Tanong
Bakit mahalaga na maniwala na walang pagkakamali ang Bibliya?
Sagot
Nabubuhay tayo sa panahon na ipinagkikibit balikat na lamang ang mga pagkakamali. Sa halip na magtanong gaya ni Pilato, “Ano ang katotohanan”?, sasabihin ng isang tao sa modernong panahon, “walang katotohanan” o kaya nama'y “mayroong katotohanan, ngunit hindi natin kayang alamin kung ano iyon.” Tayo ay nasanay na pinagsisinungalingan, at maraming tao ang naging komportable na sa maling palagay na maging ang Bibliya ay naglalaman ng mga pagkakamali.
Ang doktrina tungkol sa kawalan ng pagkakamali ng Bibliya ay napakahalaga sapagkat mahalaga ang katotohanan. Ang doktrinang ito ang naglalarawan ng karakter ng Diyos at siyang tamang pundasyon ng ating pang-unawa sa lahat ng itinuturo ng Bibliya. Narito ang ilang kadahilanan kung bakit lubusan kaming naniniwala na walang pagkakamali ang Bibliya:
1. Inaangkin mismo ng Bibliya ang kanyang kadalisayan. “Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita; na gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa, na makapitong dinalisay” (Awit 12:6). “Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal” (Awit 19:7). “Bawa't salita ng Dios ay subok: Siya'y kalasag sa kanila, na nanganganlong sa kaniya” (Kawikaan 30:5). Ang mga pag-aangking ito ng Bibliya ng kadalisayan at kasakdalan sa kanyang sarili ay tiyak na mga kapahayagan. Pansinin na hindi sinasabi na ang “karamihan” sa Salita ng Diyos ay sakdal o kaya naman ang Kasulatan ay “halos” sakdal. Pinatutunayan ng Bibliya ang kanyang kumpletong kasakdalan, at hindi ito nagpapahiwatig ng anumang pagdududa sa teorya ng “kasakdalan ng ilang bahagi” lamang.
2. Ang Bibliya ay babangon o babagsak bilang isang Aklat. Kung ang isang pangunahing kapahayagan ay laging nakikitaan ng pagkakamali, mabilis itong isasantabi at hindi paniniwalaan. Walang mangyayaring pagkakaiba kung sasabihin nito, “Ang lahat ng pagkakamali ay nasa ikatlong pahina lamang.” Para maging katiwa-tiwala ang isang pahayagan sa lahat ng pahina at bahagi nito, nararapat na may tamang basehan ang lahat nitong pahina. Sa ganito ding paraan, kung ang Bibliya ay nagkamali, halimbawa sa heolohiya o “geology,” bakit paniniwalaan pa ang teolohiya nito? Hindi ito mapagkakatiwalaang dokumento kung may kahit isang pagkakamali dito.
3. Lahat ng aklat ng Bibliya ay sumasalamin sa may akda nito. Ang Diyos mismo ang may akda ng Bibliya at ipinasulat Niya ang mga nais Niyang ipahayag sa mga tao na Kanyang kinasihan. “Ang lahat ng Kasulatan ay “kinasihan ng Diyos” (2 Timoteo 3:16). Tingnan din ang 2 Pedro 1:21 at Jeremias 1:2.
Naniniwala kami na ang gumawa ng sangkalawakan at ng lahat ng nilikha ay may kakayahang gumawa ng isang Aklat. At ang perpektong Diyos ay may kakayahang gumawa ng isang perpektong Aklat. Ang isyu ay hindi simpleng “Ang Bibliya ba ay may pagkakamali”? kundi “Ang Diyos ba ay maaaring magkamali?” Kung ang Bibliya ay naglalaman ng mga pagkakamali, lalabas na hindi nalalaman ng Diyos ang lahat ng mga bagay at maaaring makagawa Siya ng pagkakamali sa Kanyang sarili. Kung ang Bibliya ay naglalaman ng mga maling impormasyon, lalabas na ang Diyos ay sinungaling at hindi nagsasabi ng totoo. Kung ang Bibliya ay may pagkakasalungatan, lalabas na ang Diyos ang Diyos na nalilito. Sa ibang salita, kung hindi totoo ang doktrina na walang pagkakamali ng Bibliya, lalabas na ang Diyos ay hindi Diyos.
4. Hinahatulan tayo ng Bibliya, hindi tayo ang nararapat na humatol sa Bibliya. “Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso” (Hebreo 4:12). Pansinin ang relasyon sa pagitan ng “puso” at ng “Salita.” Ang Salita ng Diyos ay kumikilala; ang puso ng tao ang kinikilala. Ang pagmamaliit sa Salita ng Diyos sa anumang kadahilanan ay pagbaliktad sa prosesong ito. Tayo ngayon ang lalabas na tagahatol at ang Salita ng Diyos ang nasa ilalim ng ating “paghatol.” Ngunit sinasabi ng Diyos, “Ngunit, Oh tao, sino kang tumututol sa Dios?” (Roma 3:20).
5. Ang mensahe ng Bibliya ay dapat na unawain sa kabuuan nito. Hindi ito halu-halong katuruan na malaya nating pagpipilian. Maraming tao ang gustong gusto ang mga talata na nagsasabi na mahal sila ng Diyos, ngunit ayaw nilang paniwalaan o tinatanggihan nila ang mga talata na nagsasabi na huhukuman ng Diyos ang mga makasalanan. Ngunit hindi tayo maaaring mamili ng gusto lamang nating paniwalaan sa Bibliya at itapon ang ayaw natin. Kung ang Bibliya ay mali tungkol sa impiyerno, halimbawa, paano paniniwalaan ang turo nito tungkol sa langit o tungkol sa anumang bagay? Kung hindi tama ang Bibliya sa turo nito tungkol sa paglikha, hindi rin maaaring pagtiwalaan ang turo nito tungkol sa kaligtasan. Kung ang kuwento tungkol kay Noe ay isa lamang kuwentong barbero, maaaring kuwentong barbero din lamang ang kuwento nito tungkol kay Hesus. Ngunit ang katotohanan, sinabi ng Diyos ang Kanyang gustong sabihin at ipinakilala Niya sa atin sa Bibliya kung sino Siya talaga. “Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan, matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan” (Awit 119:89).
6. Ang Bibliya ang tanging saligan ng pananampalataya at mga gawa. Kung hindi ito mapagkakatiwalaan, saan natin ngayon ibabase ang ating paniniwala? Hinihingi ni Hesus ang ating pagtitiwala at kasama dito ang ating pagtitiwala sa Kanyang mga sinabi sa Bibliya. Ang Juan 6:67-69, ay napakagandang mga talata. Nasaksihan ni Hesus ang pagalis ng mga taong gustong sumunod sa Kanya noong una. Pagkaalis nila, bumaling Siya sa mga alagad at tinanong sila, “Ibig din ba ninyong umalis?” Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.”
Wala sa mga inilatag naming argumento ang hindi dapat ituring na pagtanggi sa pagpapakadalubhasa. Ang kawalang kamalian ng Bibliya ay hindi nangangahulugan na hindi na natin gagamitin ang ating isip at tatanggapin na lamang ang anumang itinuturo ng Bibliya na gaya sa isang bulag na tagasunod. Inuutusan tayo ng Bibliya na pag-aralan ito (2 Timoteo 2:15), at pinuri nito ang mga nag-aaral ng Salita ng Diyos (Gawa 17:11). Gayundin naman, kinikilala namin na may mga talata sa Bibliya na mahirap ipaliwanag na nagiging dahilan ng hindi pagkakasundo sa mga interpretasyon. Ang ating layunin ay basahin ang Bibliya ng may buong paggalang at pagtitiwala sa Diyos sa diwa ng panalangin, at kung may mga talatang hindi natin maintindihan, manalangin tayo ng taimtim at mag-aral pa ng mas malalim - at kung hindi pa rin natin malaman ang kasagutan - buong pagpapakumbaba nating aminin ang ating limitasyon sa harap ng perpektong Salita ng Diyos.
English
Bakit mahalaga na maniwala na walang pagkakamali ang Bibliya?