settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Wicca? Ang Wicca ba ay pangkukulam?

Sagot


Ang Wicca ay isang makabagong paganong relihiyon na lumalago sa popularidad at pagtanggap sa Amerika at sa Europa. Napakaraming mga aklat at websites ngayon ang nagaangking nagtuturo ng “tunay” na Wicca, ngunit ang katotohanan, walang pagkakasundo sa mga Wiccans kung ano talaga ang relihiyong ito. Ang dahilan, ang Wicca ay limampung (50) taon pa lamang. Ang Wicca ay isang sistema ng paniniwala na pinagsama-sama ng isang Briton na nagngangalang Gerald Gardner noong 1940’s at 1950’s mula sa iba’t ibang tradisyong pangrelihiyon at paniniwala gaya ng ritwal ng mga Mason. Mula ng ilathala ni Gardner ang kanyang ilang aklat kung saan niya itinuro ang isang sistema ng pagsamba, maraming sangay at iba’t ibang turo ng Wicca ang lumabas. Ang ibang mga Wiccans ay sumasamba sa maraming diyos, habang ang iba naman ay sumasamba sa isang “Diyos” o “Diyosa.” May mga Wiccans din na sumasamba sa kalikasan at ipinagpapalagay na hango ito sa diyosa ng kalikasan ng mga Griyego. May ilang mga Wiccans ang pumipli ng ilang bahagi ng doktrinang Kristiyano na gusto nilang paniwalaan, habang may iba naman na lubusang itinatakwil ang Kristiyanismo. Nakararami sa mga nagsasagawa ng Wicca ang naniniwala sa reinkarnasyon o paglipat ng kaluluwa ng isang taong namatay sa ibang katawan.

Mariing itinatanggi ng karamihan sa mga Wiccans na isa si Satanas sa mga “diyos” na kanilang sinasamba, at binibigyang diin ang pagkakaiba ng kanilang paniniwala sa paniniwala ng mga Satanista. Sa pangkalahatan, isinusulong ng mga Wiccans ang kawalan ng moralidad at hindi tinatanggap ang konsepto ng “mabuti” at “masama” at “tama” at “mali.” May isang batas ang mga wiccans na tinatawag nilang “Rede:” “Gawin mo ang anumang nais mo. Ngunit huwag kang mananakit ng kapwa mo.” Sa biglang tingin, tila ang Rede ay isang kumpleto at personal na lisensya sa paggawa ng anumang maibigan ng tao. Maaari mong gawin ang anumang bagay na nais mo, hanggat wala kang nasasaktan; gayunman, itinuturo ng mga Wiccans na ang aksyon ng isang tao ay maaaring may malawak na epekto sa ibang tao. Inilalarawan nila ang prinsipyong ito sa kanilang “tatlong batas,” na nagsasabi, “Ang lahat ng kabutihan na ginagawa ng isang tao sa iba ay babalik sa kanya ng makatatlong beses sa buhay na ito; gayundin naman ang kanyang masamang ginagawa sa ibang tao.”

Ang isang pangunahing dahilan sa pagiging kaakit-akit ng Wicca ay ang paggamit nito ng mga orasyon at madyik o magick (isang sinadyang maling baybay sa salitang Ingles na “magic” o “madyik” o “mahika” sa Tagalog upang ihiwalay ang mga Wiccans sa mga madyikero at mga ilusyonista). Ang mga taong mapagusyuso sa mga bagay na kakaiba maging ang mga baguhan sa espiritwalidad ang madaling naeengganyo na makilahok sa mga ganitong misteryosong paniniwala. Hindi lahat ng Wiccans ay nagsasagawa ng pangkukulam o panggagaway, ngunit itinuturing ng mga Wiccans na tulad sa panalangin ang pagsasagawa ng tinatawag na “magick.”Ang pagkakaiba sa dalawang ito ay ang pagaangkin ng mga Wiccans na ang “magick” ay simpleng paggamit lamang ng isip laban sa mga bagay-bagay o pagtawag sa kanilang paboritong diyos upang gawin ang kanilang kahilingan. Samantalang ang mga Kristiyano naman ay tumatawag sa isang makapangyarihang Diyos na nasa lahat ng dako upang pagalingin ang tao at gumawa Siya sa kanilang mga buhay. Dahil hindi pinahihintulutan ng Rede ang mga mangkukulam o espiritista sa pananakit sa iba at inilatag sa kanilang “tatlong Batas” ang mga konsekwensya sa mga sumusuway dito, tinatawag ng mga manggagaway na nagsasanay ng “magick” ang kanilang sarili na “mangkukulam ng kalikasan” o “puting mangkukulam” upang patuloy na idistansya ang sarili mula sa mga Satanista.

Ang Wicca ay isang relihiyon ng pagiging malaya at isinusulong ang pamumuhay ng mapayapa kasama ng kapwa at ng kapaligiran. Laging binibigyang diin ng mga Wiccans ang kanilang pagkakapareho sa Biblikal na Kristiyanismo upang magkaroon sila ng kredibilidad. Ngunit ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa relihiyong ito? Hindi makikita ang salitang “Wicca” sa Bibliya, kaya’t ating timbangin ang paniniwala ng mga Wiccans sa liwanag ng Salita ng Diyos.

Ang Wicca ay pagsamba sa diyus diyusan — sinasabi sa Roma 1:25, “Sapagka't pinalitan nila ang katotohanan ng Dios ng kasinungalingan, at sila'y nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa Lumalang.…” Sa Isaias 40, inilarawan kung gaano kadakila ang Lumikha kaysa sa Kanyang mga nilikha. Kung sumasamba ka sa nilikha sa halip na sa Lumikha, nagkakasala ka ng pagsamba sa diyus diyusan.

Ang Wicca ay nagtuturo ng huwad na pag-asa. Sinasabi sa Hebreo 9:27, “At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.” Sinasabi ng Diyos na binigyan Niya tayo ng iisa lamang pagkakataon upang mabuhay. Wala ng ikalawang pagkakataon. Kung hindi tatanggapin ng tao ang kaloob ng Diyos na Buhay na walang hanggan kay Kristo Hesus sa buhay na ito, huhukuman Niya at dadalhin sa impiyerno ang taong iyon dahil sa pagtanggi sa Kanya.

Ang Wicca ay isang ilusyon. Sinasabi sa Markos 7:8, “Nilisan ninyo ang utos ng Dios, at inyong pinanghahawakan ang sali't-saling sabi ng mga tao.” Ang Diyos lamang ang Diyos at hindi tayo diyos. Dapat tayong magdesisyon. Magtitiwala ba tayo sa Diyos at yayakapin ang Kanyang katuruan o hindi? Kailangan ang disiplina sa pagkilala sa Diyos. Ang Wicca ay isang relihiyon ng kasinungalingan at binibiktima ang mga taong walang alam at hindi nagdidisiplina ng sarili upang alamin ang katotohanan.

Sinasabi sa Deuteronomio 18:10-12, “Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway, o enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masamang espiritu, o mahiko, o sumasangguni sa mga patay. Sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo.” Ang pangkukulam at pagsasanay ng mahika ng mga Wiccans ay kasalanan at kinamumuhian ng Diyos. Bakit? Dahil ito ay isang pagtatangka na humiwalay sa Diyos at humanap ng kasagutan sa iba sa halip na sa Kanya.

Ang kasalanan ay hindi lamang isang gawain na nakakasakit sa kapwa tao. Ito ay isang desisyon na hindi sumasangayon sa kalooban ng Diyos – ang paglaban sa Kanya. Ang kasalanan ay pagsasabing, “gusto kong mabuhay sa paraang gusto ko.” Sinasabi sa Roma 3:23, “Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.” Sinasabi naman sa Romans 6:23, “Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan….” Hindi ito kamatayan lamang ng katawan, kundi espiritwal na kamatayan, ang walang hanggang pagkahiwalay ng tao sa Diyos at sa lahat ng pagpapala ng Kanyang presensya. Ito ang kahulugan ng impiyerno: ang kawalan ng presensya at lahat ng pabor ng Diyos. Ito ang idinulot sa atin ng kasalanan.

Salamat na hindi nagtapos sa salitang “kamatayan” ang Roma 6:23. Nagpatuloy ito sa “…datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.” Alam ng Diyos na ang lahat ay magrerebelde sa Kanya, kaya’t nagkaloob Siya ng daan upang maiwasan ng tao ang walang hanggang pagkahiwalay sa Kanya – sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo. Ang Wicca ay isang pandaraya ni Satanas, ang kaaway ng ating kaluluwa na “parang leong umaatungal at aali-aligid na naghahanap ng masisila” (1 Pedro 5:8). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Wicca? Ang Wicca ba ay pangkukulam?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries