settings icon
share icon
Tanong

Ang pagtubos ba ni Jesus sa kasalanan ay walang limitasyon o para sa lahat ng tao?

Sagot


Napakaraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa pagtubos ni Cristo sa kasalanan ng tao. Ang katanungan ay kung ang Kanyang paghahandog ay nagkaloob ng limitasyon o walang limitasyong pagtubos. Ang salitang “atonement” o “katubusan” o “pagtubos” ay nangangahulugan ng “pagbibigay kasiyahan sa pinagkautangan” o “pagbabayad para sa isang mali o pinsalang nagawa.” Ang doktrina ng walang limitasyong pagtubos ay nagsasaad na namatay si Cristo para sa lahat ng tao, sumampalataya man sa Kanya o hindi. Kung ilalapat sa natapos na gawain ni Cristo sa krus, ang pagtubos ay may kinalaman sa pagkakasundo sa pagitan ng tao at ng Diyos na naisakatuparan sa pamamagitan ng paghihirap at kamatayan ni Cristo. Binigyang diin ni Pablo ang gawain ng pagtubos ni Cristo ng kanyang sabihin, “Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa. Yamang sa pamamagitan ng kanyang dugo, tayo ngayon ay napawalang-sala, lalong tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos. Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit tinanggap na niya tayo bilang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At dahil dito, tiyak na maliligtas tayo sapagkat si Cristo ay buháy” (Roma 5:8–10).

Paanong ang pagbabayad pinsalang ito o pakikipagkasundo ay naisakatuparan at ano ang nakapaloob sa gawaing ito ay matagal ng pinagdedebatehan ng mga teologo sa loob ng ilang siglo. May siyam (9) na iba’t ibang posisyon sa pagtubos ni Cristo, mula sa pagtubos bilang isa lamang positibong halimbawa para sa atin (the Moral Example theory) hanggang sa teorya ng pagkatagpo sa hinihingi ng hustisya sa pamamagitan ng paghalili (the Penal Substitution theory).

Ngunit ang maaaring pinaka-kontrobersyal na debate na may kinalaman sa pagtubos ni Jesus ay ang tinatawag na “limitado” o “tiyakang pagtubos.” May isang kampo ng mga teologo (na pangunahing binubuo ng mga tagasunod ni Jacobos Ariminus at John Wesley) na naniniwala na tinubos ni Cristo ang lahat ng taong nabuhay at mabubuhay sa mundo. Ang ibang kampo ng teologo naman na kinabibilangan ng mga repormador o reformed, na kalimitang tinatawag na mga Calvinists o mga tagasunod ni John Calvin ay naniniwala na namatay si Jesus para lamang sa mga pinili ng Diyos Ama para maligtas bago pa likhain ang mundo. Ang grupong ito ng mga tinubos na idibidwal ay kalimitang tinatawg na “elect” o “mga hinirang”ng Diyos. Aling posisyon ang tama? Namatay ba si Jesus para sa lahat ng tao sa mundo o para lamang sa mga piniling tao o indibidwal?

Maliligtas ba ang lahat ng tao?

Sa pagsusuri sa isyung ito, ang unang tanong na dapat bigyan ng kasagutan ay ito: Ang lahat ba ng tao ay maliligtas sa pamamagitan ng gawain ng pagtubos ni Cristo? Ang mga naniniwala sa posisyong tinatawag na unibersalismo ay sasagot ng “oo.” Sinasabi ng mga unibersalita na, dahil namatay si Cristo para sa lahat ng tao at ang lahat ng kasalanan ng tao ay ipinasan kay Cristo, ang lahat ng tao ay pupunta sa langit kasama ng Diyos.

Gayunman, ang Kasulatan ay naninindigan laban sa ganitong katuruan (na nagmula sa isang tagapagturo na nagngangalang Laelius Socinus noong ika 16 siglo). Malinaw na itinuturo ng Bibliya na maraming tao ang mapapahamak gaya ng itinuturo ng mga sumusunod na talata:

• “Muling mabubuhay ang maraming mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba'y sa buhay na walang hanggan, at ang iba nama'y sa kaparusahang walang hanggan” (Daniel 12:2)

• “Pumasok kayo sa makipot na pintuan. Sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang papunta sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. 14 Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon” (Mateo 7:13–14)

• “Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, hindi po ba't sa iyong pangalan ay nangaral kami, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan’” (Mateo 7:22–23)

• “Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay pupunta sa buhay na walang hanggan” (Mateo 25:46)

• “Magdurusa sila ng walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan” (2 Tesalonica 1:9)

• “Ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy” (Pahayag 20:15)

Dahil hindi lahat ng tao ay maliligtas, may isang hindi maiiwasang katotohanan na dapat maunawaan: Ang pagtubos ni Cristo ay limitado. Kung hindi, totoo ang unibersalismo, ngunit malinaw na itinuturo ng Kasulatan na hindi maliligtas ang lahat ng tao. Kaya nga malibang mapabulaanan ng isang unibersalista ang mga ebidensya mula sa Kasulatan sa itaas, kailangang maniwala ang isang tao sa isang anyo ng “limitadong pagtubos.”

Paano ngayon naging limitado ang pagtubos ni Cristo?

Ang sumunod na mahalagang tanong na dapat suriin ay ito: Kung ang pagtubos ni Cristo ay limitado (at ito ang totoo), paano ito naging limitado? Ang sikat na pangungusap ni Jesus sa Juan 3:16 ang nagbibigay ng kasagutan: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Matatagpuan sa talatang ito, ang kinakailangang kundisyon na naglilimita sa pagtubos: “ang sinumang sumampalataya” (literal sa wikang Griyego “ang lahat ng sumasampalataya”). Sa ibang salita, ang pagtubos ay limitado lamang para sa mga sumasampalataya.

Sino ang nagbibigay ng limitasyon sa pagtubos?

Hindi magtatalo ang isang Arminian at Calvinist sa puntong ito–ang pagtubos ni Cristo ay limitado lamang para sa mga sumasampalataya. Ang pagtatalo ay naguumpisa sa kasunod na tanong: Sino ang nagbibigay ng limitasyon sa pagtubos—ang Diyos ba o tao? Pinaninindigan ng mga Calvinists/Reformed na ang Diyos ang naglilimita sa pagtubos sa pamamagitan ng pagpili sa kung sino ang Kanyang ililigtas. Kaya nga ang ipinasan lamang na kasalanan ng Diyos kay Cristo ay ang mga kasalanan ng Kanyang mga pinili para sa kaligtasan. Ang mga Arminian/Wesleyan naman ay naninindigan na hindi nililimitahan ng Diyos ang pagtubos ni Cristo. Sa halip, ang tao ang naglilimita sa pagtubos sa pamamagitan ng malayang pagpili o pagtanggi sa alok ng Diyos na kaligtasan.

Ang isang karaniwang paraan para patunayan ng mga teologong Arminian/Wesleyan ay ang katuruan na ang pagtubos ay hindi limitado sa imbitasyon ngunit limitado sa aplikasyon. Iniaalok ng Diyos ang imbitasyon sa lahat; gayunman, ang mga sasampalataya lamang sa mensahe ng Ebanghelyo ang lalapatan ng gawain ng pagtubos sa kanilang espiritwal na kundisyon.

Para suportahan ang posisyon na ang tao hindi ang Diyos ang nagbibigay ng limitasyon sa pagtubos, ginagamit ng mga Arminian/Wesleyan ang mga sumusunod na talata:

• “Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao” (1 Juan 2:2, idinagdag ang diin)

• “Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Juan 1:29, idinagdag ang diin)

• “Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ibibigay ko upang mabuhay ang sanlibutan ay ang aking laman” (Juan 6:51, idinagdag ang diin)

• “At kung ako'y maitaas na, ilalapit ko sa aking sarili ang lahat ng tao.”” (Juan 12:32, idinagdag ang diin)

• “Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon.” (1 Timoteo 2:5–6, idinagdag ang diin)

• “Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat” (Hebreo 2:9, idinagdag ang diin)

• “Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong tumubos sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak” (2 Pedro 2:1, idinagdag ang diin)

Karagdagan sa mga talata sa Bibliya na nasa itaas, gumagamit din ang mga teologong Arminian/Wesleyan ng ilang argumento para suportahan ang kanilang posisyon. Ang pinaka-pangkaraniwan ay kung ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig, paanong hindi mamamatay si Cristo para sa lahat ng tao? Hindi ba’t iniibig ng Diyos ang lahat at ang bawat tao? (Juan 3:16)? Inaakala nila na ang isang pagtubos na binibigyan ng limitasyon ng Diyos ay isang pagtanggi sa pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao.

Gayundin, naniniwala ang mga Arminian/Wesleyan na ang pagtubos na nililimitahan ng Diyos ay sumisira sa mensahe ng Ebanghelyo. Paano maipapangaral ng isang mangangaral na “namatay si Cristo para sa iyo” kung hindi namatay si Cristo para sa lahat ng tao? Sinasabi nila na isang ganap na kawalan ng pagtitiwala ang pagsasabi sa isang tao na namatay si Cristo para sa kanya kung walang katiyakan ang mangangaral na totoo ang kanyang sinasabi.

Limitadong pagtubos—ang konklusyon

Malibang ang isang tao ay unibersalista at naniniwala na ang lahat ng tao ay maliligtas sa bandang huli, ang isang Kristiyano ay dapat na maniwala sa isang anyo ng limitadong pagtubos. Ang susing lugar ng hindi pagkakasundo ay sa isyu ng kung sino ang nagbibigay ng limitasyon sa pagtubos—ang Diyos ba o tao? Dapat na sagutin ng isang taong nagnanais na manindigan sa isang limitadong pagtubos ang mga biblikal na argumento na ginagamit ng mga naninindigan sa isang pagtubos na nililimitahan ng tao. Dapat din niyang ipaliwanag kung mailalarawan ang Diyos sa Kasulatan bilang isang Diyos na umiiibig sa lahat ng tao ngunit hindi pinahintulutang mamatay ang Kanyang Anak para tubusin ang lahat ng tao.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang pagtubos ba ni Jesus sa kasalanan ay walang limitasyon o para sa lahat ng tao?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries