Tanong
Maaari bang maging isang diyakono o matanda sa iglesya ang isang walang asawa?
Sagot
Ang mga talata na tumutukoy sa mga kawalipikasyon para sa matanda sa iglesya o diyao ay makikita sa 1 Timoteo 3:2, “Kaya nga, ang isang tagapangasiwa ay kailangang walang kapintasan; isa lamang ang asawa, matino ang pag-iisip, marunong magpigil sa sarili, kagalang-galang, bukás ang tahanan sa iba, at may kakayahang magturo”; 1 Timoteo 3:12 “Ang mga tagapaglingkod sa iglesya ay dapat isa lamang ang asawa at maayos mangasiwa sa kanilang mga anak at sambahayan”; at Tito 1:6-7 “Italaga mo ang mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, may pagpipigil sa sarili at hindi suwail.” Ang tatlong talatang ito ay inuunawa ng ilan na nagpapahiwatig na ang isang matanda sa iglesya o diyakono ay dapat na may asawa.
Ang isyu ay hindi ang pagkakaroon ng asawa o hindi pagkakaroon ng asawa kundi ang moral at sekswal na kalinisan. Ang kwalipikasyong ito ang una sa listahan dahil sa aspetong ito karaniwang bumabagsak ang mga tagapanguna. May ilan na inuunawa na ang kwalipikasyon para sa mga diyakono ay “dapat may isa lamang asawa” sa 1 Timoteo 3:12 na ang kahulugan ay para maging isang diyakono ang isang lalaki, dapat na siya ay may asawa. Hindi ito ang kahulugan ng mga salitang “may isa lamang asawa.” Sa wikang Griyego, ang pariralang “isa lamang ang asawa” ay literal na nangangahulugan na “tapat sa asawa.” Para magkaroon ng isang posisyon bilang tagapanguna ng iglesya ang isang lalaking may asawa, dapat na siya ay nakatalaga sa kanyang asawa. Ang kwalipikasyong ito ay nangangahulugan ng pagiging tapat sa asawa at kalinisan sa sekswalidad. Hindi isang kwalipikasyon ang pagaasawa. Kung ito ay kwalipikasyon, dapat na ang isang lalaki ay may asawa at mayroon ding mga anak dahil sinasabi sa ikalawang bahagi ng 1 Timoteo 3:12, “…at maayos mangasiwa sa kanilang mga anak at sambahayan.” Dapat nating unawain ang kwalipikasyong ito na: kung ang isang lalaki ay may asawa, dapat na siya ay tapat sa kanyang asawa. At kung ang isang lalaki ay may mga anak, dapat niya silang madisiplina ng maayos.
May ilang nagaakala na hindi pinapahintulutan ng kwalipikasyong ito ang mga lalaking walang asawa sa pangunguna sa iglesya. Ngunit kung ito ang intensyon ni Pablo, siya mismo ay hindi karapatdapat (1 Corinto 7:8). Ang isang lalaking “tapat sa asawa” ay isang lalaki na ganap na nakatalaga sa kanyang asawa ay pinapanatili ang katapatan, pagmamahal, at sekswal na kalinisan sa isip at sa gawa. Ang paglabag sa kwalipikasyong ito ay paglabag sa kalinisan at ang taong iyon ay hindi na “igagalang ng mga tao” (Tito 1:6, 7). Ang hindi pagkakaroon ng asawa ay pinuri ni Pablo dahil mas magiging tapat ang isang lalaki sa paglilingkod sa Panginoon (1 Corinto 7:32-35). Bakit pagbabawalan ni Pablo ang mga lalaki sa pangunguna sa iglesya kung naniniwala siya na “Ang pinagkakaabalahan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawaing ukol sa Panginoon—kung paano niya mabibigyan ng kaluguran ang Panginoon” (1 Corinto 7:32)? Sa unang siyam na mga talata sa kabanatang ito, itinatag ni Pablo ang katotohanan na ang pagkakaroon ng asawa at pananatiling walang asawa ay mabuti ay tama sa harapan ng Panginoon. Ang isang matanda o diyakono sa iglesya ay maaaring may asawa o walang asawa, hanggat pasado siya sa mga kwalipikasyon ng kabanalan na itinala sa 1 Timoteo at aklat ng Tito.
English
Maaari bang maging isang diyakono o matanda sa iglesya ang isang walang asawa?