settings icon
share icon
Tanong

Sino ang tunay na Hesus sa kasaysayan?

video
Sagot


Ang laging itinatanong ng marami ay “Sino ba si Hesus?” Walang duda na ang pangalang Hesu Kristo ay pangalang kinikilala sa buong mundo na higit sa alinmang pangalan. May ikatlong bahagi ng populasyon ng mundo - may 2.5 bilyong tao - ang tinatawag ang kanilang sarili na mga Kristiyano o tagasunod ni Kristo. Ang Islam naman na binubuo ng humigit kumulang na 1.5 bilyong katao, ay kinikilala rin si Hesus bilang ikalawang dakilang propeta kasunod ni Muhamad. Sa natitirang 3.2 bilyong katao (halos kalahati ng populasyon ng mundo), karamihan sa kanila ay narinig na ang pangalang Hesus o kaya naman ay nakakakilala kay Hesus.



Kung ating lalagumin ang buhay ni Hesus mula sa Kanyang pagsilang hanggang sa Kanyang kamatayan, ito ay maiksi lamang. Isinilang si Hesus ng mga magulang na Hudyo sa Bethlehem, isang maliit na bayan sa timog ng Jerusalem habang ang teritoryo ay nasasakop ng mga Romano. Lumipat ang kanyang mga magulang sa Hilaga sa Nazareth, kung saan Siya lumaki; kaya pangkaraniwan Siyang tinatawag na “Hesus Nazareno.” Ang Kanyang ama ay isang karpintero, kaya natutuhan Niya sa Kanyang ama ang trabahong ito noong Kanyang kabataan. Nang may tatlumpung taong gulang na si Hesus, sinimulan Niya ang kanyang ministeryo sa publiko. Pumili Siya ng labindalawang alagad na may mababang reputasyon sa lipunan habang nangangaral Siya sa Capernaum, isang malaking nayon na sentro ng pangisdaan sa tabi ng lawa ng Galilea. Mula roon, naglakbay Siya at nangaral sa buong rehiyon ng Galilea at sa tuwina ay nagtutungo sa mga lugar ng mga Hentil at maging ng mga Samaritano sa kanyang pahintu-hintong paglalakbay patungong Jerusalem.

Ang hindi pangkaraniwang pagtuturo at pamamaraan ni Hesus ay gumulat at nagdala ng kaligaligan sa marami. Ang Kanyang kakaibang mensahe na may kasamang mga himala at pagpapagaling ay nakahikayat ng napakaraming tagasunod. Mabilis na kumalat ang Kanyang popularidad sa mga tao at dahil dito, napansin siya ng mga pinunong panrelihiyon ng mga Hudyo. Hindi naglaon, nainggit at nagtanim sa Kanya ng galit ang mga pinunong Hudyo dahil sa Kanyang tagumpay. Marami sa mga lider relihiyon ang nasaktan sa Kanyang mga turo at natanto na ang kanilang tradisyon at seremonyang panrelihiyon ay nasa panganib. Kaya't nagplano sila kasama ang mga pinunong Romano na ipapatay si Hesus. Inalok nila ang isa sa Kanyang mga alagad ng tatlumpung salaping pilak upang ipagkanulo si Hesus. Hindi nagtagal, ipinaaresto nila si Hesus at isinailalim sa isang pakunwari at mabilisang paglilitis at agad agad Siyang hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagpako sa sa Krus.

Ngunit hindi gaya ng ibang mga kwento sa kasaysayan, hindi nagwakas ang kwento ni Hesus sa Kanyang kamatayan; sa halip ito ang naging pasimula. Lumitaw lamang ang Kristiyanismo dahil sa mga nangyari pagkatapos Niyang mamatay. Tatlong araw pagkatapos Niyang mamatay at ilibing, inangkin ng Kanyang mga alagad at ng maraming iba pang saksi na si Hesus ay nabuhay mula sa mga patay. Natagpuang walang laman ang Kanyang libingan, wala na ang kanyang katawan at nasaksihan ng maraming mga saksi ang kanyang pagpapakita sa iba't ibang grupo ng tao, sa iba't ibang lugar at sa magkakaibang panahon.

Dahil dito, ipinahayag ng mga tao na Si Hesus ang Kristo o Mesiyas, ang Tagapagligtas. Inangkin nila na ang Kanyang pagkabuhay na muli ang nagpapatunay ng Kanyang mensahe ng kapatawaran mula sa mga kasalanan. Sa una, ipinangaral ang Mabuting Balitang ito na tinatawag na Ebanghelyo sa Jerusalem, sa mismong siyudad kung saan Siya pinatay. Ang bagong sektang ito ay nakilala bilang “ang Daan” (tingnan ang Gawa 9:2, 19:9, 23; 24:22) at mabilis itong dumami. Sa loob lamang ng maiksing panahon, ang mensahe ng Ebanghelyo ay kumalat sa ibang bansa hanggang sa Roma at sa pinakamalayong lugar na nasasakop ng imperyo.

Walang duda na si Hesus ay may napakalaking ambag sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ang katanungan kung sino ang “tunay na Hesus ng kasaysayan” ay masasagot sa pamamagitan ng pagaaral sa iniambag ni Hesus sa kasaysayan ng mundo. Ang tanging paliwanag sa walang kapantay na nagawa ng buhay ni Hesus sa mundo ay sa dahilang si Hesus ay hindi isang ordinaryong tao lamang. Si Hesus, gaya ng pagpapakilala sa Kanya ng Bibliya ay Diyos na nagkatawang tao. Tanging ang Diyos lamang na lumikha ng buong sangkalawakan at lahat ng naroon ang may ganap na kapamahalaan sa kasaysayan at maaaring makagawa ng ganito kalaking impluwensya sa kasaysayan ng sangkatauhan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang tunay na Hesus sa kasaysayan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries