settings icon
share icon
Tanong

Ano ang utilitarianismo (utilitarianism)?

Sagot


Ang esensya ng utilitarianismo (utilitarianism) ay ang konsepto nito ng kasiyahan at sakit. Ayon sa pilosopiya ng utilitarianismo ang ‘mabuti’ ay anumang bagay na nagpapasidhi ng kasiyahan at nagpapabawas sa sakit. Ito ang pilosopiya ng resulta. Kung ang resulta ng isang aksyon ay nagpapasidhi ng kasiyahan at nagpapabawas ng sakit, ang aksyon ay itinuturing na mabuti. Sa puso ng utilitarianismo ay ang pilosopiya ng hedonismo (hedonism). Ang kasaysayan ng utilitarianismo ay nag-ugat pa sa sinaunang pilosopong si Epicurus, ngunit bilang isang kaisipan ito ay ikinakabit sa pilosopong taga Britanya na nagngangalang Jeremy Bentham.

Ano ang ilang problema sa Utilitarianismo (utilitarianism)? Una, nakatuon ang pansin nito sa resulta. Sa katotohanan, ang isang aksyon ay hindi agad na matatawag na mabuti dahil lamang ang resulta nito ay mabuti. Sinasabi sa Bibliya na, “Ang batayan ko ay di tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko" (1 Samuel 16:7). Ang Diyos ay hindi tumitingin sa resulta kundi sa motibo ng puso ng tao. Ang mga mabubuting aksyon dahil sa masamang intensyon ay hindi nagbibigay kasiyahan sa Diyos. Ang realidad ay hindi natin nalalaman ang motibo ng tao. Ni hindi nga natin kayang lubusang maunawaan ang ating sariling motibo. Ngunit hindi ito maidadahilan ng tao; Lahat tayo ay haharap sa Diyos at magbibigay sulit sa ating mga aksyon.

Ang ikalawang problema sa Utilitarianismo ay ang pagbibgay nito ng kahulugan sa kasiyahan bilang mabuting bagay sa halip na unawain kung ano talaga ang totoong mabuti. Ang kasiyahan ang pakahulugan nito sa mabuti at dahil dito, ito ay maaaring maging napakamakasarili. Ang nakapagbibigay kasiyahan sa isang tao ay maaaring hindi nakakapagbigay kasiyahan sa ibang tao. Ayon sa Bibliya, ang Diyos ang kahulugan ng mabuti (Awit 86:5; 119:68), at dahil hindi nagbabago ang Diyos (Santiago1:17), hindi rin nagbabago ang kahulugan ng mabuti, ito ang tama at timbang na pananaw ng kung ano ang mabuti. Hindi nagbabago ang kabutihan ayon sa takbo ng isip ng tao sa pagdaan ng panahon. Gayundin naman, sa pagturing sa kasiyahan bilang kabutihan, nanganganib tayo na pakahuluganan ang mabuti bilang simpleng kasiyahan ng ating makalamang pagnanasa. Gaya ng nakikita sa mga tao na namumuhay ayon sa paniniwalang hedonistic, mas nagpapasasa ang isang tao sa kasiyahan, mas magaang ang nararanasang sakit at mas kinakailangan ang higit na pagpapakasaya upang makamit ang parehong karanasan. Ito ay ang batas ng nababawasang resulta, na inilapat sa kasiyahan. Ang halimbawa nito ay isang durugista na nag-eekspiremento sa mas malalakas na dosis ng gamot upang makamit ang parehong lakas ng tama.

Ang ikatlong problema ng Utilitarianismo (utilitarianism) ay ang pagiwas sa sakit at kabiguan. Hindi lahat ng sakit ay masama. Hindi ibig sabihin na mabuti ang sakit, ngunit maaari itong magbunga ng mabuti. Ang kasaysayan ng sangkatauhan ay punong puno ng pagkatuto mula sa mga sakit ng pagkakamali. Gaya ng sinasabi ng marami, ang kabiguan ang pinakamagaling na guro. Hindi namin sinasabi na dapat nating hanapin ang sakit. Ngunit ang sabihin na ang sakit ay masama at dapat iwasan ay isang kamangmangan. Higit na interesado ang Diyos sa ating kabanalan kaysa sa ating kasiyahan. Ang kanyang hamon sa tao ay maging banal dahil Siya ay banal (Levitico 11:44; 1 Pedro 1:15-16). Sinasabi din ng Bibliya na dapat tayong magalak kapag tayo’y dumaranas ng iba't ibang pagsubok (Santiago 1:2-4), hindi dahil masaya ang may pagsubok, kundi dahil ang mga ito ang dahilan upang mas higit tayong maging matiyaga at maging tapat sa Diyos.

Sa kabuuan, ang pilosopiya ng Utilitarianismo (utilitarianism) ay nakatuon sa pagsisikap na gawing malaya sa sakit ang buhay para sa lahat ng tao. Sa biglang tingin, mukhang ito ay isang kapuri-puring layunin. Sinong tao sa mundo ang aayaw na maibsan ang pagdurusa? Ngunit sinasabi sa atin ng Bibliya na may higit pa sa buhay natin dito sa lupa kaysa sa paghahanap ng kasiyahan. Kung ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay ay upang maranasan lamang ang mas maraming kasiyahan sa mundo, hindi pa natin naiintindihan ang tunay na dahilan ng buhay. Sinabi ni Hesus na ang nabubuhay para lamang sa buhay na ito ay magdaranas ng kabiguan sa huli (Mateo 6:19). Sinabi ni Apostol Pablo na ang mga pagsubok at kahirapan sa buhay na ito ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang sasaatin sa walang hanggan (2 Corinto 4:17). Ang mga bagay sa buhay na ito ay lumilipas at panandalian lamang (t. 18). Ang dapat nating maging layunin ay maranasan ang kaluwalhatiang sasaatin sa langit hindi lamang sa buhay natin dito sa lupa.



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang utilitarianismo (utilitarianism)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries