Tanong
Ano ang tunay na pagkakaibigan ayon sa Bibliya?
Sagot
Ibinigay sa atin ng Panginoong Hesus ang pagkakakilanlan sa isang tunay na kaibigan: “Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo'y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama” (Juan 15:13-15). Si Hesus ang halimbawa ng isang tunay na kaibigan dahil ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga “kaibigan.” Gayundin naman, maaaring maging kaibigan Niya ang sinuman sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanya bilang kanyang sariling Tagapagligtas, sa pamamagitan ng pagsilang na muli at pagtanggap ng bagong buhay mula sa Diyos.
Ang isang halimbawa ng tunay na pagkakaibigan ay sa pagitan ni David at Jonathan na anak ni Haring Saul. Sa kabila ng pagtatangka ng kanyang ama na patayin si David, si Jonathan ay nanatiling isang tapat na kaibigan. Makikita ang kuwentong ito sa 1 Samuel 17 hanggang 20. Ang ilang talata na partikular na tumutukoy sa pagkakaibigan nina David at Jonathan ay ang 1 Samuel 18:1-4; 19: 4-7; 20:11-17, 41-42.
Ang aklat ng Kawikaan ay maganda ring pagkunan ng karunungan tungkol sa pagkakaibigan. “Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at sa oras ng kagipita'y kapatid na tumutulong “(Kawikaan 17:17). “May pagkakaibigang madaling lumamig ngunit may kaibigang higit pa sa kapatid” (Kawikaan 18:24). Ang kundisyon upang magkaroon ng isang tunay na kaibigan ay dapat kang maging isang tunay na kaibigan din naman. “May pakinabang sa hampas ng tapat na kaibigan kaysa halik ng isang kaaway” (Kawikaan 27:6). “Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal at isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan” (Kawikaan 27:17).
Ang prinsipyo ng pakikipagkaibigan ay makikita din sa aklat ng Amos. “Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang tao kung di muna sila magtipan?” (Amos 3:3). Ang magkaibigan ay pareho ang pagiisip. Ang isang kaibigan ay isang tao na maaari mong pagtapatan ng iyong saloobin ng may buong pagtitiwala. Ang isang kaibigan ay isang tao na iyong iginagalang at gumagalang din sa iyo, hindi dahil sa karapatdapat ka sa paggalang kundi dahil pareho ang takbo ng inyong pagiisip.
Sa huli, ang tunay na kahulugan ng pagiging isang tunay na kaibigan ay nagmula kay Apostol Pablo: “Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid---bagamat maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang mabuting tao. Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa” (Roma 5:7-8). Sinabi din ni Apostol Juan, “Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan” (Juan 15:13). Ngayon, iyan ang tunay na pagkakaibigan!
English
Ano ang tunay na pagkakaibigan ayon sa Bibliya?