Tanong
Anu-ano ang mga talata sa Biblia tungkol sa pamamaraan ng kaligtasan ayon sa Aklat ng mga Taga-Roma?
Sagot
Ang ilang mga talata mula sa Aklat ng mga Taga-Roma ay isang paraan ng pagbabahagi ng Magandang Balita tungkol sa kaligtasan. Ito'y simple ngunit mabisang paraan ng pagpapaliwanag sa mga sumusunod na katanungan: 1. Bakit tayo nangangailangan ng kaligtasan? 2. Paano ipinagkaloob sa atin ng Panginoon ang kaligtasan? 3. Paano natin makakamit ang kaligtasan? 4. Anu-ano ang idinudulot ng kaligtasan sa ating buhay?
1. Bakit tayo nangangailangan ng kaligtasan? Ayon sa Roma 3:23, “Sapagkat ang lahat ay nagkasala at walang sinumang karapat-dapat sa paningin ng Diyos.” Tayong lahat ay nangagkasala. Nakagawa tayo ng mga bagay na hindi nakalulugod sa Diyos. Walang sinumang makapagsasabi na hindi siya nagkasala. Nasusulat sa Roma 3:10-18 ang detalyadong larawan ng mga kasalanang makikita sa ating mga buhay. Ayon sa Roma 6:23, “Kamatayan ang kabayaran ng kasalanan.” Ang kaparusahang bunga o dulot ng kasalanan ay kamatayan. Hindi lamang ito kamatayan ng katawan, kundi walang hanggang kamatayan ng kaluluwa sa impiyerno!
2. Paano ipinagkaloob sa atin ng Panginoon ang kaligtasan? Ayon rin sa unang bahagi ng Roma 6:23, “Ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Hesus na ating Panginoon.” Sinasabi ng Roma 5:8, “Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.” Namatay si Hesu Kristo para sa atin! Ang kamatayan ni Hesus ang siyang naging kabayaran para sa ating mga kasalanan. At ang muling pagkabuhay ni Hesus ay nagpapatunay na tinanggap ng Diyos ang kamatayan ni Hesus bilang kabayaran para sa ating mga kasalanan.
3. Paano natin makakamit ang kaligtasan? Ayon sa Roma 10:9, “Kung ihahayag ng iyong mga labi na si Hesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka.” Dahil sa kamatayan ni Hesus para sa atin, dapat natin siyang sampalatayanan at kilalanin bilang Panginoon. Paniwalaan natin na ang kanyang kamatayan ang siyang kabayaran para sa ating mga kasalanan. Sinasabi din sa Roma 10:13, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.” Namatay si Hesus upang bayaran ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan at iligtas tayo sa walang hanggang kamatayan sa impiyerno. Kaya ang kaligtasan at ang kapatawaran ng mga kasalanan ay maaaring makamit ng sinumang nagtitiwala kay Hesus bilang Tagapagligtas at Panginoon.
4. Anu-ano ang idinudulot ng kaligtasan sa ating buhay? Ayon sa Roma 5:1, “Napawalang-sala na tayo dahil sa pananalig sa ating Panginoong Hesu Kristo, sa pamamagitan niya ay mayroon na tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos.” Sa pamamagitan ni Hesu Kristo, maaaring maibalik ang ating relasyon sa Diyos. Ayon naman sa Roma 8:1, “Hindi na hahatulang maparusahan ang mga nakipag-isa kay Cristo Hesus.” Dahil sa pagkamatay ni Hesus para sa atin, hinding-hindi na tayo parurusahan dahil sa ating mga kasalanan. At panghuli, may pangako ang Diyos sa atin sa Roma 8:38-39, “Natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang mga bagay sa kasalukuyan, ang mga bagay na darating, ang mga kapangyarihan, ang kataasan o kalaliman o ang alin mang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.”
Pinaniniwalaan mo ba ang pamamaraan tungo sa kaligtasan ayon sa Aklat ng mga Taga-Roma? Kung oo, narito ang isang simpleng panalangin na maaari mong sabihin sa Diyos. Hindi ang panalanging ito ang nakapagliligtas. Ito ay isa lamang pagpapahayag ng iyong pagtitiwala kay Hesu Kristo para sa iyong kaligtasan. Tanging ang Diyos lamang makapagbibigay sa iyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu! “O Diyos, inaamin kong nagkasala ako laban sa iyo at nararapat lamang na parusahan. Ngunit inako ni Hesus ang aking kasalanan at tiniis ang parusang dapat sana ay sa akin, upang sa aking pagsampalataya sa kanya ay mapatawad mo ako. Tinatalikuran ko ang aking mga kasalanan at nagtitiwala ako ngayon kay Hesus para sa aking kaligtasan. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. At salamat din sa buhay na walang hanggan. Amen.”
Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.
English
Anu-ano ang mga talata sa Biblia tungkol sa pamamaraan ng kaligtasan ayon sa Aklat ng mga Taga-Roma?