Tanong
Bakit hindi matanggap ng maraming tao ang tungkol sa walang hanggang kaparusahan?
Sagot
Sa pabagu-bagong direksyon ng makabagong kultura, ang ideya ng walang hanggang pagdurusa bilang kaparusahan ng Diyos sa hindi mananampalataya ay mahirap na maintindihan o matanggap ng maraming tao. Ano kaya ang dahilan? Malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang impiyerno ay isang literal na lugar. Mas maraming banggit si Jesus tungkol sa impiyerno kaysa sa langit. Hindi lamang parurusahan si Satanas at ang kanyang mga kampon doon, kundi maging ang mga taong tumanggi sa Panginoong Hesu Kristo. Ang pagnanais na tanggihan o baguhin ang doktrina tungkol sa impiyerno ay hindi makakapatay sa apoy na naroroon o magpapawalang bisa sa katotohanan nito. Sa kabila nito, marami pa rin ang tumatanggi sa ideya ng walang hanggang kaparusahan at narito ang ilang mga dahilan:
Impluwensya ng mga katuruang panandalian lamang. Sa panahong ito, marami ang ginagawa ang lahat upang hindi makasakit ng damdamin ng tao at itinuturing na nakakasakit ng damdamin ang doktrina ng impiyerno. Ang katuruang ito ay pangit sa pandinig, makaluma at walang pakialam sa pakiramdam ng tao. Ang karunungan ng mundo ay nakatuon sa mga bagay sa buhay na ito, at hindi pinagtutuunan ng pansin ang buhay na darating.
Takot. Talagang nakakatakot ang hindi nagwawakas, at nararamdamang parusa na wala ng pag-asa pa sa kaligtasan. Maraming tao ang pinipili na hindi bigyang pansin ang pinanggagalingan ng takot, sa halip na harapin iyon ayon sa itinuturo ng Bibliya. Ang katotohanan ay talagang nakakatakot ang impiyerno dahil ito ay isang lugar ng paghatol na orihinal na nilikha para sa mga demonyo at sa kanyang mga kampon (Mateo 25:41).
Depektibong pangunawa sa pag-ibig ng Diyos. Marami ang tumatanggi sa ideya ng walang hanggang parusa ng Diyos dahil hindi nila matanggap na dadalhin ng isang mapagmahal na Diyos ang mga taong Kanyang nilikha sa isang nakakatakot na lugar na gaya ng impiyerno. Gayunman, hindi isinasantabi ng pag-ibig ng Diyos ang Kanyang katarungan, katuwiran, o ang Kanyang kabanalan. Hindi rin naman isinasantabi ng Kanyang hustisya ang Kanyang pag-ibig. Ang totoo, ang pag-ibig ng Diyos ang paraan upang makatakas tayo sa Kanyang poot: sa pamamagitan ng paghahandog ni Hesu Kristo ng Kanyang buhay doon sa krus (Juan 3:16-18).
Pagpapagaan sa kasalanan. May ilan na itinuturing na hindi karapatdapat na ang kabayaran sa isang buong buhay ng pagkakasala sa lupa ay isang walang hanggang kaparusahan sa impiyerno. Tinatanggihan naman ng iba ang ideya ng impiyerno dahil para sa kanila, hindi naman sila sobrang masama para pumunta doon. Siyempre, sa tuwina pinagagaan natin ang ating sariling kasalanan; sinasabi natin na karapatdapat ang ibang tao sa impiyerno kaysa sa atin gaya ng mga mamamatay-tao at mga gumagawa ng mas malaking kasalanan. Ang saloobing ito ay nagpapakita ng isang maling pangunawa sa kalikasan ng kasalanan. Ang problema ay ang ating pagpupumilit sa ating sariling kabutihan at pagtanggi sa katotohanan ng Roma 3:10 ("Walang mabuti, wala kahit isa"). Ang sobrang pagkamuhi ng Diyos sa kasamaan ng tao ang nagtulak kay Kristo upang magtungo sa krus. Kinamuhian Niya ang kasalanan hanggang kamatayan.
Kakaibang mga teorya. Ang isa pang dahilan kung bakit tinatanggihan ng tao ang konsepto ng walang hanggang pagpaparusa ng Diyos ay dahil naturuan sila ng ibang mga teorya. Ang isa sa mga teoryang ito ay ang teorya ng unibersalismo o ang katuruan na ang lahat ng tao ay pupunta sa langit sa huli. Ang isa pang teorya ay ang teorya ng anihilinismo, na kumikilala sa pagkakaroon ng impiyerno, ngunit tinatanggihan ang walang hanggang kalikasan nito. Naniniwala ang mga anihilista na ang mga taong pupunta sa impiyerno ay titigil sa pagiral o ganap na maglalaho. Ginagawa ng teoryang ito ang impiyerno na isang panandaliang lugar ng pagpaparusa. Ang dalawang teoryang ito ay iniaalok bilang mga pagpipilian o kahalili sa katuruan ng Bibliya patungkol sa impiyerno; gayunman, ang pagkakamali sa dalawang teoryang ito ay ang pagpiling maniwala sa opinyon ng tao kaysa sa kapahayagan ng Diyos.
Hindi kumpletong pagtuturo. Maraming pastor sa kasalukuyan ang naniniwala sa katuruan tungkol sa impiyerno ngunit itinuturing na napakaselan ng paksang ito upang ipangaral sa mga tao. Ito ang isa sa dahilan kung bakit tinatanggihan ng marami sa panahong ito ang konsepto ng impiyerno. Ang mga dumadalo sa mga simbahan kung saan hindi ipinapangaral ang impiyerno ay nagiging ignorante sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa paksa at mga kandidato sa pandaraya ng diyablo sa isyung ito. Isa sa mga responsibilidad ng pastor ay "ipaglaban ang pananampalataya na ibinigay ng minsan sa mga banal" (Judas 1:3), hindi ang pumili ng mga talata na gusto niyang ituro at isantabi ang ibang mga talata na ayaw niyang ituro.
Pandaraya ni Satanas. Ang isa sa mga kasinungalingan ni Satanas ay ang pagpapabulaan sa paghuhukom ng Diyos. Sa hardin ng Eden, sinabi ng ahas kay Eba, "Tunay na hindi kayo mamamatay" (Genesis 3:4). Ito pa rin ang isa sa mga taktika ni Satanas hanggang ngayon. "Binulag ng dios ng sanglibutang ito ang mga pagiisip ng mga hindi nagsisisampalataya, upang sa kanila'y huwag sumilang ang kaliwanagan ng evangelio ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Dios" (2 Corinto 4:4), at kasama sa ginagawa niyang pagbulag sa tao ang paghikayat sa kanila na tanggihan ang mga banal na katuruan ng Diyos. Kung makukumbinsi ang mga hindi ligtas na walang darating na paghatol, "kakain, iinom at magsasaya" sila na walang pagsasaalang-alang sa mangyayari sa hinaharap pagkatapos ng kamatayan.
Kung nauunawaan natin ang kalikasan ng ating Manlilikha, hindi tayo mahihirapan na maunawaan ang konsepto ng impiyerno. "Siya ang Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal; Sapagka't lahat niyang daan ay kahatulan: Isang Dios na tapat at walang kasamaan, Matuwid at banal siya" (Deuteronomio 32:4). Sinabi ni Pedro, "Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi" (2 Pedro 3:9).
Ang pagkontra o pagsalungat sa katuruan ng Bibliya tungkol sa impiyerno ay tulad sa pagsasabi: "Kung ako ang Diyos, hindi ako gagawa ng impiyerno." Ang problema sa ganitong pananaw ay ang likas na pagmamataas – ipinapahiwatig ng pananaw na ito na gusto ng tao na pagandahin o baguhin ang plano ng Diyos. Gayunman, hindi tayo mas marunong ng higit sa Diyos; hindi tayo mas umiibig at mas makatarungan kaysa sa Kanya. Ang pagtanggi o pagbago sa doktrina ng Bibliya patungkol sa impiyerno ang dahilan ng malungkot na pagkakasalungatan na isinulat ng isang manunulat sa ganitong paraan: "Ang tanging resulta ng pagtatangka na baguhin ang kahulugan ng impiyerno, gaano man kaganda ang motibo ay ang pagpunta ng mas maraming tao doon."
English
Bakit hindi matanggap ng maraming tao ang tungkol sa walang hanggang kaparusahan?