Tanong
Totoo ba na ang Bibliya ay Salita ng Diyos?
Sagot
Ang aming kasagutan sa katanungang ito ay hindi lamang nagpapakita kung ano ang aming pananaw sa Bibliya at ang importansiya nito sa aming buhay kundi kung paano din na mayroon itong walang kapantay na halaga para sa amin. Kung ang Bibliya ay totoong Salita ng Diyos, samakatuwid kinakailangan natin itong pagaralan, sundin at pagtiwalaan. Kung ang Bibliya ay totoong Salita ng Diyos, nangangahulugan na hindi natin tinatanggap ang Diyos kung hindi natin ito tatanggapin.
Ang katotohanang binigyan tayo ng Diyos ng Bibliya kung saan ipinasulat Niya ang Kanyang mga Salita ay isang ebidensya ng pagpapadama Niya sa atin ng Kanyang pag-ibig. Ang ibig sabihin ng salitang “Pahayag” ay ang pagpapaunawa ng Diyos sa sangkatauhan kung sino Siya at kung papaano tayo magkakaroon ng tamang relasyon sa Kanya. Ang mga bagay na ito ay hindi natin malalaman kung hindi ito inihayag sa atin ng Diyos sa Bibliya. Kahit na inihayag ng Diyos sa progresibong paraan ang Kanyang sarili sa Bibliya sa loob ng humigit kumulang isanlibo at limang daang (1,500) taon, naglalaman pa rin ito ng lahat na kinakailangan na malaman ng tao patungkol sa Diyos upang magkaroon siya ng tamang relasyon sa Kanya. Kung ang Bibliya ay totoong Salita ng Diyos, samakatuwid ito ang pinakamataas na awtoridad sa lahat ng bagay na may kinalaman sa pananampalataya, relihiyon at moralidad.
Ang isang katanungan na dapat nating itanong sa ating mga sarili ay kung papaano natin matitiyak na ang Bibliya ay Salita ng Diyos at hindi lamang isang pangkaraniwang aklat. Ano ang ikinabukod tangi ng Bibliya sa iba pang mga relihiyosong aklat na naisulat? Mayroon bang mga ebidensya na ang Bibliya ay totoo ngang Salita ng Diyos? Ang katanungang ito ang dapat na bigyang kasagutan kung seryoso nating pagaaralan ang pag-angkin ng Bibliya sa kanyang sarili na ito ay totoong Salita ng Diyos, banal, inspirado at sapat sa lahat ng bagay na may kinalaman sa pananampalataya.
Walang pag-aalinlangan na inangkin ng Bibliya na totoong ito nga ang Salita ng Diyos. Malinaw na mababasa ito sa aklat ng 2 Timoteo 3:15-17, “Mula pa sa pagkabata alam mo nang ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Kristo Hesus. Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo sa katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay, sa gayon ang lingkod ng Diyos ay maging handa sa lahat ng mabubuting gawain.”
Upang masagot ang mga katanungang ito, kinakailangan nating tingnan ang mga panloob at panlabas na ebidensya na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Ang panloob na ebidensya ay yaong mga bagay na nakapaloob sa Bibliya mismo na siyang nagpapatotoo sa banal nitong pinagmulan. Isa sa mga unang panloob na ebidensya na nagpapatunay na Salita ng Diyos ang Bibliya ay ang pagkakaisa nito. Kahit na ang Bibliya ay binubuo ng animnapu’t anim (66) na iba't ibang aklat na isinulat sa tatlong kontinente, sa tatlong magkaibang salita, sa loob ng humigit kumulang isanlibo at limandaang (1,500) taon, ng may apatnapung (40) manunulat, nananatili pa ring nagkakaisa ang Bibliya mula sa umpisa hanggang sa huli at wala itong pagkakasalungatan. Ang ganitong pagkakaisa ay siya mismong kaibahan ng Bibliya sa lahat ng mga aklat. Isa lamang itong patunay sa Banal na pinagmulan ng mga salita, kumilos ang Diyos sa mga tao at isinulat nila ang Kanyang mga Salita.
Ang isa pang panloob na ebidensya na nagpapatunay na ang Bibliya ay Salita ng Diyos ay ang mga detalyadong hula na nakapaloob sa mga pahina ng Bibliya. Ang Bibliya ay naglalaman ng daan-daan at mga detalyadong hula na may kinalaman sa hinaharap ng mga bansa kasama ang bansang Israel, hinaharap ng mga lungsod, hinaharap ng sangkatauhan at ang pagdating ng Isang Tagapagligtas. Ang Tagapagligtas na hinulaang darating ay hindi lamang Tagapagligtas ng Israel kundi ng lahat din naman ng mga sasampalataya sa Kanya. Hindi katulad ng mga hulang matatagpuan sa ilang mga relihiyosong aklat o yaong mga aklat na isinulat ni Nostradamus, ang mga hula sa Bibliya ay napakadetalyado at kailanman ay hindi nabigo. May mahigit sa tatlong daang (300) hula tungkol kay Hesus sa Lumang Tipan pa lamang. Hindi lamang sinabi ng mga naturang hula na ipapanganak si Hesus sa mundo at kung saang pamilya Siya manggagaling. Hinulaan din kung paano Siya mamamatay at mabubuhay na mag-uli pagkatapos ng tatlong araw. Walang tanging paraan upang ipaliwanag ang katuparan ng mga hula sa Bibliya kundi ang tanggapin na may Banal itong pinagmulan.
Ang pangatlong panloob na ebidensya ng Banal na pinagmulan ng Bibliya ay makikita sa kakaibang kapamahalaan at kapangyarihan nito. Ang Bibliya ay may awtoridad na kakaiba sa alinmang aklat na naisulat. Ang awtoridad na ito ay makikita sa hindi mabilang na mga buhay na nabago dahil sa pagbabasa ng Bibliya, ang mga lulong sa ipinagbabawal na gamot na napagaling ng Bibliya, ang mga bakla na pinalaya nito sa kabaklaan, ang mga kriminal na pinabuti nito, ang mga makasalanan na pinabanal nito at ang mga pagkamuhi na napalitan ng pagmamahal dahil sa pagbabasa nito. Ang Bibliya ay nagtataglay ng kapangyarihang bumabago sa buhay ng tao at naging posible lamang ito dahil ito'y totoong Salita ng Diyos.
Hindi lamang ang mga panloob na ebidensya ang nagpapatunay na ang Bibliya ay totoong Salita ng Diyos. Mayroon ding mga panlabas na ebidensya na nagpapatunay na totoo ngang ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Ang isa sa mga naturang ebidensya ay ang “Historicity” o pagsang-ayon ng kasaysayan ng tao sa kasaysayan ng Bibliya. Dahil ang Bibliya ay nagdedetalye ng mga pangyayari sa nakaraan, ang katotohanan at pagiging wasto nito ay nangangailangan ng beripikasyon kagaya ng iba pang mga dokumento sa kasaysayan. Sa pamamagitan ng mga ebidensya sa arkelohiya at iba pang mga nakasulat na dokumento, ang mga nakatalang kasaysayan sa Bibliya ay napatunayan ng ilang beses na wasto, totoo at walang pagkakamali. Dahil sa mga ebidensyang nakasulat at mga nahukay na katibayan ng mga nangyari sa nakalipas na sumusuporta sa Bibliya, naging pinakamagaling na dokumento ang Bibliya sa pagtuklas sa mga pangyayari ng mga nakaraang panahon. Dahil sa katotohanang ang Bibliya ay nagtatala ng mga wasto at makatotohanang pangyayari sa nakaraan, ito'y isang matibay na indikasyon ng pagiging tumpak at totoo nito kung ang paguusapan ay ang mga doktrina at paksang pangrelihiyon. Tumutulong din ito para mas lalo pang patunayan ang pang-angkin nito na ang Bibliya ay Salita nga ng Diyos.
Ang isa pang panlabas na ebidensya na magpapatunay na ang Bibliya ay Salita ng Diyos ay ang integridad ng mga taong sumulat nito. Gumamit ang Panginoon ng mga tao mula sa iba't ibang antas ng pamumuhay upang ipasulat ang Kanyang mga Salita. Kung ating pagaaralan ang buhay ng naturang mga tao na ginamit ng Diyos, hindi matatanggihan na sila ay mga taong tapat at nararapat pagtiwalaan. Kung ating susuriin ang kanilang buhay, handa silang mamatay dahil sa kanilang pinaniniwalaan. Ang mga ordinaryo ngunit tapat na taong ito ay totoong naniniwala na ang Diyos ang nagsalita sa kanila. Ang mga taong sumulat ng Bagong Tipan at ang ilan pang mga mananampalataya (1 Corinto 15:6), ay tinitiyak ang katotohanan ng kanilang mensahe, sapagkat nakita nila at nakasama si Hesus matapos siyang mabuhay mula sa mga patay. Napakalaki ng epekto sa mga taong ito ng pagkasaksi nila sa muling pagkabuhay ni Hesus. Mula sa pagtatago dahil sa takot, naging handa silang mamatay para sa mensahe na inihayag sa kanila ng Diyos. Ang kanilang mga buhay at uri ng kamatayan ay nagpapatunay lamang na ang Bibliya ay Salita ng Diyos.
Ang huling ebidensya na totoo ngang ang Bibliya ay Salita ng Diyos ay ang hindi nito pagkupas at pagkasira. Dahil sa pagangkin ng Bibliya na ito'y Salita ng Diyos, dumanas ito ng matinding pag-atake at pagtatangka upang ito'y sirain kumpara sa alinmang aklat sa kasaysayan simula pa noong imperyo ng mga Romano, sa kamay ng mga komunistang diktador at sa kamay ng mga taong hindi naniniwalang may Diyos. Subalit nalampasan at napagtagumpayan lahat ng Bibliya ang mga pagatakeng ito at nananatili itong nangunguna sa lahat ng aklat sa kasaysayan sa dami ng nalimbag na kopya mula noon hanggang sa kasalukuyan.
Sa loob ng maraming panahon, sinasabi ng mga hindi naniniwala sa Bibliya na ito ay isang kathang-isip lamang, subalit pinatunayan naman ng arkelohiya na ang Bibliya ay isang historikal na aklat. Inatake ng mga kalaban nito ang mga itinuturo ng Bibliya at sinabing hindi umano ito napapanahon. Subalit ang konseptong moral at legal at ang mga itinuturo nito ay may malaking impluwensya sa mga sosyedad at kultura sa buong mundo. Patuloy pa ring inaatake ng siyensiya, saykolohiya at pulitika ang Bibliya subalit nananatili pa rin itong makatotohanan at walang kasing halaga hanggang sa kasalukuyan. Ito'y isang aklat na bumago sa hindi mabilang na mga buhay at kultura sa loob ng dalawang libong (2,000) taon. Ano man ang paglaban at paninira ang gawin ng mga kaaway, nananatili pa ring hindi natitinag ang Bibliya. Ang katumpakan at katotohanan ng Bibliya ay napanatili sa kabila ng mga pagtatangkang pabulaanan ito. Ito'y isang malinaw na ebidensya na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Huwag tayong magtaka na sa kabila ng mga pagatake sa Bibliya ay hindi pa rin ito nagbabago dahil sinabi ni Hesus – “Mawawala ang langit at ang lupa ngunit ang mga salita Ko'y hindi magkakabula” (Marcos 13: 34). Pagkatapos nating malaman ang mga katibayang ito, masasabi natin ng walang pag-aalinlangan na totoo nga na ang Bibliya ay Salita ng Diyos.
English
Totoo ba na ang Bibliya ay Salita ng Diyos?