Tanong
Kailangan ko bang maniwala na ang Bibliya ay walang mali upang ako ay maligtas?
Sagot
Hindi tayo naligtas dahil sa paniniwala na walang pagkakamali ang Bibliya. Tayo ay naligtas dahil sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo bilang ating Tagapagligtas mula sa ating mga kasalanan (Juan 3:16; Efeso 2:8-9; Roma 10:9-10). Gayundin naman, sa pamamagitan lamang ng Bibliya natin malalaman ang tungkol kay Hesu Kristo at sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay para sa atin (2 Corinto 5:21; Roma 4:8). Hindi natin kailangang paniwalaan ang lahat ng mga katotohanan sa Bibliya upang maligtas - ngunit kailangan nating manampalataya kay Hesu Kristo na Siyang ipinapahayag sa Bibliya. Kailangan nating manatili sa turo ng Bibliya bilang Salita ng Diyos at dapat din naman nating paniwalaan ang lahat na itinuturo ng Bibliya.
Nang unang maranasan ng tao ang kaligtasan, sa pangkalahatan ay kakaunti lamang ang kanilang nalalaman tungkol sa Bibliya. Ang karanasan ay isang proseso na nagsisimula sa ating pagkaunawa sa ating makasalanang kalikasan hindi sa paniniwala sa kawalan ng pagkakamali ng Bibliya. Sinasabi sa atin ng ating konsensya na hindi tayo maaaring maging katanggap-tanggap sa Banal na Diyos dahil sa ating sariling katuwiran. Nalaman natin na hindi tayo banal at matuwid kaya’t tinanggap natin ang ginawang paghahandog ni Hesus sa Krus para sa kabayaran ng ating mga kasalanan. Inilagak natin ang ating pagtitiwala sa Kanya. Sa pagkakataong iyon, nagkaroon tayo ng bagong kalikasan na banal at walang kasalanan. Tumira ang Banal na Espiritu sa ating mga puso at tinatakan tayo para sa buhay na walang hanggan. Tayo ay umuunlad sa pananampalataya simula sa oras na iyon at iniibig at sinusunod natin ang Diyos sa bawat araw ng ating buhay. Bahagi ng ating paglago ay ang araw araw na pagbabasa ng Salita ng Diyos at patuloy na paglakad sa Kanyang mga utos. Ang Bibliya lamang ang may kapangyarihan na gawin ang gayong himala sa ating mga buhay.
Kung nananampalataya tayo at nagtitiwala sa persona at gawain ng Panginoong Hesu Kristo, na itinuro sa Bibliya, tayo ay maliligtas. Nang magtiwala tayo kay Hesu Kristo, ang Banal na Espiritu ay gumawa sa ating puso at isip - at nagbibigay sa atin ng katiyakan na ang Bibliya ay totoo at nararapat paniwalaan (2 Timoteo 3:16, 17). Kung may pagdududa sa ating isip tungkol sa kawalan ng pagkakamali sa Bibliya, ang pinakamagandang bagay na nararapat gawin ay idalangin sa Diyos na bigyan tayo ng katiyakan at pagtitiwala sa Kanyang mga Salita. Nakahanda ang Diyos na bigyang kasagutan ang mga humahanap sa Kanya ng buong puso at buong katapatan (Mateo 7:7-8).
English
Kailangan ko bang maniwala na ang Bibliya ay walang mali upang ako ay maligtas?