settings icon
share icon
Tanong

Ano ang magiging kalagayan ng mga mananampalataya sa walang hanggan?

Sagot


Ang pagaaral tungkol sa "walang hanggang kalagayan" ay isang sangay ng mas malawak na pagaaral tungkol sa eskatolohiya o sa mga mangyayari sa hinaharap. Dapat munang tanggapin na ang tanging tiyak na mapagkukunan ng katuruan patungkol sa paksang ito ay ang Banal na Bibliya; walang ibang "banal na aklat" o pilosopiya ang mapagkakatiwalaan o mapagkukunan ng mga impormasyon tungkol sa mga magaganap sa hinaharap na gaya ng Bibliya.

Ang salitang Griyego na laging isinasalin sa salitang "walang hanggan" sa Bibliya ay aionos. Sa esensya, ang salitang ito ay nagpapahiwatig na "walang simula at wakas," o pagkakaroon ng simula ngunit walang wakas, sa kaugnayan sa panahon. Ang eksaktong kahulugan ay laging inuunawa sa pamamagitan ng konteksto. Kung ang salitang ito ay isasama sa salitang "buhay" (zoe sa Griyego), nangangahulugan ito hindi lamang ng isang buhay na walang katapusan, kundi maging ng isang uri ng buhay na lubhang kakaiba sa buhay dito sa lupa.

Alam natin na tatanggap ang bawat mananampalataya ng katawan na muling binuhay o niluwalhating katawan (1 Corinto 15:42). Kaya nga, hindi tayo mabubuhay na muli bilang mga espiritung walang katawan, sa halip magkakaroon tayo ng niluwalhating katawan na nababagay para sa pamamalagi sa isang walang hanggang tahanan.

Ibinigay sa Bibliya ang kakaunting detalye tungkol sa ating magiging kalagayan ng mga mananampalataya sa walang hanggang hinaharap. Sinasabi sa Kasulatan na lilikha ang Diyos ng isang bagong langit at isang bagong lupa, at bababa ang Bagong Jerusalem mula sa Diyos patungo sa bagong lupa (Pahayag 21:1-2). Sa bagong nilikhang ito mananahan magpakailanman ang mga na kay Kristo, "At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila" (Pahayag 21:3). "…at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man" (1 Tesalonica 4:17).

Ang ating pamamalagi sa walang hanggang kalagayan ay magiging lubhang kakaiba sa ating buhay na nakasanayan dito sa lupa: "…At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na" (Pahayag 21:4). Ang sumpa na naranasan ng lahat ng sangnilikha dahil sa kasalanan ni Adan ay ganap na maglalaho (Pahayag 22:3). Hindi natin maipapaliwanag sa ating sariling isip ang isang mundo na wala ng sakit o dalamhati, ngunit ito ang ipinangako ng Diyos—isang realidad na hindi abot ng ating imahinasyon. "Datapuwa't gaya ng nasusulat, Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, Ni hindi pumasok sa puso ng tao, Anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya" (1 Corinto 2:9; Isaias 64:4).

Hindi rin tayo magkakaroon pa ng masasamang alaala ng dating mundo sa ating magiging walang hanggang kalagayan. Lulunurin ng kagalakan ang lahat ng kabalisahan: "Sapagka't narito, ako'y lumilikha ng mga bagong langit, at ng bagong lupa, at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa isip man" (Isaias 65:17).

Maglilingkod tayo sa Diyos sa ating walang hanggang kalagayan (Pahayag 22:3), makikita natin Siya doon ng mukhaan (Pahayag 22:4), at mabubuhay ng may perpektong kalusugan (Pahayag 22:2). Sinasabi sa 2 Pedro 3:13 na ang bagong langit at bagong lupa ay magiging "tahahan ng katuwiran." Sa realidad na ito, walang puwang ang kasalanan.

Mula sa pasimula ng paglikha, plano na ng Diyos noon pa na dalhin ang Kanyang mga tinubos sa isang lugar na perpekto at maluwalhati (Roma 8:30; Filipos 1:6). Wala ng kasalanan, wala ng sumpa, wala ng kamatayan, wala ng pamamaalam—ang lahat ay dahil sa paghahandog ni Jesus ng Kanyang buhay doon sa krus. Sa lugar na iyon, magaganap ang maluwalhati at perpektong plano ng Diyos at mararanasan ng tao ang dahilan kung bakit siya nilikha ng Diyos — "ang parangalan ang Diyos at masiyahan sa Kanya magpakailanman" (Mas maiksing katekismo ng Westminster).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang magiging kalagayan ng mga mananampalataya sa walang hanggan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries