settings icon
share icon
Tanong

Ano ba ang ibig sabihin ng ang tao ay nilalang ayon sa wangis ng Diyos (Genesis 1:26-27)?

Sagot


Sa huling araw ng paglalang, "Sinabi ng Diyos, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa't umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa" (Genesis 1:26). Tinapos ng Diyos ang kanyang gawain ng may "personal na pagkilos." Nilalang ng Diyos ang tao mula sa alabok at binigyan ito ng buhay sa pamamagitan ng Kanyang hininga (Genesis 2:7). Dahil dito, ang tao ay kakaiba kumpara sa iba pang mga nilalang ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit ang tao ay may materyal (katawan) at hindi materyal (kaluluwa/espiritu) na sangkap.

Ang pagkalikha ayon sa wangis ng Diyos ay nangangahulugan na ang tao ay may mga ilang katangian na gaya ng katangian ng Diyos. Hindi naging kawangis si Adan ng Diyos sa laman o dugo o kaya naman ay ginawa siyang kamukha ng Diyos sa pisikal na anyo dahil ang Diyos ay walang pisikal na anyo. Sinasabi ng Bibliya na ang "Diyos ay Espiritu" (Juan 4:24), samakatuwid Siya'y walang pisikal na katawan o anyo. Gayon man, si Adan ang sumasalamin sa pagiging walang hanggan ng Diyos, sapagkat siya'y nilalang na hindi namamatay.

Ang wangis ng Diyos ay tumutukoy sa hindi materyal na sangkap ng tao. Ito ang ipinagkaiba ng tao sa mga hayop. Ang tao ang ginawang tagapamahalang Diyos ayon sa Kanyang kagustuhan (Genesis 1:28) at binigyan siya ng kakayahang makipagusap sa lumalang sa kanya. Binigyan din siya ng kakayahang mag-isip, pumili at makisama.

Ang tao ay nilalang ng Diyos na may talino at dahil dito may kakayahan siyang pumili, magisip at magdesisyon. Ito ay sumasalamin sa katalinuhan at kalayaan ng Diyos. Sa mga pagkakataon na ang isang tao ay nakakaimbento ng isang bagay o isang makina, makapag-sulat ng libro, makapag-pinta ng isang obra, makapag-pangalan ng alagang hayop, sinasalamin nito ang katotohanang ang tao ay ginawa ayon sa Kanyang wangis.

Sa aspetong moral, ang tao ay nilalang na may likas na kaalaman tungkol sa mabuti at masama at ito'y sumasalamin sa kabanalan ng Diyos. Nakita ng Diyos ang lahat ng Kanyang ginawa at tinawag itong ‘mabuti’ (Genesis 1:31). Ang ating konsensya ay indikasyon ng naturang orihinal na katayuan. Sa tuwing may nagagawang batas, may natatakot sa paggawa ng masama, pumupuri sa isang magandang paguugali, o nakokonsensiya, kinukumpirma nito ang katotohanang nilalang ang tao ayon sa wangis ng Diyos.

Nilalang ang tao para makihalubilo. Ito'y sumasalamin sa pagmamahal ng Diyos. Sa hardin ng Eden, ang pangunahing relasyon ng tao ay tanging para sa Diyos. Ang Genesis 3:8 ay nagsasaad ng ganitong relasyon ng Diyos sa tao. Nilalang ng Diyos ang unang babae dahil "hindi mainam na mag-isa ang tao" (Genesis 2:18). Sa tuwing ang isang tao ay nagaasawa, nagkakaroon ng kaibigan, dumadalo sa isang simbahan, ipinapakita lamang niya ang katotohanang nilalang tayo sa wangis ng Diyos.

Ang isa pang sumasalamin sa paglalang sa atin na kawangis ng Diyos ay ang kakayahan ni Adan na gumawa ng malayang pagpapasya. Kahit na binigyan siya ng banal na kalikasan, pinili ni Adan ang maging masama at lumaban sa Lumalang. Dahil dito, sinira ni Adan ang wangis ng Diyos na nasa kanya at ipinasa niya ang naturang nasirang wangis sa lahat ng kanyang mga naging anak, kasama na tayo (Roma 5:12). Kahit na nananatili pa rin sa atin ngayon ang imahe ng Diyos (Santiago 3:9), nasa atin ang pilat ng kasalanan at tayo ay lubusang nawalan ng kakayahan na bigyang kasiyahan ang Diyos sa ating pag-iisip, sa ating moralidad, sa pakikisama sa ibang tao at maging sa ating mga pisikal.

Ngunit may magandang balita para sa atin: Ng tinubos ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak na si Hesus, ibinalik Niya ang wangis ng Diyos sa tao ayon sa Kanyang kabanalan. Sinabi sa Efeso 4:24, “At kayo'y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Diyos ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan." Ito rin ang sinabi sa Colosas 3:10.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ba ang ibig sabihin ng ang tao ay nilalang ayon sa wangis ng Diyos (Genesis 1:26-27)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries