Tanong
Ano ba ang ikalawang pagparito ni Hesu Kristo?
Sagot
Ang ikalawang pagparito ni Hesu Kristo ay ang pag-asa ng mga mananampalataya, ang katibayan na ang Diyos ang may kapangyarihan sa pagpapasuko ng lahat ng mga bagay, at Siya ay tapat sa Kanyang mga pangako. Sa Kanyang unang pagparito, naparito si Hesu Kristo sa mundo bilang isang sanggol sa sabsaban sa Betlehem, gaya ng sinabi ng mga propeta. Tinupad na ni Hesus ang karamihan sa mga hula tungkol sa Mesias sa panahon ng Kanyang kapanganakan, sa Kanyang buhay, ministeryo, kamatayan at muling pagkabuhay. Gayon man, mayroon pa ring mga hula tungkol sa Mesias na hindi pa nagaganap at nakatakda pang ganapin ni Hesus. Ang Ikalawang pagparito ni Kristo ay ang Kanyang pagbabalik sa mundo upang ganapin ang mga natitira pang mga hula. Sa Kanyang unang pagparito, si Hesus ay isang lingkod ng lahat at taong puno ng pagdurusa. Sa Kanyang muling pagparito, Siya ay isang Hari. Sa Kanyang unang pagparito, dumating Siya sa mapagpakumbabang paraan. Sa Kanyang ikalawang pagparito, darating Siya sa mundo bilang isang Hari kasama ang mga hukbo ng kalangitan.
Hindi inihayag ng mga Propeta sa Lumang Tipan ang pagkakaiba ng dalawang pagdating ni Kristo. Maaari itong makita sa Kasulatan sa Isaias 7:14; 9:6-7 at Zacarias 14:4. Dahil ditto, ang mga hula ay tila tumutukoy sa dalawang katauhan. Karamihan sa mga iskolar na Hudyo ay naniniwalang may dalawang Mesias na darating. Una ay ang nagdurusang Mesias at ang ikalawa ay ang manlulupig na Mesias. Ang hindi nila naunawaan ay iisang Mesias lamang ang nakatakdang magsakatuparan ng lahat ng iyon. Dumating si Hesus bilang isang matiising lingkod (Isaias Kabanata 53) sa Kanyang unang pagparito. Darating naman si Hesus bilang Hari at tagapagligtas ng Israel sa Kanyang ikalawang pagparito. Ipinaliwanag sa Zacarias 12:10 at Pahayag 1:7 ang ikalawang pagparito ni Hesus. Siya ay ang Hesus na pinarusahan sa Kanyang unang pagparito. Magdadalamhati ang Israel at ang buong mundo dahil sa kanilang pagtanggi sa Mesias noong una Siyang pumarito sa mundo.
Matapos umakyat sa Langit si Hesus, sinabi ng mga Anghel sa mga Apostol, "Mga taga-Galilea," sabi nila, "bakit kayo narito't nakatingala sa langit? Itong si Hesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat Niya" (Gawa 1:11). Itinuturo sa Zacarias 14:4 ang bundok ng Olibo na siyang lugar kung saan magaganap ang ikalawang pagparito. Ipinahayag sa Mateo 24:30, "Pagkatapos ay lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng Tao, at mananangis ang lahat ng bansa. Makikita nila ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan." Inilalarawan sa Tito 2:13 ang muling pagbabalik ni Kristo bilang isang "dakilang Araw ng paghahayag sa ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Hesu Kristo sa gitna ng Kanyang kaningningan."
Ang Ikalawang pagparito ni Hesu Kristo ay detalyadong inilarawan sa Pahayag 19: 11-16. "Pagkaraan nito'y nabuksan ang langit, at nakita ko ang isang kabayong puti. Ang sakay nito'y tinatawag na Tapat at Totoo pagkat matuwid Siyang humatol at makidigma. Parang nagniningas na apoy ang Kanyang mga mata, at napuputungan Siya ng maraming korona. Nakasulat sa Kanyang katawan ang pangalan Niya, ngunit Siya ang tanging nakababatid ng kahulugan niyon. Tigmak ng dugo ang Kanyang kasuutan. "Salita ng Diyos" ang tawag sa Kanya. Sumusunod sa Kanya ang mga hukbo ng langit, na nakadamit ng malinis at puting lino at nakasakay rin sa mga kabayong puti. May lumabas na tabak sa kanyang bibig; gagamitin Niya itong panlupig sa mga bansa. At pamamahalaan Niya sila sa pamamagitan ng kamay na bakal at paaagusin mula sa pisaan ng ubas ang alak ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Sa Kanyang kasuutan at sa Kanyang hita ay nakasulat ang pangalang ‘Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.’"
English
Ano ba ang ikalawang pagparito ni Hesu Kristo?