Tanong
Ano ang iba’t ibang uri ng mga anghel?
Sagot
May dalawang kategorya ang mga anghel: ang mga anghel na hindi nagkasala at ang mga anghel na nagkasala. Ang mga anghel na hindi nagkasala ay ang mga anghel na nanatiling tapat sa Diyos at mananatiling banal habampanahon. Tinatawag din silang mga “banal na anghel.” Sa Kasulatan, kung binabanggit ang mga anghel sa pangkalahatan, ito ang klase ng anghel na tinutukoy. Sa kabilang dako, ang mga nagkasalang anghel naman ay ang mga anghel na hindi napanatili ang kanilang kabanalan.
May ilang espesyal na uri ang mga banal na anghel, at may ilang indibidwal na anghel na binanggit ang pangalan sa Bibliya. Mapapansing si Arkanghel Miguel ang pinuno ng lahat ng mga banal na anghel. Ang kanyang pangalan ay nangangahulugang “sino ang katulad ng Diyos?” (Daniel 10:21; 12:1; 1 Tesalonica 4:16; Judas 1:9; Pahayag 12:7-10). Si anghel Gabriel naman ay isa sa mga pangunahing mensahero ng Diyos at ang kanyang pangalan ay nangangahulugang “bayani ng Diyos.” Pinagkatiwalaan siya ng Diyos ng mahahalagang mensahe gaya ng kanyang ipinahayag kay propeta Daniel (Daniel 8:16; 9:21), kay Zacarias (Lukas 1:18-19), at kay Maria (Lukas 1:26-38).
Ang karamihan ng mga banal na anghel ay hindi pinangalanan sa Bibliya at inilarawan lamang bilang mga “hinirang na mga anghel” (1 Timoteo 5:21). Ang ekspresyong “mga pinuno” at mga “may kapangyarihan” ay tila ginagamit para sa lahat ng anghel, nagkasala man o hindi (Lukas 21:26; Roma 8:38; Efeso1:21; 3:10; Colosas 1:16; 2:10, 15; 1 Pedro 3:22). May ilang anghel na itinalaga bilang mga “kerubin,” o mga nilalang na buhay na ipinagtatanggol ang kabanalan ng Diyos mula sa anumang bahid ng kasalanan (Genesis 3:24; Exodo 25:18, 20). Ang mga serapin naman ay isa pang uri ng anghel na binanggit ng isang beses lamang sa Kasulatan sa Isaias 6:2-7. Inilarawan sila na may tatlong pares ng pakpak. Mawawaring ang kanilang papel ay ang pagpupuri sa Diyos, bilang mga mensahero ng Diyos sa mundo at lalo’t higit sa mga bagay na may kinalaman sa kabanalan ng Diyos. Ang karamihan ng banggit sa mga banal na anghel sa Kasulatan ay patungkol sa kanilang mga gawain, na totoong napakalawak. Naroroon sila at nasaksihan ang paglikha, ang pagbibigay ng Kautusan, ang pagsilang ni Kristo at ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli, pagakyat sa langit, at naroroon din sila sa pagdagit sa iglesya at sa ikalawang pagparito ni Kristo.
Kumpara sa mga grupo ng mga banal na anghel, hindi rin mabilang sa dami ang mga anghel na nagkasala bagama’t mas kakaunti sila kaysa sa mga banal na anghel. Inilarawan sila na’ bumagsak’ mula sa kanilang dating kalagayan. Sa pangunguna ni Satanas na isa ring dating banal na anghel, tumalikod ang mga nagkasalang anghel at nagrebelde laban sa Diyos at naging makasalanan sa kanilang kalikasan at gawain. Nahahati ang mga nagkasalang anghel sa dalawang klase: ang mga malaya at ang mga nakabilanggo. Sa mga anghel na nagkasala, si Satanas lamang ang partikular na binabanggit ang pangalan sa Bibliya. Nang bumagsak si Satanas (Juan 8:44; Lukas 10:18), kumampi sa kanya ang ikatlong bahagi ng bilang ng mga anghel. Kabilang sa mga anghel na ito ang mga anghel na nakabilanggo at naghihintay sa paghuhukom (1 Corinto 6:3; 2 Pedro 2:4; Judas 1:6). Ang natitira sa mga masamang anghel ay malaya at sila ang mga demonyo o mga diyablo na tinutukoy sa buong Bagong Tipan (Markos 5:9, 15; Lukas 8:30; 1 Timoteo 4:1). Alipin sila ni Satanas at sinusunod ang lahat ng kanyang mga plano at kabahagi sa kanyang sumpa (Mateo 25:41; Pahayag 20:10).
English
Ano ang iba’t ibang uri ng mga anghel?