settings icon
share icon
Tanong

Sinu sino ang mga unang ama ng iglesya?

Sagot


Ang mga unang ama ng iglesya ay nasasakop sa tatlong pangunahing kategorya: ang mga apostolikong ama ng iglesya, ang mga ama ng iglesya bago ang konseho ng Nicea at ang mga ama ng iglesya pagkatapos ng konseho ng Nicea. Kabilang sa mga apostolikong ama ng iglesya si Clement ng Roma na kasabayan at maaaring dinisipulo ng mga apostol na dinala at itinuro ang katuruan at tradisyon ng mga apostol. Si Linus na nabanggit sa 2 timoteo 4:21 ay naging obispo sa Roma pagkatapos na patayin si Pedro. Si Clement ang pumalit sa posisyon ni Linus. Si Linus at Clement ng Roma ay parehong ibinibilang sa mga apostolikong ama ng iglesya. Gayunman walang natagpuan na aklat si Linus samantalang marami sa mga sinulat ni Clement ang natagpuan. Sa pasimula ng ikalawang siglo, namayapa na ang lahat ng mga apostolikong ama ng iglesya maliban sa mga dinisipulo ni Apostol Juan gaya ni Polycarp. Ayon sa tradisyon, namatay si Juan sa Efeso noong humigit kumulang 98 A.D.

Ang mga ama ng iglesya ay nabuhay pagkatapos ng mga apostolikong ama ng iglesya at bago ang Konseho ng Nicea noon A.D. 325. Kabilang sa mga ito si Iraeneus, Ignatius at Justin Martyr.

Kabilang sa mga ama ng iglesya pagkatapos ng konseho ng Nicea sina Augustine, obispo ng Hippo, na tinatawag ding ama ng Iglesya Romana Katolika dahil sa kanyang pagsulat ng mga doktrina ng iglesya. Kabilang din sa mga ito si Chrysostom, na tinatawag namang "ang tao na may gintong bibig" dahil sa kanyang kahusayan sa pagsasalita at si Eusebius, na sumulat ng kasysayan ng iglesya mula sa kapanganakan ni Hesus hanggang sa A.D. 324, isang taon bago maganap ang konseho ng Nicea. Nakabilang siya sa mga ama ng iglesya pagkatapos ng konseho ng Nicea dahil hindi niya isinulat ang kasaysayan ng iglesya hanggang hindi natatapos ang konseho. Ang iba pang ama ng iglesya pagkatapos ng konseho ng Nicea ay sina Jerome, ang nagsalin ng Bibliyang Griyego sa Latin Vulgate, at si Ambrose, na siyang pangunahing responsable sa pagiging Kristiyano ni Emperador Constantino.

Ano ang pinaniniwalaan ng mga unang ama ng iglesya? Ang mga apostolikong ama ay nakatuon ang pansin sa pagtuturo ng Ebanghelyo gaya ng kung paano ito itinuro ng mga apostol. Hindi sila interesado sa paggawa ng mga pormula ng doktrinang Kristiyano dahil para sa kanila, sapat na ang kanilang natutuhan mula sa mga apostol. Gaya ng mga apostol, naging masigasig sila sa pagsaway sa mga maling katuruan at sa paglalantad ng mga maling doktrina na nakapasok sa unang iglesya. Inalagaan nila at iningatan ang Ebanghelyo at nagnais sila na manatili sa katotohanan ng Ebanghelyo gaya ng ipinangaral ng mga apostol.

Nagnais din na maging tapat sa ebanghelyo ang mga ama ng iglesya bago ang konseho ng Nicea ngunit mayroon silang karagdagang alalahanin. Sa kanilang panahon, may mga kasulatan na lumabas na nagaangkin na kapantay ng awtoridad ng mga sinulat ni Apostol Pablo, Pedro at Lukas. Ang dahilan sa paglabas ng mga huwad na dokumentong ito ay napakalinaw. Kung mapapaniwala nila ang iglesya sa kanilang mga itinuturo, makapapasok ang mga maling katuruan sa iglesya. Kaya't ginugol ng mga ama ng iglesya sa panahong ito ang marami sa kanilang panahon sa pagtatanggol sa pananampalatayang Kristiyano laban sa mga maling doktrina, at ito ang naging daan sa pormasyon ng mga pormula ng doktrinang Kristiyano.

Ang mga ama ng iglesya pagkatapos ng konseho ng Nicea ay nagsagawa ng misyon na ipagtanggol ang ebanghelyo laban sa lahat ng uri ng hidwang pananampalataya kaya't dumami ng dumami ang mga ama ng iglesya sa panahong ito ang naging interesado sa paggawa ng mga metodolohiya sa pagtatanggol sa Ebanghelyo at naging kakaunti ang kanilang interes sa pagpapahayag ng Ebanghelyo sa isang praktikal na pamamaraan. Kaya't nagsimula silang lumayo sa ortodoksiya na siyang tatak ng mga apostolikong ama ng iglesya. Ito ang panahon kung kailan nagkaroon ng mahahabang pagtatalo talo ang mga teologo sa mga hindi naman mahalagang mga paksa gaya ng "ilang mga anghel ang kayang magsayaw sa dulo ng isang karayom."

Isang magandang halimbawa para sa atin ang mga unang ama ng Iglesya sa kung ano ang kahulugan ng pagsunod kay Kristo at sa pagtatanggol sa katotohanan. Walang perpekto sa sinuman sa mga unang ama ng iglesya, gaya natin naman na hindi rin perpekto. Ilan sa mga unang ama ng iglesya ang nanghawak sa mga paniniwala na ikinukunsidera natin ngayon na hindi tama. Ang doktrina ng iglesya Romana Katolika ay nag-ugat sa mga sinulat ng mga ama ng iglesya sa panahon matapos ang konseho ng Nicea. Habang maaari tayong matuto sa pagaaral sa mga sinulat ng mga unang ama ng iglesya, sa huli ang ating pananampalataya ay dapat na nakabatay lamang sa Salita ng Diyos, hindi sa mga sinulat ng mga unang ama ng iglesya. Tanging ang Salita lamang ng Diyos, ang hindi nagkakamaling gabay sa pananampalataya at mga gawa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sinu sino ang mga unang ama ng iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries