Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pakikipagtalik bago ang pagpapakasal?
Sagot
Katulad ng iba pang uri ng mga sekswal na imoralidad, ang pakikipagtalik bago ang kasal ay paulit-ulit na ipinagbabawal sa Kasulatan (Mga Gawa 15:20; Roma 1:29; 1 Corinto 5:1; 6:13; 18;7: 2; 10:8; 2 Corinto 12:21; Galacia 5:19; Efeso 5:3; Colosas 3: 5; 1 Tesalonica 4:3; Hudas 7). Iniuutos ng Bibliya ang pag-iwas sa pakikipagtalik bago ang pagpapakasal. Ang pakikipagtalik bago ang kasal ay isang kasalanan na kahalintulad ng pakikiapid at iba pang uri ng sekswal na imoralidad, sapagkat ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa pakikipagtalik sa isang tao na hindi mo asawa o labas sa seremonya ng kasal. Ang pakikipagtalik sa pagitan ng mag-asawa lamang ang tanging relasyong sekswal na pinapayagan ng Diyos (Hebreo 13:4). Ang pakikipagtalik bago pa ang pagpapakasal ay naging pangkaraniwan na dahil sa maraming kadahilanan. Madalas nakatuon ang ating pansin sa “pansariling kasiyahan” at hindi natin isinasa-alang-alang ang aspeto ng “pagpaparami.” Oo, ang pakikipagtalik ay nagdudulot ng kaligayahan. Iyon ang disenyo ng Diyos sa pakikipagtalik. Nais Niyang masiyahan ang lalaki at babae sa sekswal na aktibidad (sa ilalim ng kasal). Gayon man, ang pangunahing layunin ng pakikipagtalik ay hindi kasiyahan, sa halip ang pagpaparami o pagsusupling.
Hindi ipinagbabawal ng Diyos ang pakikipagtalik bago ang pagpapakasal para nakawan tayo ng kaligayahan, sa halip upang protektahan tayo sa mga hindi inaasahang pagbubuntis at sa mga sanggol na isinisilang na hindi pa handa ang mga magulang sa kanilang magiging responsibilidad. Isipin natin kung gaano kaganda ang ating mundo kung nasusunod lang ang nais ng Diyos sa pakikipagtalik: kakaunting mga sekswal na sakit, kakaunting mga hindi kasal na ina, kakaunting aborsiyon at iba pa. Ang pag-iwas sa pakikipagtalik ang tanging polisiya ng Diyos pagdating sa pakikipagtalik bago pa man ang kasal. Ang pag-iwas sa pakikipagtalik ay nakakapagligtas ng buhay, nagpoprotekta sa mga sanggol, binibigyan ang sekswal na relasyon ng tamang pagpapahalaga, at higit sa lahat nagbibigay kapurihan sa Diyos.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pakikipagtalik bago ang pagpapakasal?