Tanong
Anu-ano ang iba’t ibang uri ng panalangin?
Sagot
Ipinakita sa Bibliya ang iba’t ibang uri ng panalangin kung saan ginamit ang maraming pananalita upang ilarawan ang mga ito. Halimbawa sinasabi sa 1 Timoteo 2:1, “Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao.” Makikita natin sa isang talatang ito ang apat sa mga pangunahing salitang Griyego na ginamit para sa panalangin.
Ito ang mga pangunahing uri ng panalangin sa Bibliya:
Ang panalangin ng pananampalataya: Sinasabi sa Santiago 5:15, “Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon at patatawarin ang kanyang mga kasalanan.” Ayon sa konteksto ng talatang ito, ang panalangin ay inihahandog sa Diyos sa pananampalataya para sa isang may-sakit at hinihingi sa Diyos ng kagalingan. Sa ating pananalangin, kailangan nating manampalataya sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos (Markos 9:23).
Ang panalangin ng pagsang-ayon (kilala rin sa tawag na sama-samang panalangin): Pagkatapos umakyat ni Hesus sa langit, ang mga alagad ay, “Laging nagsasama-sama sa pananalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus; gayundin ang mga kapatid ni Jesus” (Gawa 1:14). Kalaunan, pagkatapos ng Pentecostes, inilaan ng unang iglesya ang kanilang sarili sa pananalangin (Gawa 2:42). Ang kanilang halimbawa ang humihimok sa atin na manalangin din naman kasama ng iba.
Ang panalangin ng paghingi: Dapat nating dalhin sa Diyos ang ating mga kahilingan. Itinuturo sa Filipos 4:6, “Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.” Bahagi ng pagtatagumpay sa espiritwal na pakikibaka ay ang “pananalangin sa Espiritu sa lahat ng oras ng may pasasalamat at paghingi” (Efeso 6:18).
Panalangin ng Pasasalamat: Makikita natin ang uring ito na panalangin sa Filipos 4:5, “Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.” Maraming halimbawa ng ganitong uri ng panalangin ang makikita sa aklat ng mga Awit.
Panalangin ng Pagsamba: Ang panalangin ng pagsamba ay katulad ng panalangin ng pasasalamat. Ang kaibahan ay nakatuon ang panalangin ng pagsamba sa katangian ng Diyos; ang panalangin ng pasasalamat naman ay nakatuon sa mga ginagawa ng Diyos. Ang mga tagapanguna sa Iglesya sa Antioquia ay nanalangin sa ganitong pamamaraan ng may kasamang pagaayuno: “Habang sila'y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila'y pinili ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila'y pinalakad na” (Gawa 13:2-3).
Pananalangin ng pagpapabanal: Minsan, ang panalangin ay panahon ng pagbubukod ng ating sarili upang sundin ang kalooban ng Diyos. Sinambit ni Hesus ang ganitong uri ng panalangin noong gabi bago Siya ipako sa Krus: “Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari” (Mateo 26:39).
Panalangin ng pamamagitan: Kalimitan, ang ating mga panalangin ay may kasamang kahilingan para sa ibang tao habang namamagitan tayo para sa kanila: Sinabihan tayo na manalangin “para sa lahat ng tao” sa 1 Timoteo 2:1. Si Hesus ang ating halimbawa ng pananalangin para sa iba. Ang buong kabanata 17 ng Juan ay panalangin ni Hesus para sa Kanyang mga alagad at para sa lahat ng mga mananampalataya sa lahat ng panahon.
Panalangin ng pagpaparusa sa mga kaaway: Ang ganitong panalangin ay makikita sa aklat ng mga Awit (halimbawa ang mga kabanata 7, 55, 69). Ginagamit ito upang manawagan para sa hatol ng Diyos sa mga masasama upang ipaghiganti ang mga matuwid. Ginamit ng Mangaawit ang ganitong uri ng panalangin upang bigyang diin ang kabanalan ng Diyos at ang katiyakan ng pagdating ng Kanyang hatol. Itinuro ni Hesus na dapat nating ipanalangin na pagpalain ang ating mga kaaway hindi sumpain (Maeo 5:44-48).
Binabanggit din sa Bibliya ang pananalangin sa Espiritu (1 Corinto 14:14-15) kung hindi tayo makapagisip ng mga nararapat na pananalita (Roma 8:26-27). Sa mga ganitong pagkakataon, ang Espiritu mismo ang lumuluhog sa Diyos para sa atin.
Ang panalangin ay dapat na gawin ng walang humpay (1 Tesalonica 5:16-18). Habang lumalago tayo sa ating pag-ibig sa Panginoong Hesu Kristo, normal nating nanasain na manalangin sa Kanya.
English
Anu-ano ang iba’t ibang uri ng panalangin?