settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay walang simula at wakas?

Sagot


Ang salitang walang simula at wakas ay nangangahulugan na “magpakailanman, walang katapusan.” Isinaysay sa atin ng Awit 90:2 ang pagiging walang simula at wakas ng Diyos: “Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang, hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan, Ikaw noon ay Diyos na, pagkat ikaw'y walang hanggan.” Dahil sinusukat ng tao ang lahat sa pamamagitan ng panahon, napakahirap para sa atin na maunawaan ang Isang walang pasimula, ngunit laging naroroon, at magpapatuloy magpakailanman. Gayunman, hindi tinangka ng Bibliya na patunayan ang pagkakaroon ng Diyos o patunayan ang Kanyang pagiging walang simula at wakas. Sa halip nagsimula ang Bibliya sa simpleng pangungusap na “sa pasimula ay Diyos” (Genesis 1:1) na nagpapahayag na bago magsimula ang pagtatala ng panahon, naroroon na ang Diyos. Mula sa walang hanggang pasimula at walang hanggang hinaharap, ang Diyos ay nananatili at mananatili magpakailanman.

Nang utusan ng Diyos si Moises na pumunta sa mga Israelita at dalhin ang Kanyang mensahe para sa kanila, itinanong ni Moises kung ano ang kanyang sasabihin kung sakaling itanong nila kung ano ang pangalan ng nagsugo sa kanya. Ang sagot ng Diyos ay nagpapahayag ng Kanyang pagiging walang simula at wakas: “At sinabi ng Dios kay Moises, AKO YAONG AKO NGA; at kaniyang sinabi, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA'”(Exodo 3:14). Nagpapakita ito ng pagiging isang tunay na persona ng Diyos, ng Kanyang pag-iral sa Kanyang sarili. Inilalarawan din nito ang kanyang katangian na walang simula at wakas at ang hindi pagbabago, gayundin ang Kanyang pananatili at katapatan sa pagtupad sa Kanyang mga pangako, dahil saklaw Niya ang lahat ng panahon, ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. Ang esensya sa sinabi ng Diyos ay: “hindi lamang Ako ang Ako nga sa kasalukuyan, kundi Ako rin ang Ako nga sa nakaraan, at Ako rin ang Ako nga sa hinaharap, at kung ano Ako ay Ako nga iyon sa lahat ng panahon. Ang mismong sinabi ng Diyos tungkol sa Kanyang kawalan ng simula at wakas ang nangungusap sa atin mula sa mga pahina ng Kasulatan.

Pinatunayan din ni Hesu Kristo, ang Diyos na nagkatawang tao, ang Kanyang pagiging Diyos at pagiging walang hanggan sa mga tao ng sabihin Niya sa kanila: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bago ipinanganak si Abraham, ay ako nga” (Juan 8:58). Malinaw sa mga talatang ito na inaangkin ni Hesus ang Kanyang pagiging Diyos sa anyong laman kaya nga tinangka Siyang batuhin ng mga Hudyo pagkarinig sa Kanya ng mga pananalitang ito. Para sa mga Hudyo, ang taong nagdedeklara ng pagkapantay sa Diyos ay pamumusong at karapatdapat sa parusang kamatayan (Levitico 24:16). Inaangkin ni Hesus ang Kanyang pagiging walang hanggan, gaya ng Kanyang Ama na walang hanggan. Ang kalikasang ito ng Panginoong Hesu Kristo ay idineklara ni apostol Juan: “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios” (Juan 1:1). Bago nagkaroon ng pagtatala ng kasaysayan, si Hesus at ang Ama ay iisa sa esensya at magkapantay ang kanilang katangian bilang walang hanggang Diyos.

Sinasabi sa atin sa Roma 1:20 na ang walang hanggang kalikasan ng Diyos at ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan ay nahahayag sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga nilikha. Nakikita at nauunawaan ng lahat ng tao ang walang hanggang kalikasan at kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng sangnilikha. Nakikita at nauunawaan ng lahat ng tao ang aspetong ito ng kalikasan ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging saksi sa iba't ibang aspeto ng Kanyang mga nilikha. Patuloy ang pag-ikot ng araw at ng lahat ng mga bagay sa kalawakan sa kani kanilang orbit, sa loob ng libu-libong taon. Lumilisan at dumarating ang mga panahon sa kanilang itinakdang oras; nagdadahon ang mga puno tuwing tagsibol at nalalagas ang mga dahon nito tuwing taglagas. Taun-taon, ang mga bagay na ito ay nagpapatuloy, at wala kahit isa ang makapipigil sa mga gawang ito ng Diyos. Ang lahat ng ito ay nagpapatunay sa walang hanggang kapangyarihan at plano ng Diyos para sa sangkatauhan. Isang araw, muli Siyang gagawa ng bagong langit at bagong lupa at ang mga ito, gaya Niya ay magpapatuloy magpasawalang hanggan. Tayo rin naman na kay Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya ay makakabahagi sa kawalang hanggan ng Diyos at magaganap iyon sa wakas ng mga panahon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay walang simula at wakas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries