Tanong
Naaayon ba sa Bibliya ang doktrina ng walang hanggang pagkabirhen ni Maria?
Sagot
Ang isa sa mga opisyal na katuruan ng Simbahang Katoliko ay nanatili si Maria na isang birhen habang buhay. Ang konsepto bang ito ay naaayon sa Bibliya? Bago natin tingnan ang mga partikular na talata, mahalagang maunawaan kung bakit naniniwala ang mga Romano Katoliko sa walang hanggang pagkabirhen ni Maria. Pinaniniwalaan ng Simbahang Katoliko na si Maria ang "Ina ng Diyos" at "Reyna ng Langit." Naniniwala ang mga Katoliko na may mataas na katungkulan si Maria sa langit at may napakalapit na kaugnayan kay Hesus at sa Diyos Ama. Ang ganitong konsepto ay hindi kailanman itinuturo sa Bibliya. Gayundin, kung may mataas na posisyon si Maria sa langit, hindi iyon mahahadlangan ng pagkakaroon niya ng kaugnayang sekswal kay Jose. Ang pakikipagtalik sa isang lehitimong kabiyak ay hindi kasalanan. Hindi marurumihan si Maria sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa kanyang asawa. Ang buong konsepto ng walang hanggang pagkabirhen ni Maria ay ayon sa mga katuruan na hindi sinasang-ayunan ng Kasulatan, na si Maria ang “Reyna ng Langit” at sa isang hindi Biblikal na pang-unawa sa pakikipagtalik.
Kaya ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa walang hanggang pagkabirhen ni Maria? Gamit ang isang salin ng Bibliya ng Simbahang Katoliko, makikita natin na ang walang hanggang pagkabirhen ni Maria ay hindi itinuturo ng Bibliya. Sinasabi sa Mateo 1:25, “at hindi nakipagtalik si Maria kay Jose hanggat hindi niya isinilang ng kanyang anak at pinangalanan niya itong Hesus." Napakalinaw ng sinasabi ng Bibliya. Hindi nakipagtalik si Jose kay Maria HANGGAT hindi naisisilang ni Maria si Hesus. Isinulat ni Mateo sa Mateo13:55-56, "Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang kanyang ina ay nagngangalang Maria at si Santiago, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid na lalaki? Hindi ba't kasama natin ang kanyang mga kapatid na babae? Inaangkin ng mga Katoliko na ang salitang Griyego na ginamit para sa salitang kapatid sa mga talatang ito ay maaari ding tumukoy diumano sa mga kamag-anak na lalaki at babae at hindi kinakailangang literal na kapatid na babae at lalaki. Gayunman, napakalinaw ng pakahulugan ng talata. Ang mga "kapatid" na lalaki at babae sa talatang ito ay sinasabing mga anak din ni Jose kay Maria at kapatid ni Hesus at sila ay sina Santiago, Jose, Simon, Judas at ang hindi binilang at hindi pinangalanang mga babaeng kapatid ni Hesus kay Maria. Ang pagunawa sa mga kapatid sa talatang ito bilang mga pinsan o kamag-anak ni Hesus, gayong binanggit ang kanilang ama at ina ay pagpilipit sa kahulugan ng talata.
Mababasa sa Mateo 12:46, "Samantalang Siya'y nagsasalita pa sa mga karamihan, narito, ang iyong ina at ang Iyong mga kapatid ay nangakatayo sa labas na ibig nilang makausap ka," Tingnan din ang Markos 3:31-34; Lukas 8:19-21; Juan 2:12; at Gawa 1:14. Binanggit sa lahat ng mga talata ang ina ni Hesus. Kung pinsan sila ni Hesus o mga anak ni Jose sa ibang asawa, bakit lagi silang binabanggit na kasama ni Maria? Ang walang hanggang pagkabirhen ni Maria ay hindi makikita sa Bibliya. Kailangan itong pwersahang ipakahulugan sa Bibliya. Ito ay salungat sa lahat na itinuturo ng Bibliya tungkol kay Maria.
English
Naaayon ba sa Bibliya ang doktrina ng walang hanggang pagkabirhen ni Maria?