settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Unitarianismo Unibersalismo (Unitarianism Universalism)?

Sagot


Ang Unitarianismo Unibersalismo (Unitarianism Universalism) ay isang may kaliitan, ngunit maimpluwensyang grupong pangrelihiyon. Ang pagsangayon sa kultura, pagkunsinti sa kasalanan at malayang pamumuhay ng ayon sa sariling kagustuhan ang mga pamilyar na katuruan ng grupong ito.

Nagmula ang pangalang Unitarian Universalism mula sa pagtanggi sa doktrina ng Trinidad at sa paniniwala na maliligtas ang lahat ng tao. Ayon sa mga Unibersalista, ang mismong ideya na maaaring pumunta ang isang tao sa impiyerno ay hindi sang-ayon sa karakter ng isang Diyos ng pag-ibig. Ang ugat ng relihiyong ito ay nagmula pa noong ika-16 siglo ng maging popular ang paniniwala ng mga Unitarians sa panahon ng repormasyon. Pinagsama ang kaisipan ng Unitarianismo at Unibersalismo noong huling bahagi ng ika-18 siglo sa Amerika sa panahon ng katwiran (Age of Reason). Tumanggi ang mga mayayamang intelektwal noong panahong ito sa mga biblikal na katuruan gaya ng kawalang kakayahan ng tao na iligtas ang sarili at walang hanggang pagdurusa, at sa halip, niyakap ang ideya na hindi maaaring parusahan ng Diyos ng pag-ibig ang sinuman.

Ibinase ng mga Unitarianista Unibersalista ang kanilang paniniwala sa kanilang sariling karanasan at hindi sila nagpapasakop sa anumang sistema ng relihiyon. Naniniwala sila na may karapatan ang indibidwal na magpasya para sa kanyang sarili kung ano ang kanyang paniniwalaan at hindi dapat na manghimasok ang sinuman sa kalayaang ito. Bilang resulta, maaaring kumiling ang isang mananampalataya sa liberal na Kristiyanismo, habang ang isa naman ay maaaring kumiling sa espiritwalidad ng New Age. Wala silang totoong dogma at kinukunsinti ang ibang tao sa lahat ng bagay maliban sa Biblikal na Kristiyanismo. Itinuturing ng mga Unitarian Universalists ang Bibliya bilang isang aklat ng tula, mitolohiya at katuruang moral, isang aklat na sinulat lamang ng karaniwang tao at hindi tunay na Salita ng Diyos. Tinatanggihan nila ang pagpapakila ng Bibliya sa Diyos bilang isang Diyos na may tatlong persona, at hinahayaan ang sinuman na magkaroon ng konsepto ng Diyos ayon sa kanyang sariling imahinasyon.

Para sa isang Unitarian Universalist, si Jesus ay isa lamang mabuting guro ng moralidad, ngunit hindi hihigit sa rito. Hindi siya itinuturing na Diyos at ang mga himalang Kanyang ginawa ay isinasantabi bilang mga pangyayaring hindi maipapaliwanag ng tao. Ang karamihan ng mga kasabihan ni Jesus na natala sa Bibliya ay itinuturing na mga kuwentong pinaganda lamang ng mga manunulat. Ilan sa mga paniniwala ng mga Unitarian Universalists ang mga sumusnod: hIndi si Jesus namatay upang iligtas ang sangkatauhan sa kanilang mga kasalanan dahil ang tao ay hindi makasalanan; ang diin ay sa kakayahan ng tao na gumawa ng mabuti; walang pakahulugan sa kasalanan at ang mismong termino ay madalang gamitin. Kaya ng tao na iligtas ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa sarili at ang kaligtasan ay mula sa masasamang karanasan sa mundo, at paggising sa mundo sa kanyang sarili hindi kaligtasan sa impiyerno. Ito ay napakahalaga dahil ang kamatayan ay katapusan. Nakararaming Unitarian Universalists ang tumatanggi sa pagkakaroon ng buhay sa kabila, kaya ang buhay na ito lamang sa lupa ang totoong buhay, wala ng iba.

Sa kabilang banda, itinutuwid ng Bibliya ang mga kasinungalingang ito. Namatay si Jesus para sa sangkatauhan na ngayon ay nasa makasalanang kalagayan mula noong magkasala sina Adan at Eba sa Hardin ng Eden at dahil sa kasalanan nahiwalay sa Diyos ang lahat ng tao (Juan 10:15; Roma 3:24-25; 5:8; 1 Pedro 2:24). Sinasabi ng Bibliya na walang kahit isang mabuting tao kundi makasalanan ang lahat at walang pag-asa sa kaligtasan. Sa pamamagitan lamang ng biyaya ng Diyos at pananampalataya sa nabuhos na dugo ni Kristo sa krus maipagkakasundo ang tao sa isang Banal at walang hanggang Diyos (Genesis 2:16-17; 3:1-19; Juan 3:36; Roma 3:23; 1 Corinto 2:14; Efeso 2:1-10; 1 Timoteo 2:13-14; 1 Juan 1:8).

Walang pagkakahalintulad sa anumang paraan ang Unitarian Universalism sa Biblikal na Kristiyanismo. Ito ay isang huwad na Ebanghelyo at salungat ang mga katuruan nito sa Bibliya. Tinatanggihan ng mga miyembro nito ang tradisyon at Biblikal na Kristiyanismo (habang ipinapakita na walang diskriminasyon o anumang uri ng pagkagalit sa kanilang paniniwala). Maliwanag na sinasalungat ng Bibliya ang Unitarianismo Unibersalismo sa lahat ng pangunahing katuruan nito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Unitarianismo Unibersalismo (Unitarianism Universalism)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries