Tanong
Ano ang mga bagay dito sa mundo na ang kabuluhan ay pang walang hangan?
Sagot
Ang mga bagay na may pang walang hanggang kabuluhan sa mundong ito ay ang mga gawang ayon sa kalooban ng Diyos. Ang buhay sa mundong ito ay panandalian lamang, hindi pang walang hanggan, kaya nga, ang pinakamahalagang mga bagay sa mundong ito na may tunay na walang hanggang kabuluhan ay ang pagkakaroon ng relasyon sa Panginoong Hesu Kristo dahil ang kaligtasan na walang bayad na kaloob ng Diyos ay nakakamit ng mga sumasampalataya sa pamamagitan lamang Niya (Juan 3:16). Gaya ng sinabi ni Hesus, “Ako ang Daan ang Katotohanan at ang Buhay, walang sinumang makapaparoon sa Ama kundi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6). Ang lahat ng tao, Kristiyano man o hindi ay mabubuhay ng walang hanggan sa isang lugar. At ang isa pang walang hanggang destinasyon bukod sa langit kung saan makakasama si Hesu Kristo ng mga sumasampalataya ay ang walang hanggang pagdurusa sa impiyerno para sa lahat ng mga tumanggi sa Kanya (Mateo 25:46).
Patungkol sa iniaalok na kasaganaang materyal ng mundong ito, na walang pagod na hinahanap ng marami, tinuruan tayo ni Hesus na huwag magimpok ng kayamanan para sa ating sarili sa mundong ito dahil ang mga ito ay mawawasak at masisira (Mateo 6:19–20). Wala tayong dala ng lumabas sa mundong ito, at wala din tayong madadala sa paglisan natin sa mundong ito. Ngunit kadalasan, lagi nating naisasantabi ang ating paninindigang Kristiyano dahil sa ating masidhing paghahangad para sa tagumpay at materyal na kaginhawahan, at sa gitna ng ating paghahabol sa mga panlupang naisin, lagi nating nalilimutan ang Diyos. Tinalakay ni Moises ang isyung ito 3,500 taon na ang nakakaraan habang papasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako. Binalaan niya ang mga Israelita na huwag nilang kalilimutan ang Diyos dahil nalalaman niya na kung “namumuhay na sila nang sagana, at nakatira na sa magagandang bahay,” magmamalaki ang kanilang mga puso at kalilimutan nila ang Diyos (Deuteronomio 8:12–14). Tiyak na walang halaga sa walang hanggan ang pamumuhay para sa ating sarili, na hinahanap ang sariling kasiyahan sa abot ng ating makakaya, gaya ng sistema ng mundong ito na nais nating sundin at paniwalaan.
Ngunit maaaring may pang walang hanggang kabuluhan ang mga ginagawa natin sa ating buhay sa napakaiksing panahon na ating ilalagi sa mundong ito. Bagama’t malinaw na sinasabi sa Kasulatan na hindi tayo maililigtas ng ating mabubuting gawa o mapapanatili man nito ang ating kaligtasan (Efeso 2:8–9), malinaw din namang sinasabi sa Kasulatan na gagantimpalaan tayo ng pang walang hanggan para sa ating mga ginawa habang naririto sa mundo. Gaya ng sinabi ni mismo Kristo, “Sapagkat darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel, at taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama. Sa panahong iyo'y gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito” (Mateo 16:27). Tunay na ang mga Kristiyano ay “nilalang ng Diyos; nilikha sa pamamagitan ni Cristo Jesus upang iukol ang buhay sa paggawa ng mabuti” (Efeso 2:10, idinagdag ang diin). Ang mabubuting gawang ito ay tumutukoy sa paglilingkod sa Panginoon sa abot ng ating makakaya sa pamamagitan ng mga kaloob Niya sa atin at ng ating buong pagtitiwala sa Kanya.
Tinalakay ni Apostol Pablo ang kalidad ng mga gawa na maaaring magbigay sa atin ng walang hanggang gantimpala. Inihalintulad ang mga Kristiyano sa mga tagapagtayo ng gusali at ang kalidad ng kanilang mga gawa sa mga materyales na ginagamit sa pagtatayo, ipinaalam sa atin ni Pablo na ang mainam na materyales na may halaga sa walang hanggan ay ang mga materyales na tumatagal sa apoy ng pagsubok ng Diyos gaya ng “ginto, tanso, at mamahaling bato,” samantalang ang mga mahihinang materyales naman ay gaya ng “kahoy, damo at dayami, ” na ginagamit sa pagtatayo ng pundasyon na walang iba kundi si Kristo ay walang kabuluhan at hindi gagantimpalaan (1 Corinto 3:11–13). Sa esensya, sinasabi sa atin ni Pablo na hindi lahat ng ating ginagawa ay karapatdapat sa gantimpalang pang walang hanggan.
Napakaraming paraan upang ang ating paglilingkod sa Panginoon ay magbunga sa gantimpala. Una, dapat nating kilalanin na ang bawat tunay na mananampalataya ay ibinukod ng Diyos at para sa Diyos. Nang tanggapin natin ang kaloob ng Diyos na kaligtasan, binigyan din tayo ng mga espiritwal na kaloob (1 Corinto 12:7, 11). At kung iniisip natin na walang halaga ang ang ating mga kaloob, dapat nating tandaan na gaya ng sinabi ni Pablo sa mga taga Corinto, ang katawan ni Kristo ay binubuo ng maraming bahagi (1 Corinto 12:14). “Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kanyang kalooban… at ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan” (1 Corinto 12: 18, 22, idinagdag ang diin). Kung sinasanay mo ang iyong mga kaloob na espiritwal, ginagampanan mo ang isang mahalagang papel sa katawan ni Kristo at gumagawa ka ng mga bagay na may kabuluhan para sa walang hanggan.
Maaaring makagawa ng makabuluhang ambag ang bawat miyembro ng katawan ni Kristo kung ating buong pagpapakumbabang nanasain na patatagin ang katawan ni Kristo at luwalhatiin ang Diyos. Tunay na ang bawat maliliit na bagay ay maaaring bahagi ng napakagandang mosaik na hinuhugis ng Diyos kung gagampanan natin ang ating bahagi sa Kanyang gawain. Tandaan na sa mundo, walang katawan si Kristo kundi tayo na Kanyang iglesya, wala Siyang kamay sa mundong ito kundi ang ating mga kamay, at wala Siyang paa sa mundong ito kundi ang ating mga paa. Ang mga espiritwal na kaloob ang kaparaanan ng Dios upang ipagkaloob ang Kanyang biyaya sa iba. Kung ipinapakita natin ang ating pag-ibig sa Diyos, kung nagtitiyaga tayo sa ating pananampalataya sa kabila ng mga oposisyon at pag-uusig, kung sa Kanyang pangalan ay nagpapakita tayo ng habag sa mga mahihirap at mga kapus-palad, tunay nga na tayo ay nagtatayo gamit ang “ginto, tanso, at mamahaling bato,”: mga materyales na tunay na may halaga sa walang hanggan.
English
Ano ang mga bagay dito sa mundo na ang kabuluhan ay pang walang hangan?