Tanong
Ano ang Via Dolorosa?
Sagot
Ang Via Dolorosa, o sa literal ay “daan ng kapighatian” ay ang tradisyonal na ruta sa Jerusalem na tinahak ng Panginoon sa araw ng pagpapako sa Kanya sa krus mula sa hukuman ni Pilato, na tinatawag ding Pretoryo (Mateo 27:2-26), hanggang sa lugar na pagpapakuan sa Kanya sa Bundok ng Kalbaryo. Pagkatapos na hatulan ni Pilato, hinagupit ang Panginoong Jesus, tinuya at dinuran sa mukha ng mga sundalong Romano (Mateo 27:26-31). Pagkatapos, pinuwersa Siya na pasanin ang Kanyang sariling krus habang binabagtas ang kalsada ng Jerusalem patungong Golgota kung saan Siya ipapako (Mateo 27:32-50). Ang Via Dolorosa ay namamarkahan ngayon ng labing apat na “istasyon ng krus” sa paggunita sa labing apat na insidente na inaakalang naganap habang daan. May lima sa labing apat na insidenteng ito ang hindi itinala sa Bibliya, at sa halip ay nagmula sa tradisyon ng Romano Katoliko. Sa mga pangyayaring nabanggit sa Kasulatan, ang aktwal na lugar ng mga pangyayari, gaya ng pagpalo sa kanyang likod (Juan 19:1-3) at pagdadala ng krus ni Simong Cireneo (Mateo 27:32), ay walang tiyak na nakakaalam.
Hindi partikular na binabanggit sa Bibliya ang Via Dolorosa. Ang alam lang natin mula sa Kasulatan ay pinasan ni Jesus ang Krus mula sa Pretoryo hanggang sa bundok ng Kalbaryo kung saan Siya ipinako. Ang lokasyon ng dalawang lugar na ito ay tiyak na nalalaman sa ngayon, ngunit kung nasaan man sila, ang ruta sa pagitan nila ay tunay na nakakapanlumo. Ang paghagupit at pisikal na sakit na dinanas ng Panginoong Jesus ay maliit lamang kumpara sa bigat ng tunay Niyang dinadala nong araw na iyon – ang bigat ng kasalanan ng lahat ng mga mananampalataya. Dinala Niya sa krus ang ating mga kasalanan at binayaran para sa ating lahat.
Habang pinagninilayan ng mga Kristiyano ang paglalakbay ni Cristo patungo sa krus, ipinapaalala sa atin na isang napakahalagang kaloob ang ating kaligtasan at ang laki ng halagang ibinayad ng ating panginoong Jesu Cristo. “Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan; Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas Niya at sa mga hampas na Kanyang tinanggap” (Isaias 53:5). Habang iniisip natin ang sakit at kahihiyan na Kanyang dinanas para sa atin, ng kanyang pagbabayad ng halaga na hindi natin kayang bayaran sa ating mga sarili, wala tayong magawa kundi purihin at pasalamatan Siya at italaga ang ating mga sarili sa isang buhay ng pagsunod sa Kanya.
English
Ano ang Via Dolorosa?