Tanong
Ano ang unang pagkabuhay na mag-uli? Ano ang ikalawang pagkabuhay na mag-uli?
Sagot
Tinukoy sa Daniel 12:2 ang dalawang magkaibang destinasyon na pupuntahan ng sangkatauhan: “At marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa ay mangagigising, ang iba'y sa walang hanggang buhay, at ang iba'y sa kahihiyan at sa walang hanggang pagkapahamak.” Ang lahat ng tao ay bubuhaying muli mula sa patay, ngunit hindi lahat ay magkakapareho ng destinasyon. Inihayag sa Bagong Tipan ang karagdagang detalye ng magkahiwalay na pagkabuhay na mag-uli ng masama at matuwid.
Binanggit sa Pahayag 20:4-6 ang “unang pagkabuhay na mag-uli” at ipinakilala na ang mga taong kabilang dito ay yaong mga “banal at pinagpala.” Ang ikalawang kamatayan (lawa ng apoy, Pahayag 20:14) ay walang kapangyarihan sa mga taong ito. Ang unang pagkabuhay na mag-uli ay ang pagbuhay sa katawan ng mga mananampalataya. Sang-ayon ito sa katuruan ni Hesus tungkol sa “pagkabuhay na mag-uli ng mga matuwid” (Lukas 14:14) at ang “muling pagkabuhay” (Juan 5:29).
Ang unang pagkabuhay na mag-uli ay naganap at magaganap sa iba’t ibang yugto. Si Hesu Kristo mismo (ang “pangunahing bunga,” 1 Corinto 15:20), at nagbukas ng daan para sa pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng nananalig sa Kanya. Nagkaroon din ng pagkabuhay na mag-uli ng mga banal sa Jerusalem (Mateo 27:52-53) na kabilang sa unang pagkabuhay na mag-uli noong mamatay si Hesus sa krus. Ang susunod na pagkabuhay na mag-uli para sa mga mananampalataya ay yaong mga “namatay kay Kristo” at magaganap sa muling pagparito ng Panginoon (1 Tesalonica 4:16) at ang pagkabuhay na mag-uli ng mga martir sa katapusan ng Dakilang Kapighatian (Pahayag 20:4).
Ipinakilala sa Pahayag 20:12-13 ang mga kabilang sa ikalawang pagkabuhay na mag-uli na mga “masasamang tao” na hahatulan ng Diyos sa harap ng Dakilang Tronong Puti bago sila itapon sa dagat dagatang apoy. Ang ikalawang pagkabuhay na mag-uli ang pagbuhay sa mga hindi mananampalataya at may kaugnayan sa ikalawang kamatayan. Sang-ayon ito sa turo ni Hesus tungkol sa “pagkabuhay na mag-uli sa paghatol” (Juan 5:29).
Ang pangyayari na naghihiwalay sa una at ikalawang pagkabuhay na mag-uli ay ang isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa. Ang huli sa mga matuwid na bubuhayin ay “maghaharing kasama ni Hesus sa loob ng isanlibong taon” (Pahayag 20:4), “ngunit ang natitira sa mga patay [ang mga hindi mananampalataya] ay hindi bubuhaying muli hanggang hindi natatapos ang isanlibong taon” (Pahayag 20:5).
Anong laking kagalakan ang magaganap sa unang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay! Anong laking kalungkutan naman ang magaganap sa ikalawang pagkabuhay na mag-uli! Anong laking responsibilidad ang pangangaral natin ng Ebanghelyo! “Agawin ninyo ang mga hahatulan sa apoy ng paghuhukom” (Judas 23).
English
Ano ang unang pagkabuhay na mag-uli? Ano ang ikalawang pagkabuhay na mag-uli?