdang araw, itatakwil niya tayo. Kung tayo ma'y hindi tapat, si Cristo ay tapat pa rin sapagkat ang sa kanya ay hindi niya itatakwil." (2 Timoteo 2:11-13).
English
Ligtas pa ba ang isang Kristiyanong tumalikod sa pananampalataya?