settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Voodoo? Ano ang dapat na maging pananaw ng Kristiyano sa Voodoo?

Sagot


Ang Voodoo ay pangalan para sa ilang gawaing pangrelihiyon na nagmula sa West Africa. Ang orihinal na Voodoo sa West Africa ay isang relihiyon na maraming diyos na tinatawag na Vodon. Sinasamba ng relihiyong ito ang isang diyos na may dalawang kalikasan, isang babae at isang lalaki, at ang mga espiritu na namamahala sa kalikasan gayundin ang espiritu ng mga bato, ilog, mga puno at iba pa. Ang mga espiritung ito ay tinatawag na vodon o vudu. Kabilang sa mga anyong ito ng voodoo ang paghahandog ng mga hayop at pagsamba sa mga ninuno.

Ang isang uri ng lihim na voodoo ay matatagpuan sa Latin America, Cuba, Haiti, at mga bahagi ng America na nagmula sa West Africa ngunit inihalo sa mga panlabas na katuruan ng Romano Katoliko. Nagkaroon ng ganitong uri ng relihiyon ng dalhin sa bagong mundo ang mga aliping galing sa West Africa na napilitang umanib sa Simbahang Romano Katoliko. Inihalo nila ang West African Voodoo sa Katolisismo. Sa Cuba, ang paghahalong ito ay kadalasang tinatawag na Santeria; tinatwag naman itong Candomble sa Brazil (maaari ding gamitin ang ibang termino) Sa Haiti, ang pagsamba ay inuuukol sa loa, mga diyos na naglilingkod sa Isang Diyos. Ang Ioa ay kahalintulad sa mga santo ng Romano Katoliko.

Sa Louisiana sa Amerika, binibigyan ng diin ng Voodoo ang paniniwala sa mga espiritu na namamahala sa lahat ng bagay. Pinalitan ng mga alipin ang mga pangalang afrikano ng mga espiritung ito at ginawang pangalan ng mga santo ng mga Katoliko bilang bahagi ng pagsasanib ng Voodoo ng West Africa at ng Romano Katolisismo ng Amerika. Ang mga babae ng Voodoo sa Louisiana na nangunguna sa mga ritwal at seremonya at gumagamit ng mga gayuma at anting anting ay tinatawag na mga "Reyna ng Voodoo" (Queens of Voodoo). Ang pinakakilalang Reyna ng Voodoo ay si Marie Laveau ng New Orleans na itinuturing ang sarili bilang isang debotong Katoliko. Dahil dito, lalong lumalim ang paghahalo sa pagitan ng Voodoo at Romano Katolisismo.

Dahil pangunahing nakabase ang Voodoo sa tradisyon o sa sabi-sabi ng matatanda, maaaring iba-iba ang pananaw ng mga tao sa Voodoo. Naniniwala ang Voodoo sa isang diyos na tinatawag na Bondye, ngunit ang diyos na ito ay napakalayo at hindi aktibo sa araw-araw. Nakikipagugnayan ang mga mananambang Voodoo sa mga espiritu sa pamamagitan ng paggawa ng tunog, pagsasayaw ng tila nawawala sa sarili kung saan inaanyayahan nila ang mga espiritu na "sumakay" sa kanila. Gumagamit din sila ng mga ahas. May mga espesyal din silang pagkain, seremonya, ritwal at pagbibitiw ng sumpa, gayuma at talisman at mga anting-anting para sa paggaling at pagiingat ng mga espiritu sa mga tagasunod.

KInapapalooban ang voodoo ng pagsamba sa mga espiritu at okultismo gaya ng panghuhula at pangkukulam. Ang mga gawaing ito ay mariing kinokondena ng Diyos sa buong Bibliya halimbawa sa Deuteronomio 18:9-13, kung saan ipinagbawal ng Diyos ang pagkonsulta sa mga "manghuhula, mangkukulam, mga mananawas, at mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay" (tingnan din ang Levitico 19:26, 31, 20:6; 2 Hari 17:17; Gawa 19:18-19; Galacia 5:9-21; Pahayag 21:8, 22:15).

Ang diyos ng Voodoo ay hindi ang Diyos na ipinakilala ng Bibliya kundi isang malayong diyos na hindi sangkot sa sangkatuhan o kalikasan. Ang pagsamba sa mga espiritu ng Voodoo at pagsamba sa mga diyus-diyusan ay kinokondena sa buong Bibliya. Hindi lamang isang relihiyon ang Voodoo na sumasalungat sa Kristiyanismo kundi ang mga paniniwala at mga gawain nito ay lumalaban sa Salita ng Diyos. Bukod pa rito, ang mga gawain ng Voodoo na okultismo ay mapanganib dahil binubuksan ng mga gawaing ito ang tao sa impluwensya ng mga demonyo.

Sa pagsasanib sa pagitan ng pagsamba sa mga espiritu at sa maraming diyos at ng mababaw na Romano Katolisismo, tinatanggihan ng Voodoo ang paghahari ni Jesu Cristo at ang kanyang gawain ng pagtubos sa krus at sa pangangailangan ng kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Kristo. Kaya nga ang Voodoo ay sumasalungat sa Salita ng Diyos sa tatlong paraan: Hindi nila sinasamba ang tunay na Diyos, pangalawa lamang si Jesus sa mga espiritu, at nangingibabaw sa Voodoo ang okultismo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Voodoo? Ano ang dapat na maging pananaw ng Kristiyano sa Voodoo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries