settings icon
share icon
Tanong

Paano ako magiging matuwid sa paningin ng Diyos?

Sagot


Upang maging matuwid sa paningin ng Diyos kinakailangan muna nating tanggapin na tayo ay makasalanan. Ayon sa salita ng Diyos, “Ang lahat ay naligaw ng daan, at naging makasalanan. Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa man lang” (Mga Awit 14:3). Sumuway tayo sa mga utos ng Diyos; ang katulad natin ay “parang mga tupang naligaw” (Isaias 53:6).


Kamatayan ang hatol ng Diyos para sa atin na mga nagkasala. “Ang taong nagkasala ay mamamatay” (Ezekiel 18:4). Ngunit may magandang balita - hindi tayo pinabayaan ng mapagmahal na Diyos dahil gumawa siya ng paraan upang tayo'y mapatawad at mabigyan ng kaligtasan. Ipinahayag ni Hesu Kristo na ang kanyang layunin ay “hanapin at iligtas ang naliligaw” (Lukas 19:10). Habang nakapako sa Hesus sa krus, sinabi niya ang mga katagang “naganap na” (Juan 19:30) bilang patunay sa katagumpayan ng kanyang layuning iligtas tayong lahat sa kamatayan.

Upang magkaroon tayo ng magandang relasyon sa Diyos, kailangang aminin natin na nagkasala tayo sa kanya. Magpakumbaba tayo at ipahayag ang ating mga kasalanan sa Diyos. At magpasya tayong talikuran ang ating mga kasalanan (Isaias 57:15 at Roma 10:9, 10).

Ang pagsisisi ay nararapat na may kasamang pananampalataya na namatay si Hesus at muling nabuhay upang ating maging tagapagligtas. Sinasabi sa Roma 10:9, “Kung ipapahayag ng iyong labi na si Hesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka.” Marami pang ibang talata ang nagsasabi na kailangan ang pananampalataya katulad ng Juan 20:27; Mga Gawa 16:31; Galacia 2:16; 3:11, 26; at Efeso 2:8.

Ang hangad nating maging matuwid sa paningin ng Diyos ay tamang hakbang sa ating pagkilala sa lahat ng ginawa niya para sa atin. Ipinadala niya ang Tagapagligtas na siyang naging handog upang bayaran ang ating mga kasalanan (Juan 1:29), at nangako siya na “Ang sinumang tatawag sa Panginoon ay maliligtas” (Mga Gawa 2:21).

Isang magandang halimbawa ng pagsisisi at kapatawaran ay ang kuwento tungkol sa alibughang anak (Lukas 15:11-32). Inubos ng bunsong anak ang kayamanang ipinamana sa kanya ng kanyang ama sa “di wastong pamumuhay.” Nang mapag-isipan niyang siya'y nagkamali, nagpasya siyang umuwi. Sa kanyang palagay ay hindi na siya karapat-dapat na ituring na anak, ngunit nagkamali siya. Mahal pa rin pala siya ng kanyang ama sa kabila ng kanyang pagiging suwail. Lubusan siyang pinatawad at pinaghandaan pa ng ama ang kanyang pagbabalik.

Maaasahan ang Diyos sa kanyang mga pangako, pati na ang pangakong patatawarin niya tayo. Ang sabi sa Mga Awit 34:18, “Malapit ang Panginoon sa mga taong bagbag ang puso, at tinutulungan niya ang mga nawalan na ng pag-asa.”

Kung gusto mong maging matuwid sa paningin ng Diyos, narito ang isang panalangin na maaari mong bigkasin sa Diyos. Alalahanin mo lamang na ang pagbigkas ng panalanging ito ay hindi makapagliligtas sa iyo. Tanging ang Diyos lamang ang makagagawa nito sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Ang panalanging ito ay isa lamang simpleng pagpapahayag sa Diyos ng iyong pananampalataya sa Kanya. “O Diyos, inaamin kong nagkasala ako laban sa iyo at nararapat lamang na parusahan. Ngunit inako ni Hesus ang aking kasalanan at tiniis ang parusang dapat sana ay sa akin, upang sa aking pagsampalataya sa kanya ay mapatawad mo ako. Tinatalikuran ko ang aking mga kasalanan at nagtitiwala ako ngayon kay Hesus para sa aking kaligtasan. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. At salamat din sa buhay na walang hanggan. Amen.

Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ako magiging matuwid sa paningin ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries