Tanong
Ano ang ibig sabihin ng pagtanggap kay Hesus bilang Sariling Tagapagligtas?
Sagot
Tinanggap mo na ba si Hesu Kristo bilang iyong Tagapagligtas? Bago ka sumagot, hayaan mong ipaliwanag ko muna ang tanong. Para maunawaan mong mabuti ang tanong na ito, kailangang maunawaan mo muna ang mga salitang “Hesu Kristo,” “sarili,” at “tagapagligtas.”
Sino si Hesu Kristo? Maraming tao ang nagsasabing si Hesu Kristo ay isang mabuting tao, dakilang guro, at propeta ng Diyos. Totoo ang lahat ng ito, ngunit hindi ito sapat na paliwanag kung sino talaga si Kristo. Sinasabi ng Biblia na si Hesus ay Diyos na nagkatawang tao. Ang Diyos ay nagging tunay na tao (Juan 1:1, 14). Naparito ang Diyos sa mundo upang tayo ay turuan, ituwid, patawarin, pagalingin at higit sa lahat upang mamatay para sa ating mga kasalanan. Tinanggap mo na ba ang Hesus na ito?
Ano ang ibig sabihin ng tagapagligtas at bakit natin kailangan ang tagapagligtas? Sinasabi sa Roma 3:10-18, na lahat tayo ay nagkasala at nakagawa ng kasamaan kung kaya nararapat lamang na danasin natin ang galit ng Panginoon. Ang tanging karapatdapat na parusa para sa kasalanan laban sa walang hanggang Diyos ay ang walang hanggang kaparusahan (Roma 6:23; Pahayag 20:11-15). Dahil dito, kailangan natin ng isang tagapagligtas!
Naparito si Hesu Kristo sa mundo at namatay para sa atin. Ang kamatayan ni Hesus, bilang Diyos na nagkatawang tao, ay ang walang hanggang kabayaran para sa ating mga kasalanan (2 Corinto 5:21; Roma 5:8). Tiniis ni Hesus ang parusa na para sana sa atin nang sa gayon ay hindi na tayo maparusahan. Ang muling pagkabuhay ni Hesus mula sa mga patay ay nagpapatunay na ang kanyang kamatayan ay sapat na kabayaran para sa ating mga kasalanan. Kaya nga si Hesus lamang ang natatanging tagapagligtas nating lahat (Juan 14:6; Mga Gawa 4:12). Ikaw ba'y nagtitiwala kay Hesus bilang iyong tagapagligtas?
Si Hesus ba ang iyong tagapagligtas? Inaakala ng maraming tao na ang pagiging Kristyano ay ang pagdalo sa simbahan, pagsasagawa ng mga ritwal, at ang hindi paggawa ng masama o kasalanan. Hindi ganyan ang ibig sabihin ng Kristyano. Ang tunay na kristyano ay ang pagkakaroon ng relasyon kay Hesu Kristo. Ang pagtanggap kay Kristo bilang tagapaligtas ay nangangahulugan ng pagsampalataya at pagtitiwala sa kanyang persona at sa Kanyang mga ginawa. Walang sinumang maliligtas dahil sa pananampalataya ng iba, at wala ring sinumang mapapatawad dahil sa kanyang mabubuting gawa. Ang tanging paraan para maligtas ay ang pagtanggap kay Hesu Kristo bilang iyong tagapagligtas, at ang paglalagak sa Kanya ng iyong pagtitiwala na ang kanyang kamatayan sa krus ang siyang kabayaran ng iyong mga kasalanan, at ang kanyang muling pagkabuhay ang katiyakan na ikaw ay binigyan ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16).
Kung nais mong tanggapin si Hesu Kristo bilang iyong tagapagligtas, narito ang isang panalangin na maaari mong ipanalangin sa Diyos. Tandaan mo lamang na hindi ang panalanging ito ang makapagliligtas sa iyo. Tanging ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa iyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Sabihin mo sa Kanya ng buong puso, “O Diyos, inaamin kung nagkasala ako laban sa iyo at nararapat lamang na ako'y Iyong parusahan. Ako’y sumasampalataya na inako ni Hesus ang aking mga kasalanan at tiniis ang parusa na ako ang dapat na magdanas. Nagtitiwala ako na sa aking pagsampalataya sa kanya ay mapapatawad mo ako. Pinagsisihan ko at tinatalikuran ang aking mga kasalanan at magtitiwala ako kay Hesus para sa aking kaligtasan. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. Salamat din sa buhay na walang hanggan. Amen!”
Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.
English
Ano ang ibig sabihin ng pagtanggap kay Hesus bilang Sariling Tagapagligtas?