settings icon
share icon
Tanong

May iba’t ibang uri ba ng mga demonyo?

Sagot


Walang maraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa iba’t ibang uri ng demonyo. Pero, sa pagdaan ng mga taon, iba’t ibang manunulat ng mga aklat sa teolohiya ang nakabuo ng iba’t ibang klasipikasyon para sa mga demonyo gayundin ng iba pang impormasyon tungkol sa kanila. Ang isa sa pinakamatagal ay ang aklat nan a pinamagatang Tipan ni Solomon na hindi kasama sa Bibliya. Sa panahon ng panggitnang siglo, dumami ang mga aklat na tumatalakay sa mga demonyo at sila ay laging inuuri ayon sa mga kasalanan na kanilang isinusulong o kinasasangkutan. Halimbawa, sinasabing may isang demonyo sa likod ng bawat isa sa “pitong nakamamatay na kasalanan.”

Ang Bibliya ang tanging magpagkakatiwalaang pinanggagalingan ng impormasyon tungkol sa mga demonyo at ang impormasyong taglay nito tungkol sa kanila ay hindi kakaunti. Walang direktang sinasabi ang Bibliya tungkol sa mga uri o klasipikasyon ng mga demonyo. Binabanggit ni Jesus ang isang natatanging uri ng masamang espiritu sa Markos 9:29, pero hindi Niya ito pinangalanan. Ang marami sa ating mga impormasyon tungkol sa mga demonyo ay simpleng kinuha lamang mula sa mga sitas ng Bibliya kung saan may papel silang ginagampanan. Ang mga ministeryong Kristiyano na nagtutuon ng pansin sa pagpapalaya mula sa mga demonyo ay nagbibigay ng diin sa mga demonyo ng higit sa Bibliya.

Ang isang detalyadong katuruan tungkol sa mga demonyo pero ayon lamang sa haka-haka ay nagmula sa ilang grupo ng mga karismatiko. Iba’t ibang masasamang espiritu ang kanilang pinangalanan ng “Jezebel,” “ahas,” “Delilah,” “sirena,” “Absalom,” atbp. Wala sa mga ito ang nasa Bibliya. Hindi nagbibigay ang kasulatan ng dahilan para tayo maniwala na may partikular na klase o uri ng mga demonyo o may kaloob ang mga Kristiyano ngayon ng pagsaway at pagpapalayas sa mga demonyo. Ang pagimbento sa ganitong makabagong mitolohiya ay hindi nakakatulong sa simulain ni Cristo.

Maaaring ang pinakamahabang sitas sa pakikidigmang espiritwal sa Bagong Tipan ay ang Efeso 6:10–18 (tungkol sa buong baluti ng Diyos) kung saan binabanggit na “hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito, sa mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid” (talata 12). Gayunman, ang diin ay sa mga sandata na ipinagkaloob ng Diyos sa mga Kristiyano para sa tagumpay; hindi binabanggit ang mga pamamaraan para talian o palayasin ang pwersa ng kasamaan. Habang inuunawa ng ilan ang mga nilalang na binanggit sa mga talatang ito (pinuno, may kapangyarihan, tagapamahala, at espiritwal na hukbo) bilang iba’t ibang klase ng mga demonyo, ito ay simpleng paglalagay ng sariling pakahulugan sa teksto.

Mula sa ebidensya ng Bibliya, naniniwala kami na ang mga demonyo ay mga nagkasalang anghel na sumunod kay Satanas ng magrebelde ito laban sa Diyos. Sinasabi sa Pahayag 12 na itinapon ng dragon (Satanas) ang ikatlong bahagi ng mga bituin mula sa langit. Gayunman, ang pinagmulan ng mga demonyo ay hindi gaanong malinaw at ang konklusyon na sila ay mga nagkasalang anghel ay pinapabulaanan ng ilan. Mababasa natin sa Pahayag 12:9, “Itinapon ang napakalaking dragon, ang matandang ahas na tinatawag na Diyablo at Satanas, na nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa kasama ang lahat ng kanyang mga kampon.” Gayundin sinasabi sa Mateo 25:41 na sasabihin Niya sa ilan sa Araw ng Paghuhukom, “Lumayo kayo sa harapan ko, kayong mga isinumpa! Doon kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon.” Maaari itong mangahulugan na ang mga demonyo ay mga nagkasalang anghel na pinalayas sa langit kasama si Satanas, o maaaring ang kahulugan nito ay tinatawag na demonyo ang mga anghel dahil sila ay mga “mensahero” (ang literal na kahulugan ng salitang anghel) ni Satanas.

May katiyakang masasabi naming na ang mga demonyo ang mga mensahero o kampon ni Satanas. Ang salitang demonyo ay hindi ginamit sa Lumang Tipan (bagama’t binanggit ang masasamang espiritu), pero sa panahon ng Bagong Tipan, nagkaroon ng maraming espekulasyon sa kanila ang mga teologong Judio. Ang konsepto ng mga demonyo o masasamang espiritu ay pangkaraniwan din sa ibang kaisipang panrelihiyon ng panahong iyon. Tila ipinagpapalagay ng mga Ebanghelyo na marami sa mga kaisipan tungkol sa mga demonyo ng panahong iyon ay totoo dahil sa nasaksihan nilang pagpapalaya ni Jesus ng mga demonyo (halimbawa sa Mateo 8:28–33), at nakikita natin na lagi silang responsable sa pagkakaroon ng pisikal na karamdaman na pinagaling ni Jesus sa pamamagitan sa pagpapalayas sa mga demonyo (halimbawa sa Mateo 9:33). Sinasabi sa atin ni Pablo na ang mga demonyo ang nasa likod ng pagsamba sa mga diyus-diyusan ng mga pagano at ang paghahandog sa isang diyus-diyusan ay tunay na isang handog para sa isang demonyo (1 Corinto 10:19–20).

Sa tuwing may puwang sa ating kaalaman, natural na nais natin itong punan. Gayunman, sa kaso ng kaalaman sa mga demonyo, karamihan sa impormasyon ay walang basehan at minsan ay nakakatakot lamang na haka-haka. Alam natin na ang mga demonyo ay masasamang espiritu na kasabwat ni Satanas at sumusunod sa kanyang mga utos at lumalaban sa Diyos at sa sangkatauhan. Maaaring wastong isipin na sila ay pantapat ni Satanas sa mga banal na anghel na naglilingkod sa mga tao para sa Diyos. Alam natin na sila ay nagapi na ni Cristo sa prinsipyo doon sa krus at ang kanilang huling hantungan ay walang hanggang pagdurusa sa isang lugar na inihanda para sa kanila (Mateo 25:41).


English



Bumalik sa Tagalog Home Page

May iba’t ibang uri ba ng mga demonyo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries