settings icon
share icon
Tanong

Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-inom ng alak? Kasalanan ba para sa isang Kristiyano ang uminom ng alak?

Sagot


Hinihikayat ng ilang mga talata sa Bibliya ang mga tao na lumayo o umiwas sa pag-inom ng alak (Levitico 10:9; Bilang 6:3; Deuteronomio 14:26; 29: 6; Hukom 13:4, 7, 14; 1 Samuel 1:15; Kawikaan 20:1; 31:4, 6; Isaias 5:11, 22; 24:9; 28:7; 29: 9; 56:12; Mikas 2:11; Lucas 1:15). Gayunman, hindi kinakailangang pagbawalan ang isang Kristiyano na uminom ng serbesa, alak, o ano pa mang uri ng inumin na may alkohol. Subalit inuutusang umiwas sa pagpapakalasing o pagpapakalango sa alak ang mga Kristiyano (Efeso 5:18). Hinahatulan ng Bibliya ang pagpapakalasing at ang masamang epekto nito (Kawikaan 23:29-35). Inuutusan din ang mga Kristiyano na huwag pahintulutang ipaalipin sa anumang bagay kanilang mga katawan (1 Corinto 6:12; 2 Pedro 2:19). Pinagbabawalan din ng Bibliya ang Kristiyano na gumawa ng mga bagay na maaaring makatisod sa kapwa Kristiyano o magkasala laban sa kanilang konsensiya (1 Corinto 8:9-13). Dahil sa ganitong prinsipyo, napakahirap para sa isang Kristiyano na sabihing umiinom siya ng alak para sa kaluwalhatian ng Diyos (1 Corinto 10:31). Ginawang alak ni Hesus ang tubig sa Cana, Galilea. Maaari ding uminom ng alak si Hesus sa ilang okasyon (Juan 2:1-11; Mateo 26:29).


Sa panahon ng Bagong Tipan, ang tubig ay hindi ganoon kalinis. Kung walang modernong panlinis, ang tubig ay punong-puno ng mga bakterya at ibat-ibang klase ng mga mikrobyo ang nakakakontamina dito. Ito'y totoo sa mga bansang kabilang sa mga tinatawag na ikatlong daigdig o mga mahihirap na bansa sa ngayon. Dahilan dito, umiinom palagi ang mga tao ng alak (o inuming mula sa ubas) sapagkat malaki ang posibilidad na hindi ito kontaminado. Sa 1 Timoteo 5:23, tinuruan ni Pablo si Timoteo na huwag lang uminom ng tubig (na maaaring dahilan ng kanyang problema sa tiyan) kundi uminom din ng kaunting alak.

Ang paggawa ng alak noong unang panahon ay hindi gaya sa paggawa ng alak sa kasalukuyan. Hindi rin tamang sabihin na noon ang alak ay katas lamang ng ubas na ginagawang panlaban sa lamig, subalit mali ring sabihin na katulad lang iyon ng mga alak na ginagamit natin sa panahong ito. Muli, hindi kinakailangang pagbawalan ang isang Kristiyano na uminom ng serbesa, alak o anumang inumin na may alkohol. Ang alkohol ay hindi likas na masama sa kanyang sarili. Ang paglalasing at pagpapakalango sa alak at adiksyon sa alkohol ang masama at dapat iwasan ng isang Kristiyano (Efeso 5:18; 1 Corinto 6:12). May mga prinsipyo sa Bibliya laban sa pag-inom ng alak. Dahil dito napakahirap ipagtanggol ng isang Kristiyano ang pag-inom ng alak. Ang pag-inom ng alak, gaano man kaunti o karami ay hindi normal na nagbibigay kaluguran sa Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-inom ng alak? Kasalanan ba para sa isang Kristiyano ang uminom ng alak?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries