settings icon
share icon
Tanong

Bakit pinahihintulutan ng Diyos na magdusa ang walang kasalanan?

video
Sagot


Laganap ang pagdurusa sa daigdig at nararamdaman ito ng bawat tao sa magkakaibang antas. Minsan ang mga tao ay nagdurusa dahil sa kanilang hindi tamang desisyon, maling ginawa, at pagiging iresponsable; ang mga bagay na ito ay makikita natin sa Kawikaan 13:15, "Ngunit ang kataksilan ay naghahatid sa kapahamakan." Subalit paano naman yaong mga biktima ng pandaraya? Paano naman yaong mga nagdurusa ng walang kasalanan? Bakit hinahayaan ito ng Diyos?



Sadyang likas sa tao ang maghanap ng kaugnayan sa masamang asal at sa masamang bunga nito gayon din ang kaugnayan sa pagitan ng mabuting asal at pagpapala. Ang ganitong pagnanais na iugnay ang pagdurusa sa personal na kasalanan ay sadyang hindi maiiwasan na sa katunayan ay hindi lang isang beses na hinarap ni Jesus. "Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa nang ipanganak. Tinanong siya ng kanyang mga alagad, "Rabi, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya ba o ang kanyang mga magulang? Sumagot si Jesus, "Ipinanganak siyang bulag, hindi dahil da nagkasala siya o ang kanyang mga magulang" (Juan 9:1-3). Nagkamali ang mga alagad sa kanilang akala na ang mga walang kasalanan o inosente ay hindi magdurusa kaya't iniisip nilang may personal na kasalanan ang lalaking bulag o ang kanyang mga magulang. Itinuwid ni Jesus ang kanilang kaisipan nang sabihin niya sa talata 3 na "naganap ito upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan niya." Hindi personal na kasalanan ang dahilan ng pagkabulag ng lalaki, kundi dahil ang Diyos ay may mas higit pang layunin sa kanyang pagdurusa.

May isa pang tagpo na si Jesus ay nagsalita tungkol sa mga taong nasawi sa isang sakuna: "At ang labing-walong namatay nang mabagsakan ng tore sa siloe, sa akala ba ninyo'y mas higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila" (Lucas 13:4-5MBB). Dito ay muling pinawi at pinabulaanan ng Panginoon ang paniniwala na ang sakuna at pagdurusa ay bunga ng personal na kasalanan. Binigyang diin din Niya ang katotohanan na tayo ay nabubuhay sa mundong puno ng kasalanan at kasamaan; kaya't ang lahat ng tao ay dapat magsisi.

Ito ang nag-uudyok sa atin upang pagisipan kung mayroon bang taong "walang kasalanan," o ito ba ay may katotohanan. Ayon sa Biblia, "ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos" (Roma 3:23). Kaya nga hindi natin maaaring isipin na may mga taong walang kasalanan. Lahat tayo ay isinilang na may likas na kasalanan na minana natin kay Adan. At ito ang dahilan kung bakit marami ang nagdurusa nagkasala man sila ng personal o hindi. Ang epekto ng kasalanan ay laganap at makikita sa lahat ng bagay. Ito'y patunay na ang sanlibutan ay makasalanan kaya't ang bunga nito sa sangnilikha ay pagdurusa.

Ang lalong nakakadurog ng puso ay ang makitang naghihirap o nagdurusa ang maliliit na bata. Ang mga bata ay masasabing hindi aktwal nagkakasala, at ang makitang sila ay nagdurusa ay tunay na kalunus-lunos. Minsan ang kanilang pagdurusa ay dahil sa pagkakasala o kamalian ng iba: kapabayaan, pang aabuso, pagmamaneho nang lasing, atbp. Ang mga bagay na ito ay masasabi nating bunga ng personal na kasalanan ng ibang tao, at makikita natin na ang kasalanan ay nakakaapekto hindi lamang sa ating sarili kundi pati na rin sa iba. May mga pagkakataon naman na ang mga walang muwang na sanggol ay nagdurusa sanhi marahil ng "pagkilos ng Diyos": gaya ng kalamidad, sakuna, karamdaman, atbp. Kahit sa ganitong mga pangyayari ay masasabi nating ang pagdurusa ay bunga ng kasalanan, dahil tayo ay nabubuhay sa daigdig na makasalanan.

Ang Magandang Balita ay hindi hahayaan ng Diyos na ang tao ay magdusa ng walang kabuluhan. Oo, nagdurusa ang walang kasalanan (tingnan ang Job 1-2), ngunit kayang iligtas ng Diyos ang tao sa pagdurusa. Ang mapagmahal at mahabaging Diyos ay sakdal ang panukala na gamitin ang pagdurusa upang matupad ang tatlong layunin Niya. Una, ginagamit Niya ang mga hirap at pagdurusa nang sa ganun ay matutunan nating kumapit sa Kanya. Ang sabi ni Jesus, "magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito" (Juan 16:33). Ang mga pagsubok at kapighatian ay karaniwan sa buhay na ito sa mundo; sila ay bahagi ng ating pagiging tao sa sanlibutang makasalanan. Kay Cristo ay mayroon tayong matibay na angkla na hindi kayang tangayin ng anumang unos ng buhay. Ngunit, paano natin malalaman na ito'y matibay kung hindi natin nararanasang maglayag sa gitna ng unos? Sa panahon ng kalungkutan at kawalan ay lumapit at magtiwala tayo sa Kanya, at kung tayo ay kanyang anak tiyak na lagi natin siyang masusumpungang naghihintay sa atin upang aliwin at kupkupin tayo. Sa ganitong paraan ay pinatutunayan ng Diyos ang kanyang katapatan sa atin at tinitiyak Niya na Siya ay kasama natin. Ang isa pang pakinabang nito sa atin ay habang nararanasan natin mula sa Diyos ang kaaliwan sa mga pagsubok, ay magagawa rin naman nating aliwin ang mga taong nasa kaparehong kalagayan (2 Corinto 1:4).

Ikalawa, pinatutunayan Niya na ang ating pananampalataya ay totoo sa pamamagitan ng mga pagsubok at kahirapan na sadyang hindi natin maiiwasan sa buhay na ito. Nasusukat kung tunay ba talaga ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng ating pagtugon sa mga pagdurusa kahit na wala tayong nagawang pagkakamali. Ang mga nagtitiwala kay Jesus, na Siyang "nagpapasakdal ng ating pananampalataya" (Hebreo 12:12), ay hindi mawawasak ng pagsubok bagkus ay mananatiling matibay ang kanilang pananampalataya at sila ay "sinubok sa apoy." Sa gayon kayo'y "papupurihan, dadakilain, at pararangalan sa araw na mahayag si Jesu-Cristo" (1 Pedro 1:7). Ang taong may pananampalataya ay hindi nagagalit sa Diyos at hindi nagaalinlangan sa kabutihan Niya, sa halip ay, "nagagalak sa mga pagsubok" (Santiago 1:2). Alam niyang ang mga pagsubok ay magpapatunay na siya ay anak ng Diyos. "Pinagpala ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos niyang malagpasan ang mga pagsubok, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya" (Santiago 1:12).

Panghuli, ang mga pagsubok ay ginagamit ng Diyos upang ilayo ang ating paningin sa sanlibutan at ibaling ito sa darating na maluwalhating tahanan. Ang Biblia ay patuloy na humihimok sa atin na huwag magpaakit sa mga bagay sa mundong ito kundi ituon ang paningin sa bago at makalangit na kahariang darating. Ang walang kasalanan ay nagdurusa sa mundong ito, ngunit ang mundong ito at ang lahat ng naririto ay maglalaho. Ang kaharian ng Diyos ay walang hanggan. Sinabi ni Jesus, "Ang aking kaharian ay hindi sa mundong ito" (Juan 18:36), at ang lahat ng sumusunod sa Kanya ay hindi itinuturing ang mga nagaganap masama man o mabuti bilang wakas ng buhay. Gaano man kahirap ang mga paghihirap natin, ang mga ito ay "hindi maihahambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin balang araw" (Roma 8:18).

Kaya bang pigilan ng Diyos ang mga pagdurusa? Kaya Niya kung tutuusin. Ngunit kanyang tiniyak sa atin na "lahat ng bagay ay gumagawa para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Diyos, sa kanila na tinawag ayon sa kanyang layunin" (Roma 8:28). Ang pagdurusa--kahit na ng mga walang nagawang kasalanan--ay bahagi ng "lahat ng bagay" na ginagamit ng Diyos upang matupad ang kanyang mga layunin. Sa huli, ang Kanyang panukala ay ganap, ang Kanyang katangian ay walang kapintasan, at yaong mga nagtitiwala sa Kanya ay hindi mabibigo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit pinahihintulutan ng Diyos na magdusa ang walang kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries