settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng mga salitang 'ipinanganak na muli?

Sagot


Ang Juan 3:1-21 ang isa sa pinakatanyag na mga talata sa Biblia na sumasagot sa tanong na ito. Nakikipag-usap dito si Hesu Kristo kay Nicodemo, isang sikat na Pariseo at kasapi ng kataas-taasang Sanggunian ng mga Hudyo na binubuo ng mga mayayamang pinuno. Isang gabi, pumunta si Nicodemo kay Hesus upang makipag-usap.


Sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “maliban na ipanganak na muli ang isang tao, hindi siya paghaharian ng Diyos.” Tinanong naman ni Nicodemo, “Paano po maipanganak na muli ang isang tao kung matanda na siya? Makapapasok pa ba siya sa tiyan ng kanyang ina para ipanganak muli?” Sumagot si Hesus, “Ang totoo, walang sinumang makapapasok sa kaharian ng Diyos kung hindi siya ipanganak sa tubig at sa Espiritu. Ang ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay Espiritu. Kaya huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo na lahat ay kailangang ipanganak na muli...” (Juan 3:3-7).

Ang mga salitang “ipinanganak na muli” ay literal na nangangahulugang “ipinanganak mula sa itaas”. Totoo ang pangangailangan ni Nicodemo. Kailangan niya ng pagbabago sa kanyang puso - pagbabagong Espiritwal. Ang “muling kapanganakan” ay isang tawag sa ginagawa ng Diyos sa pagbibigay ng buhay na walang hanggan sa taong sumasampalataya sa kanya (2 Corinto 5:17; Tito 3:5; 1 Pedro 1:3; 1 Juan 2:29; 3:9; 4:7; 5:1-4, 18). Ayon sa Juan 1:12, 13 ang “pagkapanganak na muli” ay nangangahulugan din ng “pagiging anak ng Diyos” sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Hesu Kristo.

“Bakit nga ba kinakailangang ipanganak na muli ang tao?” Ayon kay Apostol Pablo sa aklat ng Efeso 2:1, “Noong una, kayo'y itinuring ng Diyos na mga patay dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan.” Ayon naman kay Apostol Pablo sa Roma 3:23, “Sapagkat ang lahat ay nagkasala at walang sinuman ang karapat dapat sa paningin ng Diyos.” Kailangang ipanganak na muli ang tao upang mapatawad ang kanyang mga kasalanan at magkaroon siya ng relasyon sa Diyos.

Paano natin mararanasan ang muling kapanganakan? Sinasabi sa Efeso 2:8-9, “Dahil sa biyaya ng Diyos kayo'y naligtas nang kayo'y sumampalataya kay Kristo. Ito'y kaloob sa inyo ng Diyos, hindi dahil sa inyo. Hindi ito nakasalalay sa mabubuti ninyong gawa, upang walang maipagmamalaki ang sinuman.” Kapag ang isang tao ay naligtas, ipinanganak na muli at nagkaroon ng espiritwal na pagbabago, anak na siya ng Diyos. At ang pagsampalataya natin kay Kristo na nagdusa para sa ating mga kasalanan nang mamatay siya sa krus ay nangangahulugang tayo ay ipinanganak na muli sa espiritu. “Kaya ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa ng bagong nilalang” (2 Corinto 5:17).

Kung hindi ka pa sumasampalataya kay Kristo bilang sarili mong tagapagligtas, sundin mo ang udyok ng Espiritu Santo. Kailangan mong ipanganak muli. Gusto mo bang maging bagong nilalang kay Kristo? Manalangin ka. Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at tanggapin mo siya. Sabi nga sa Juan 1:12-13, “Ngunit sa lahat ng tumanggap at nanampalataya sa kanya, binigyan niya sila ng karapatang maging anak ng Diyos. Naging anak nga sila ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng pisikal na pagkasilang o dahil sa kagustuhan ng tao, kundi dahil sa kalooban ng Diyos.”

Kung nais mong tanggapin si Hesu Kristo bilang tagapagligtas upang maipanganak kang muli, narito ang isang panalangin sa Diyos. Tandaan mo lang na hindi ang panalanging ito ang makapagliligtas sa iyo. Tanging ang Diyos lamang ang makagagawa nito sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Ang panalanging ito ay isa lamang simpleng pagpapahayag sa Diyos ng iyong pananampalataya sa Kanya at pagpapasalamat sa kaligtasang ibinigay niya sa iyo. “O Diyos, inaamin kong nagkasala ako laban sa iyo at nararapat lamang na parusahan. Ngunit inako ni Hesus ang aking kasalanan at tiniis ang parusang dapat sana ay sa akin, upang sa aking pagsampalataya sa kanya ay mapatawad mo ako. Tinatalikuran ko ang aking mga kasalanan at nagtitiwala ako ngayon kay Hesus para sa aking kaligtasan. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. At salamat din sa buhay na walang hanggan. Amen.”

Dahil sa iyong mga nabasa , ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng mga salitang 'ipinanganak na muli?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries