settings icon
share icon
Tanong

Paano ko mapaglalabanan ang aking pagkatakot sa wakas ng panahon?

Sagot


Sinabi ni Hesus na may mga nakakatakot na pangyayari sa pagwawakas ng panahon; sa katunayan, “Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit” (Lukas 21:26). May mga tao ngayon na napupuno ng takot dahil lamang sa pagiisip sa mga maaaring mangyari. Ngunit hindi nais ng Diyos na mamuhay tayo sa takot: “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian” (Lukas 12:32).

Ang pinakamagandang paraan upang mapaglabanan mo ang pagkatakot sa wakas ng panahon ay maging handa ka sa espiritwal. Una at pinakamahalaga sa lahat, dapat kang magkaroon ng personal na relasyon sa Panginoong Hesu Kristo upang maranasan mo ang buhay na walang hanggan (Juan 3:16; Roma 10:9–10).Tanging sa pamamagitan lamang ni Hesu Kristo ka makakatanggap ng kapatawaran sa iyong mga kasalanan at makakaranas ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos. Kung ang Diyos ang iyong Ama, at si Hesus ang iyong Panginoon, wala kang dapat katakutan at ipag-alala (Filipos 4:7).

Ikalawa, dapat na namumuhay ang bawat Kristiyano ng karapatdapat sa pagkatawag sa kanila ni Kristo. Itinuturo sa Efeso 4:1¬–3, “Kaya't ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo'y maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga. Magparaya kayo dahil sa inyong pagmamahal sa isa't isa. Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo.” Ang pagkakilala kay Kristo at pagsunod sa Kanyang kalooban ay makakatulong ng malaki upang mawala ang pagkatakot ng tao sa anumang bagay.

Ikatlo, ipinangako ng Diyos ang Kanyang pagliligtas sa mga Kristiyano at ito ay nakakapagpalakas ng loob sa atin. Sinasabi sa 1 Tesalonica 4:13-18,

“Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos upang isama kay Jesus ang lahat ng mga namatay na sumasampalataya sa kanya.

Ito ang itinuturo ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: tayong mga nabubuhay pa at natitira pa hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi mauuna sa mga namatay na. Sa araw na iyon ay maririnig ang tinig ng arkanghel at ang tunog ng trumpeta ng Diyos, at ang Panginoon mismo ay bababâ mula sa langit na sumisigaw. At ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna. Pagkatapos, tayo namang mga buháy pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman. Kaya nga, palakasin ninyo ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng mga salitang ito.”

Sa halip na matakot sa hinaharap, dapat tayong maghintay sa wakas ng panahon ng may kagalakan. Ang mga tunay na na kay Kristo ay “titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman.”

Dagdag pa rito, sinasabi ng Kasulatan na hindi tayo dapat matakot sa araw ng paghuhukom: “Ang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin kaya't panatag ang ating kalooban para sa Araw ng Paghuhukom, sapagkat tayo'y tulad ni Cristo, kahit nasa daigdig pang ito. Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa” (1 Juan 4:17–18).

Ang mga hindi pa nakakakilala kay Kristo ay walang pangako ng kapayapaan para sa hinaharap. Para sa mga hindi mananampalataya, tunay na may dapat silang katakutan dahil hindi pa sila nakikipagkasundo sa Diyos at dahil doon hindi sila magkakaroon ng katiyakan para sa kanilang hantungan sa walang hanggan. Hindi sila dadagitin sa alapaap at daranas sila ng kapighatian; kaya’t tunay na dapat silang matakot. Hindi kinatatakutan ng tunay na mananampalataya ang pagwawakas ng panahon. Sa halip, nagsisikap tayong mamuhay ng karapatdapat sa pagkatawag sa atin ng Diyos, naghihintay sa pagbabalik ni Hesu Kristo at nagtitiwala sa kaalaman na ang ating mga buhay at panahon ay nasa Kanyang mga mapagpalang kamay (Awit 31:15).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko mapaglalabanan ang aking pagkatakot sa wakas ng panahon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries