settings icon
share icon
Tanong

Ano ang tunay na Ebanghelyo?

Sagot


Ang tunay na Ebanghelyo ay ang Mabuting Balita na inililigtas ng Diyos ang mga makasalanan sa Kanyang biyaya. Ang tao ayon sa kalikasan ay makasalanan at hiwalay sa Diyos at walang pag-asa upang lunasan ang kanyang kalagayan sa kanyang sariling kakayahan. Ngunit nagkaloob ang Diyos ng kaparaanan upang matubos tayo sa kasalanan sa pamamagitan ng buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Tagapagligtas, ang ating Panginoong Hesu Kristo.

Ang salitang "Ebanghelyo" ay literal na nangangahulugan na "Mabuting Balita." Ngunit upang tunay na maunawaan kung gaano kabuti ang balitang ito, una, dapat muna nating maintindihan ang masamang balita. Dahil sa pagbagsak ng tao sa kasalanan sa hardin ng Eden, (Genesis 3:6), ang bawat sangkap ng tao - ang kanyang isip, kalooban, emosyon at laman - ay naapektuhan ng kasalanan. Dahil sa makasalanang kalikasan ng tao, hindi siya humahanap at hindi niya kayang hanapin ang Diyos. Wala siyang anumang pagnanais na lumapit sa Diyos at wala siyang kakayahang maunawaan ang katotohanan, at ang kanyang isipan ay lumalaban sa Diyos sa tuwina (Roma 8:7). Idineklara ng Diyos ang Kanyang sumpa sa tao dahil sa kasalanan at iyon ay ang walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos at pagdurusa sa impiyerno. Sa impiyerno pagdurusahan ng tao ang kanyang mga kasalanan laban sa banal at makatarungang Diyos. Ito ang masamang balita.

Ngunit sa Ebanghelyo, ang Diyos, sa Kanyang kahabagan, ay nagbigay ng lunas, ng kahalili para sa atin - si Hesu Kristo na dumating upang bayaran ang kabayaran ng kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang paghahandog ng buhay sa krus. Ito ang esensya ng Ebanghelyo na ipinangaral ni Pablo sa mga taga Corinto. Ipinaliwanag niya sa 1 Corinto 15:2-4 ang tatlong elemento ng Ebanghelyo - ang kamatayan, paglilibing at pagkabuhay na muli ni Kristo sa krus alang alang sa atin. Ang ating dating pagkatao ay kasamang namatay ni Kristo sa Krus at inilibing na kasama Niya. Pagkatapos, nabuhay tayong muli na kasama Niya sa isang bagong buhay (Roma 6:4-8). Sinabi ni Pablo na dapat tayong manghawak na matibay sa Ebanghelyong ito, dahil ito ang tanging makapagliligtas sa atin. Ang pananampalataya sa ibang Ebanghelyo ay walang kabuluhan. Sa Roma 1:16-17, idineklara din ni Pablo na ang tunay na Ebanghelyo ang "kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng sinumang sasampalataya," na ang ibig sabihin ay hindi makakamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng anumang gawa ng tao kundi sa biyaya lamang sa pamamagitan ng kaloob na pananampalataya (Efeso 2:8-9).

Dahil sa Ebanghelyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ang mga nananampalataya kay Kristo (Roma 10:9) ay hindi lamang naligtas sa apoy ng impiyerno. Sa katotohanan, tayo ay binigyan ng bagong kalikasan (2 Corinto 5:17) at mayroong binagong puso, bagong pagnanasa at bagong kalooban na nahahayag sa mabubuting gawa. Ito ang bunga ng Banal na Espiritu sa atin sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan. Hindi ang mabubuting gawa ang dahilan ng kaligtasan ngunit ito ang katibayan ng ating kaligtasan (Efeso 2:10). Ang mga iniligtas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay laging nagpapakita ng ebidensya ng kaligtasan sa kanilang binagong buhay.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang tunay na Ebanghelyo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries