settings icon
share icon
Tanong

Bakit napakahirap na unawain ang Bibliya?

Sagot


Ang bawat isa ay may iba't ibang antas ng kahirapan sa pagunawa sa Bibliya. Kahit sa nakaraang halos dalawang libong (2,000) taon ng kasaysayan ng Iglesya, may ilang mga sitas at talata na kahit ang mga pinakamatatalinong iskolar ng Bibliya ay nahihirapang unawain ang tamang kahulugan. Bakit nga ba napakahirap unawain ng Bibliya? Bakit kailangan na maglaan ng panahon at masusing pagaaral upang maunawaan ng buo at tama ang Bibliya? Bago namin tangkaing sagutin ang tanong na ito, kailangan munang malaman na hindi nakipagugnayan ang Diyos sa tao sa isang mahirap at malabong kaparaanan. Ang mensahe ng Salita ng Diyos ay napakalinaw. Ang dahilan kung bakit napakahirap minsan na maunawaan ang mensahe ng Bibliya ay dahil tayo ay mga makasalanan - at ang kasalanan ang nagpapalabo sa ating pangunawa at nagtutulak sa atin upang baluktutin ang mensahe ng Bibliya ayon sa ating sariling kagustuhan.

May ilang mga kadahilanan na nagpapahirap sa atin na maunawaan ang Bibliya. Una ,ay ang pagkakaiba sa panahon at kultura. Ang Bibliya ay nasulat sa pagitan ng tatlong libo at apat na raan (3,400) at isanlibo at siyam na raang (1,900) taon bago ang panahon natin ngayon. Ang kultura noong isinulat ang Bibliya ay ibang iba sa karamihan ng kultura sa panahon ngayon. Ang gawain ng mga naglalakbay na pastol noong 1,800 B.C. sa Gitnang Silangan ay tiyak na hindi mauunawaan ng mga computer programmer sa Pilipinas ngayong ika dalawampu’t isang siglo (21st century). Kaya nga napakahalaga na sa pagtatangkang unawain ang Bibliya, kailangan nating kilalanin at pagaralan ang kultura kung kailan ito isinulat.

Ikalawa, ang Bibliya ay naglalaman ng iba't ibang uri ng literatura gaya ng kasaysayan, kautusan, mga tula, mga kasabihan, mga hula o propesiya, mga personal na liham at sulat na tumatalakay sa mangyayari sa hinaharap. Ang mga aklat tungkol sa kasaysayan ay dapat na unawain ng kakaiba sa pagunawa sa mga aklat ng kasabihan. Ang mga tula naman ay hindi dapat unawain na gaya ng pagunawa sa mga sulat tungkol sa mangyayari sa hinaharap. Ang isang personal na liham, habang may kahulugan pa rin sa atin ngayon ay maaring may aplikasyon sa atin na iba sa aplikasyon ng mga orihinal na sinulatan. Ang pagkilala na naglalaman ang Bibliya ng iba't ibang uri ng literatura ay napakahalaga upang maiwasan ang kaguluhan at maling pangunawa.

Ikatlo, lahat tayo ay nagkasala at lahat tayo ay nagkakamali (Ecclesiastes 7:20; Roma 3:23; 1 Juan 1:8). Kahit gaano pa tayo kasigasig na alisin ang ating mga personal na pananaw sa ating pagbabasa ng Bibliya, hindi maiiwasan paminsan minsan na pakahuluganan natin ang Bibliya ng ayon sa ating nais ipakahulugan. Nakalulungkot, na marami sa maling pangunawa sa Bibliya ngayon ay dahil sa mga nakaugalian ng paniniwala. Sa tuwing pagaaralan ang Bibliya, dapat nating hilingin sa Diyos na alisin ang ating mga personal na pagpapalagay at tulungan tayo na maunawaan ang kanyang Salita ng hiwalay sa ating mga sariling haka haka. Napakahirap nitong gawin sa tuwina dahil ang pagsusuko ng ating sariling pagpapalagay at interpretasyon sa mga talata ng Bibliya ay nangangailangan ng pagpapakumbaba at ng kahandaang umamin sa ating mga pagkakamali.

Hindi lamang ang tatlong hakbang na ito ang kailangan upang maunawaan ng tama ang Bibliya. Maraming mga libro ang nasulat tungkol sa Biblical Hermeneutics - ang sining at siyensya sa pagunawa sa Bibliya. Gayunman, ang tatlong hakbang na ito ay isang napakagandang pasimula sa pagunawa o interpretasyon ng Bibliya. Dapat nating kilalanin ang pagkakaiba sa kultura sa pagitan natin at ng mga tao sa panahon ng Bibliya. Dapat nating alamin ang iba't ibang uri ng literatura na ginamit sa Bibliya at dapat nating hayaan na ang Bibliya ang magsalita para sa kanyang sarili at huwag nating hayaan na makulayan ng ating sariling pagpapalagay at haka haka ang ating interpretasyon.

Kadalasan, ang pagunawa sa Bibliya ay isang napakahirap na gawain, ngunit sa tulong ng Diyos ito ay posible. Tandaan na kung sumasampalataya ka kay Kristo, nananahan sa “yo ang Banal na Espiritu (Roma 8:9). Ang Diyos na “huminga sa Kasulatan” (2 Timoteo 3:16-17) ay ang parehong Diyos na magbubukas ng iyong isipan sa katotohanan kung magtitiwala ka sa Kanya. Hindi ito nangangahulugan na ang pagaaral ng Kanyang salita ay gagawin Niyang laging madali. Ninanais ng Diyos na pag-aralan natin ang Kanyang salita at saliksikin ang mga espiritwal na kayamanan doon. Ang pagunawa sa Bibliya ay maaaring hindi madali, ngunit ito ay tunay na nagpapala at kasiya siya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit napakahirap na unawain ang Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries