Kapahayagan ng Pananapalataya
Pangkat 1: Ang BibliyaNaniniwala kami na ang Bibliya na binubuo ng Luma at Bagong Tipan ay ang kinasihan, hindi nagkakamali at ang makapangyarihang Salita ng Diyos (Mateo 5:18; 2 Timoteo 3:16-17). Pinaninindigan namin sa pananampalataya na ang mga orihinal na Kasulatan ng Bibliya ay walang anumang pagkakamali, hiningahan ng Diyos, at ang kumpleto at sukdulang awtoridad para sa pananampalataya at pagsasanay ng pananampalataya (2 Timoteo 3:16-17). Habang ginagamit ng mga indibidwal na manunulat ang kanilang sariling istilo sa pagsulat, perpektong ginabayan sila ng Banal na Espiritu para tiyakin na ang kanilang isusulat ay eksaktong ang nais ng Diyos na ipasulat, walang pagkakamali, walang labis at walang kulang (2 Pedro 1:21).
Pangkat 2: Diyos
Naniniwala kami sa iisang Diyos, na lumikha ng lahat ng bagay (Deuteronomio 6:4; Colosas 1:16), na ipinakilala ang Kanyang sarili sa tatlong magkakaibang Persona—Ama, Anak, at Banal na Espiritu (2 Corinto 13:14) subalit iisa sa pagka-Diyos, kalikasan at kaluwalhatian (Juan 10:30). Ang Diyos ay walang hanggan (Awit 90:2), walang katapusan (1 Timoteo 1:17), at makapangyarihan (Awit 93:1). Nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay (Awit 139:1-6), sumasalahat Siya ng dako (Awit 139:7-13), walang hanggan ang kapangyarihan (Pahayag 19:6), at hindi nagbabago (Malakias 3:6). Ang Diyos ay banal (Isaias 6:3), makatarungan (Deuteronomio 32:4), at matuwid (Exodo 9:27). Ang Diyos ay pag-ibig (1 Juan 4:8), puno ng biyaya (Efeso 2:8), mahabagin (1 Pedro 1:3), at mabuti (Roma 8:28).
Pangkat 3: Jesu Cristo
Naniniwala kami sa pagiging Diyos ng Panginoong Jesu Cristo. Siya ang Diyos na nagkatawang tao, ang Diyos sa anyong tao, ang maliwanag na kapahayagan ng Ama na hindi tumigil sa pagiging Diyos, naging tao upang maipakita kung sino ang Diyos at upang magkaloob ng daan ng kaligtasan para sa sangkatauhan (Mateo 1:21; Juan 1:18; Colosas 1:15).
Naniniwala kami na ang Panginoong Jesu Cristo ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ipinanganak ni Birheng Maria (Mateo 1:23); na Siya ay ganap na Diyos at ganap na tao (Juan 1:1, 14); na Siya ay nabuhay ng isang perpekto at banal na buhay (1 Juan 3:5); na ang lahat ng kanyang mga turo ay totoo (Juan 14:6). Naniniwala kami na ang Panginoong Jesu Cristo ay namatay sa krus para sa buong sangkatauhan (1 Juan 2:2) bilang isang handog na kahalili (Isaias 53:5-6). Pinaniniwalaan namin na ang Kanyang kamatayan ay sapat upang magkaloob ng kaligtasan para sa lahat ng tatanggap sa Kanya bilang Tagapaligtas (Juan 1:12; Mga Gawa 16:31); na ang pagpapawalang sala ay nakabase sa pagbuhos ng Kanyang dugo (Roma 5:9; Efeso 1:7); at ito ay pinatunayan sa literal na pagkabuhay ng Kanyang katawan mula sa mga patay (Mateo 28:6; 1 Pedro 1:3).
Naniniwala kami na ang Panginoong Jesus ay umakyat sa langit sa kanyang maluwalhating katawan (Mga Gawa 1:9-10) at ngayon ay nakaupo sa Kanan ng Diyos bilang ating Punong Saserdote at Tagapamagitan (Roma 8:34; Hebreo 7:25).
Pangkat 4: Banal na Espiritu
Naniniwala kami sa pagiging Diyos at sa personalidad ng Banal na Espiritu (Mga Gawa 5:3-4). Binubuhay Niya sa espiritu ang mga makasalanan (Tito 3:5) at pinananahanan ang mga mananampalataya (Roma 8:9). Sa kanya binawtismuhan ni Cristo ang lahat ng mga mananampalataya sa Kanyang katawan (1 Corinto 12:12-14). Siya ang tatak ng Diyos Ama na Siyang garantiya sa kaligtasan ng lahat na sumasampalataya hanggang sa araw ng katubusan (Efeso 1:13-14). Siya ang Gurong Diyos na nagbibigay liwanag sa puso at isip ng mga mananampalataya habang pinagaaralan nila ang Salita ng Diyos (1 Corinto 2:9-12).
Naniniwala kami na ang Banal na Espiritu ay ganap na makapangyarihan sa pamamahagi ng mga espiritwal na kaloob (1 Corinto 12:11). Naniniwala kami na ang mga mahimalang kaloob ng Banal na Espiritu, habang kaya pa ring ipagkaloob ng Banal na Espiritu sa ngayon, ay hindi na gumagana pa sa parehong antas ngayon kumpara noong panahong itinatatag pa ang iglesya (1 Corinto 12:4-11; 2 Corinto 12:12; Efeso 2:20; 4:7-12).
Pangkat 5: Mga Anghel at Demonyo
Naniniwala kami sa katotohanan at personalidad ng mga anghel. Naniniwala kami na nilikha ng Diyos ang mga anghel upang Kanyang maging mga lingkod at mensahero (Nehemias 9:6; Awit 148:2; Hebreo 1:14).
Naniniwala kami sa pag-iral ni Satanas at ng mga demonyo. Si Satanas ay dating anghel ng Diyos na nanguna sa isang grupo ng mga anghel sa pagrerebelde laban sa Diyos (Isaias 14:12-17; Ezekiel 28:12-15). Siya ang pangunahing kaaway ng Diyos at tao, at ang mga demonyo ang kanyang mga alipin sa paggawa ng kasamaan. Si Satanas at ang kanyang mga demonyo ay parurusahan ng walang hanggan sa dagat-dagatang apoy (Mateo 25:41; Pahayag 20:10).
Pangkat 6: Sangkatauhan
Naniniwala kami na ang sangkatuhan ay direktang nilikha ng Diyos at ang mga tao ay natatanging nilikha ng Diyos ayon sa Kanyang imahe at wangis (Genesis 1:26-27). Naniniwala kami na ang lahat ng tao ay nagmana ng makasalanang kalikasan kay Adan dahil sa pagbagsak niya sa pagkakasala at pinili ng lahat ng tao na magkasala laban sa Diyos (Roma 3:23), at ang lahat ng tao ay lumalaban sa Diyos (Roma 6:23). Walang kahit anong kakayahan ang tao na lunasan ang Kanyang makasalanang kalagayan (Efeso 2:1-5, 12).
Pangkat 7: Kaligtasan
Naniniwala kami na ang kaligtasan ay kaloob ng Diyos sa Kanyang biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya sa natapos na gawain ni Cristo sa krus (Efeso 2:8-9). Ganap na isinakatuparan ng kamatayan ni Cristo ang pagpapawalang sala sa tao at ang katubusan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya. Namatay si Cristo bilang ating kahalili (Roma 5:8-9) at dinala ang ating mga kasalanan sa Kanyang katawan (1 Pedro 2:24). Sa ikatlong araw, pagkatapos Niyang mamatay sa krus, muling nabuhay si Cristo sa pisikal bilang katibayan ng kanyang tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan (Roma 14:9).
Naniniwala kami na ang kaligtasan ay tinatanggap sa biyaya sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Cristo lamang. Ang mabubuting gawa at pagsunod sa Diyos ay resulta ng kaligtasan hindi kundisyon para sa kaligtasan. Dahil sa kadakilaan, kasapatan at kaganapan ng paghahandog ni Cristo, ang lahat ng mga tunay na tumanggap kay Cristo bilang Tagapagligtas ay nakatitiyak ng kaligtasan, iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos, tiyak na maliligtas sa walang hanggang kapahamakan at tinatakan ni Cristo magpakailanman (Juan 6:37-40; 10:27-30; Roma 8:1, 38-39; Efeso 1:13-14; 1 Pedro 1:5; Judas 24). Kung paanong ang kaligtasan ay hindi makakamtan sa pamamagitan ng mabubuting gawa, hindi rin ito naiingatan at napapanatili sa pamamagitan ng mabubuting gawa. Ang mabubuting gawa at binagong buhay ay likas na bunga ng kaligtasan (Santiago 2).
Pangkat 8: Ang Iglesya
Naniniwala kami na ang Iglesya, ang Katawan ni Cristo, ay ang espiritwal na organismo na binubuo ng lahat na mananampalataya sa kasalukuyang panahon (1 Corinto 12:12-14; 2 Corinto 11:2; Efeso 1:22-23, 5:25-27). Naniniwala kami sa ordinansa ng bawtismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig bilang patotoo ng pakikiisa kay Cristo at sa ordinansa ng Huling Hapunan bilang pagalaala sa kamatayan ni Cristo at sa Kanyang nabuhos na dugo (Mateo 28:19-20; Mga Gawa 2:41-42, 18:8; 1 Corinto 11:23-26). Sa pamamagitan ng Iglesya, tinuturuan ang mga mananampalataya na sumunod sa Panginoon at magpatotoo sa kanilang pananampalataya kay Cristo bilang kanilang Tagapagligtas at upang parangalan Siya sa pamamagitan ng pamumuhay sa kabanalan. Naniniwala kami sa Dakilang Utos bilang pangunahing misyon ng iglesya. Obligasyon ng lahat na mananampalataya na ipangaral, sa pamamagitan ng kanilang salita at buhay ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos. Ang Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos ay dapat na ipangaral sa lahat ng tao sa buong mundo (Mateo 28:19-20; Mga Gawa 1:8; 2 Corinto 5:19-20).
Pangkat 9: Mga Bagay na Darating
Naniniwala kami sa dakilang pag-asa (Tito 2:13), sa persona at nalalapit na muling pagparito ng Panginoong Jesu Cristo upang isama sa langit ang lahat ng mga banal (1 Tesalonica 4:13-18). Naniniwala kami sa muling pagparito ni Cristo dito sa mundo sa Kanyang literal at nakikitang katawan kasama ang Kanyang mga banal upang itatag ang Kanyang ipinangakong isanlibong taon ng paghahari (Zacarias 14:4-11; 1 Tesalonica 3:13; Pahayag 3:10, 19:11-16, 20:1-6). Naniniwala kami sa pagkabuhay na mag-uli ng pisikal na katawan ng lahat ng tao—ng mga banal sa walang hanggang kagalakan at kasiyahan sa Bagong Lupa, at ng mga makasalanan—sa walang hanggang pagdurusa sa dagat-dagatang apoy (Mateo 25:46; Juan 5:28-29; Pahayag 20:5-6, 12-13).
Naniniwala kami na sa oras ng kamatayan ng mga mananampalataya, ang kanilang kaluluwa ay aalis sa kanilang katawang lupa upang pumunta sa Panginoon at maghihintay sila sa muling pagkabuhay ng kanilang mga katawan kung kailan muling sasapi ang kanilang kaluluwa/espiritu sa kanilang niluwalhating katawan upang makasama ang Panginoon magpakailanman (Lucas 23:43; 2 Corinto 5:8; Filipos 1:23, 3:21; 1 Tesalonica 4:16-17). Naniniwala kami na ang kaluluwa ng mga hindi mananampalataya ay patuloy na iiral pagkatapos ng kamatayang pisikal at magdurusa sa impiyerno hanggang sa ang kanilang mga kaluluwa ay muling sumapi sa kanilang binuhay na mag-uling katawan upang humarap sa Dakilang Puting Trono upang hukuman ni Cristo at muling itapon sa dagat-dagatang apoy at magdusa doon magpakailanman (Mateo 25:41-46; Marcos 9:43-48; Lucas 16:19-26; 2 Tesalonica 1:7-9; Pahayag 20:11-15).
English
Kapahayagan ng Pananapalataya