Tanong
Ano ang kapamahalaan ng Diyos (divine providence)?
Sagot
Ang probidensya o walang hanggang kapamahalaan ng Diyos (divine providence) ay ang katawagan sa ganap na kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng mga bagay at pangyayari sa buong sansinukob. Inilalahad ng doktrinang ito ang perpekto at ganap na pamamahala ng Diyos sa buong sansinukob sa kabuuan nito (Awit 103:19), sa mundo (Mateo 5:45), sa lahat ng nangyayari sa lahat ng bansa (Awit 66:7), sa pagsilang, sa buhay at kapalaran ng tao (Galatia 1:15), sa kanyang tagumpay at kabiguan (Lukas 1:52), at sa pag-iingat Niya sa Kanyang mga hinirang (Awit 4:8). Ang doktrinang ito ang direktang sumasalungat sa ideya na walang namamahala sa sansinukob at sumusunod lamang ito sa konsepto ng kapalaran o tadhana.
Ang layunin ng kapamahalaan ng Diyos ay upang isakatuparan ang kanyang kalooban. Upang tiyakin na ang Kanyang layunin ay magaganap, pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng nangyayari sa buhay ng tao at gumagawa Siya sa pamamagitan ng mga natural na kaayusan ng lahat ng bagay. Ang batas ng kalikasan ay isa lamang kapahayagan ng pagkilos ng Diyos sa sansinukob. Ang batas ng kalikasan ay walang kapangyarihan sa kanyang sarili, o kumikilos man sa ganang kanyang sarili. Ang batas ng kalikasan ay ang batas at prinsipyo na itinalaga ng Diyos upang pamahalaan ang lahat ng mga bagay at upang isakatuparan kung ano ang nais Niyang mangyari.
Ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos ay totoo rin sa pagdedesisyon ng tao. Sa esensya, hindi tayo malaya na pumili o gumawa ng anumang bagay na hiwalay sa kalooban ng Diyos. Ang lahat ng ating ginagawa at desisyon ay perpektong naaayon sa gusto ng Diyos - maging ang ating mga nagagawang pagkakasala (Genesis 50:20). Sa madaling salita kontrolado ng Diyos ang lahat ng ating desisyon at aksyon (Genesis 45:5; Deuteronomio 8:18; Kawikaan 21:1), ngunit ginagawa Niya ito sa paraan na hindi sinsasalungat ang ating kalayaan at responsibilidad bilang mga malayang nilalang o sinasagkaan man ang ating kalayaang mamili ayon sa ating sariling kagustuhan.
Ang doktrina ng kapamahalaan ng Diyos ay maaaring paiksiin sa pangungusap na ito: “Ang Diyos mula pa sa walang hanggang nakalipas, ayon sa Kanyang kalooban ay itinakda ang lahat ng mangyayari sa kasaysayan; ngunit hindi Siya ang may akda ng kasalanan o kaya nama'y inalis ang responsibilidad sa nilalang." Ang pangunahing paraan upang isakatuparan ng Diyos ang Kanyang kalooban ay sa pamamagitan ng mga pangalawang kasangkapan (halimbawa: batas ng kalikasan at pagpili ng tao). Sa ibang salita, gumagawa ang Diyos sa pamamagitan ng mga pangalawang kasangkapan upang isakatuparan ang Kanyang kalooban.
Minsan direktang gumagawa ang Diyos upang isakatuparan ang Kanyang kalooban. Ang mga gawang ito ay ang tinatawag nating mga himala (ang mga hindi pangkaraniwang pangyayari na salungat sa natural na batas ng kalikasan). Ang isang himala ay ang pagsalungat ng Diyos sa loob ng maiksing panahon, sa natural na kaayusan ng mga bagay upang isakatuparan ang Kanyang kalooban. May dalawang halimbawa sa aklat ng Gawa kung saan makikita ang direkta at hindi direktang pagsasakatuparan ng Diyos ng Kanyang kalooban. Sa Gawa 9, makikita natin kung paano naging mananampalataya si Saulo na taga Tarso. Sa pamamagitan ng isang nakabubulag na kislap ng liwanag at tinig na siya lamang ang nakarinig, nagbago ang takbo ng buhay ni Saulo magpakailanman. Kalooban ng Diyos na gamitin si Pablo upang isakatuparan ang Kanyang plano at ginamit Niya ang direktang pamamaraan upang gawin siyang isang manananampalataya. Makipagusap ka sa kahit sinong mananampalataya ngayon at maaaring hindi mo marinig ang parehong karanasan na gaya ng kay Pablo. Marami sa atin ang nakakilala kay Kristo sa pamamagitan ng pakikinig sa isang sermon o pagbabasa ng isang artikulo o aklat o dahil sa mapilit na pagpapatotoo ng isang kaibigan o kapamilya. Bukod dito, sa tuwina ay ginagamit ng Diyos ang mga pangyayari sa ating buhay upang ihanda tayo sa pagkilala sa Kanya gaya ng pagkawala ng trabaho, pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya, nabigong pagaasawa, pagkakasakit, o pagkagumon sa alak o droga. Ang dahilan ng pagiging mananampalataya ni Pablo ay sa pamamagitan ng isang direkta at mahimalang pagkilos ng Diyos.
Sa Gawa 16:6-10, makikita naman natin ang isang hindi direktang pagsasakatuparan ng Diyos sa Kanyang plano. Ito ay naganap sa ikalawang pagmimisyon ni Pablo habang sila'y naglalakbay. Nais ng Diyos na pumunta si Pablo at ang kanyang mga kasama sa Troas ngunit ng maiwan si Pablo sa Antioquia ng Pisidia, ninais niyang pumunta sa silangan sa Asya. Sinasabi sa Bibliya na pinagbawalan sila ng Banal na Espiritu na mangaral sa Asia. Pagkatapos ninais nilang pumunta sa kanluran sa Bitinia, ngunit hinadlangan din sila ng Banal na Espiritu kaya sa huli nagtungo din sila sa Troas. Ito ay nasulat bilang pagbabaliktanaw ngunit may mga lohikal na paliwanag kung bakit hindi sila nakapunta sa mga nabanggit na lugar ng panahong iyon. Gayunman, pagkatapos ng nasabing karanasan, napagtanto nila na ang Diyos ang umaakay sa kanila kung saan sila Niya gustong papuntahin - ito ang kapamahalaan ng Diyos. Sinasabi sa Kawikaan 16:9, "Ang tao ang nagbabalak, ngunit si Yahweh ang nagpapatupad."
Sa isang banda, may mga nagsasabi na ang konsepto na ang Diyos ang nagsasakatuparan ng lahat ng nangyayari sa lahat ng Kanyang nilalang sa pamamagitan ng direkta at hindi direktang pagkilos ay sumisira sa konsepto ng kalayaan ng tao. Kung ang Diyos ang may perpektong kapamahalaan, paano tayo magiging malaya sa bawat desisyon na ating ginagawa? Sa ibang salita, upang magkaroon ng kabuluhan ang malayang pagpapasya, kailangan na may mga bagay na labas sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos - halimbawa ay ang kalayaang mamili ng tao. Ipagpalagay natin na totoo ito, ano ngayon ang mangyayari kung sakali? Kung walang ganap na kapamahalaan ang Diyos sa ating kalayaang mamili, paano Niya matitiyak ang ating kaligtasan? Sinabi ni Pablo sa Filipos 1:6, "Tinitiyak ko sa inyong ang mabuting gawa na pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus." Kung walang ganap na kapamahalaan ang Diyos, ang pangakong ito at ang lahat ng iba pa Niyang mga pangako sa Bibliya ay walang bisa at hindi totoo. Kung walang ganap na kapamahalaan ang Diyos, hindi tayo magkakaroon ng katiyakan na ang kaligtasan na pinasimulan Niya ay kanyang lulubusin hanggang sa araw ng pagbabalik ni Kristo.
Tangi sa lahat ng ito, kung walang ganap na kapamahalaan ang Diyos sa lahat ng bagay, lalabas na hindi Siya makapangyarihan sa lahat, at hindi Siya Diyos. Kaya ang kapalit ng pagpapanatili ng kalayaan ng tao na labas sa kapamahalaan ng Diyos ay magreresulta sa isang Diyos na hindi totoo. At kung ang ating pagpapasya ay talagang malaya sa Kanyang pamamahala at kontrol, sino ngayon ang Diyos? Hindi Siya kundi tayo Ang kaisipang ito ay hindi katanggap tanggap sa sinuman na may biblikal na pananaw. Hindi sinasagkaan o sinisira ng walang hanggang kapamahalaan ng Diyos ang ating kalayaan. Sa halip, ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos ang nagbibigay sa atin ng kakayahan na gamitin ng tama ang ating kalayaan.
English
Ano ang kapamahalaan ng Diyos (divine providence)?