Tanong
Ano ba ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Trinidad?
Sagot
Ang isa sa mga katotohanan ng Kristiyanismo na mahirap ipaliwanag ay ang Trinity o Trinidad. Walang sapat na kaparaanan upang lubusan itong maipaliwanag. Ang Trinidad ay isang Biblikal na katuruan na imposibleng lubusang maunawaan ng isang tao. Ang Diyos ay kahanga-hanga at higit ang karunungan kaysa sa atin, kaya nga, wala tayong kakayahan na maunawaan Siya ng lubusan. Itinuturo ng Bibliya na ang Ama ay Diyos, na si Hesus ay Diyos, at ang Banal na Espiritu ay Diyos. Itinuturo din ng Bibliya na mayroon lamang iisang Diyos. Bagama't nauunawaan natin ang relasyon ng tatlong persona ng Trinidad sa bawat isa, sa kabuuan ay hindi ito kayang maunawaan ng isipan ng tao. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ito totoo o hindi ito itinuturo ng Bibliya.
Dapat isaisip ng mag-aaral na ang salitang “Trinidad” ay hindi ginamit sa Kasulatan. Ito ay salitang ginamit ng mga teologo sa pagtatangkang ilarawan ang Diyos, at ang katotohanang mayroong tatlong nabubuhay, na kapwa walang hanggang mga persona na bumubuo sa Diyos. Dapat unawain na HINDI itinuturo ng Bibliya sa anumang paraan na mayroong tatlong Diyos. Ang katuruan ng Trinidad ay isang Diyos sa tatlong persona. Walang mali sa paggamit ng salitang “Trinidad” sapagkat ito'y katumbas ng salitang “tatlong nabubuhay, kapwa walang hanggang mga persona sa iisang Diyos.” Kung problema para sa iyo ang pagintindi sa doktrinang ito, isipin mo ito: ang salitang lolo ay hindi ginamit sa Bibliya. Sa kabila noon, alam nating mayroong mga lolo sa Bibliya. Si Abraham ay ang lolo ni Jacob. Kaya't huwag kang maguluhan sa salitang “Trinidad.” Ang higit na mahalaga ay ang konsepto ng salitang “Trinidad” ay makikita sa Banal na Kasulatan.
Upang ang iyong pag-aalinlangan ay ganap na maisantabi, narito ang mga talata sa Bibliya na tumutukoy sa paksa ng Trinidad.
1) Mayroong iisang Diyos: Deuteronomio 6: 4; 1 Corinto 8:4; Galacia 3:20; 1 Timoteo 2:5;
2) Ang Trinidad ay binubuo ng tatlong persona: Genesis 1:1; 1:26; 3:22; 11:7; Isaias 6:8; 48:16; 61:1; Mateo 3:16-17; Mateo 28:19; 2 Corinto 13:14. Sa mga talata sa Lumang Tipan, ang kaalaman sa wikang Hebreo ay makatutulong. Sa Genesis 1:1, ang maramihang pangalang “Elohim” patungkol sa Diyos ay ginamit. Ang salitang ito ay nagsasaad na iisa ang Diyos ngunit ang ginamit na gramatiko ay sa paraang pangmaramihan. Sa Genesis 1:26; 3: 22; 11:7 at Isaias 6:8, ang maramihang panghalip sa Diyos na “Amin” ay ginamit. Ang Hebreong salita na”Elohim” na tumutukoy sa Diyos ay tumutukoy sa higit pa sa dalawa.
Sa wikang ingles, mayroon lamang dalawang anyo, isahan at maramihan. Sa Hebreo, mayroong tatlong anyo: isahan, dalawahan, at maramihan. Ang dalawahan ay saliang ginagamit na tanging para sa dalawa lamang. Sa Hebreo, ang dalawahang anyo ay ginagamit sa mga bagay na magkapares kagaya ng mga mata, at mga kamay. Ang salitang “Elohim” at ang panghalip na “Amin” ay nasa anyong maramihan - at iyon ay tiyak na higit pa sa dalawa - at posibleng tumutukoy sa tatlo (Ama, Anak, Banal na Espiritu). Sa aklat ng Isaias 48:16 at 61:1, ang Anak ay nagsasalita habang tinutukoy ang Ama at ang Banal na Espiritu. Ikumpara ang Isaias 61:1 sa Lucas 4:14-19 para makitang ang Anak ang nagsasalita. Inilalarawan ng Mateo 3:16-17 ang pagbabautismo kay Hesus. Makikita sa pangyayaring ito na ang Diyos Espiritu ay bumaba sa Diyos Anak habang ipino-proklama naman ng Diyos Ama ang kanyang saloobin tungkol sa Kanyang Anak. Ang Mateo 28:19 at 2 Corinto 13:14 ay halimbawa ng tatlong magka-ibang persona ng Trinidad. 3) Kinikilala ang bawat miyembro ng Trinidad sa iba't-ibang talata sa Bibliya: sa Lumang Tipan, ang salitang “PANGINOON” ay bukod sa “Panginoon” (Genesis 19:24; Hosea 1:4).
3) Sinasabi ng Kasulatan na ang “PANGINOON” ay may “Anak” (Awit 2:7, 12; Kawikaan 30:2-4). Ang Espiritu ay nagmula sa “PANGINOON” (Mga Bilang 27:18) at nagmula sa “Diyos” (Awit 51:10-12). Ang Diyos Anak ay mula sa Diyos Ama (Awit 45:6-7; Hebreo 1:8-9). Sa Bagong Tipan, sa aklat ng Juan 14:16-17, ipinahayag ni Hesus sa Ama ang tungkol sa pagpapadala ng isang “Katulong” na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. Ito'y nagpapakita na hindi inaangkin ni Hesus ang Kanyang sarili bilang Ama o bilang Banal na Espiritu. Dapat ding isaalang-alang ang ilang pagkakataon sa Ebanghelyo kung saan nakikipag-usap si Hesus sa Diyos Ama. Siya ba ay nakikipag-usap sa kanyang sarili? Hindi! Nakikipag-usap Siya sa isa pang persona sa Trinidad - ang Diyos Ama.
4} Ang bawat miyembro ng Trinidad ay Diyos: Ang Ama ay Diyos: Juan 6:27; Roma 1:7; 1 Pedro 1:2. Ang Anak ay Diyos: Juan 1:1, 14; Roma 9:5; Colosas 2:9; Hebreo 1:8; 1 Juan 5:20. Ang Banal na Espiritu ay Diyos: Mga Gawa 5:3-4; 1 Corinto 3:16 (ang nananahan sa atin ay ang Banal na Espiritu - Roma 8:9; Juan 14:16-17; Mga Gawa 2:1-4).
5) Ang katayuan ng mga persona ng Trinidad: Ipinakikita ng Kasulatan na ang Banal na Espiritu ay nagpapasakop sa Ama at sa Anak, at ang Anak naman ay nagpapasakop sa Ama. Ito ay panloob na relasyon at hindi maipagkakaila ang pagka-Diyos ng alinmang persona sa Trinidad. Ito ay isang katuruan na hindi na kayang arukin ng limitado nating pag-iisip sapagkat ang Diyos ay walang hanggan. Tungkol sa Anak tingnan ang: Lukas 22:42; Juan 5:36; Juan 20:21; 1 Juan 4:14.Tungkol sa Banal na Espiritu tingnan ang: Juan 14:16; 14:26; 15:26; 16:7 at lalong lalo na ang Juan 16:13-14.
6) Ang gawain ng bawat miyembro ng Trinidad: Ang Ama ang pinanggalingan o may akda ng: 1) sanlibutan (1 Corinto 8:6; Pahayag 4:11); 2) ng banal na kapahayagan (Pahayag 1:1); 3) ng Kaligtasan (Juan 3:16-17); at 4) gawain ni Hesus bilang tao (Juan 5:17; 14:10). Ang Ama ang nagpasimula ng lahat ng mga bagay. Ang Anak ang kinatawan ng Ama at nagsakatuparan ng mga sumusunod na gawain: 1) ang paglalang at pag-papanatili ng sanlibutan (1 Corinto 8:6; Juan 1:3; Colossas 1:16-17); 2) Banal na kapahayagan (Juan 1:1; Mateo 11:27; Juan 16:12-15; Pahayag 1:1); ng Kaligtasan (2 Corinto 5:19; Mateo 1:21; Juan 4:4 2). Ginawa lahat ito ng Ama sa pamamagitan ng Anak, na gumaganap bilang kanyang kinatawan. Ang Banal na Espiritu naman na nagmula sa Ama at Anak ang gumaganap ng mga sumusunod na gawain: 1) ang paglalang at pagpapanatili ng sanlibutan (Genesis 1:2; Job 26:13; Awit 104:30); 2) Banal na kapahayagan (Juan 16:12-15; Efeso 3:5; 2 Pedro 1:21); 3) ang kaligtasan (Juan 3:6; Titus 3:5; 1 Pedro 1:2); at 4) ang mga Gawa ni Hesus (Isaias 61:1; Mga Gawa 10:38).
Ang Ama ang may lalang ng lahat ng bagay at ito ay sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Wala sa mga kilalang halimbawa ang ganap at eksaktong makapaglalarawan sa “Trinidad.” Ang Ama, Anak at Banal na Espiritu ay hindi mga bahagi lamang ng Diyos kundi bawat isa sa Kanila ay Diyos. Ang paglalarawan gamit ang tubig ay isang magandang halimbawa ngunit bigo pa rin itong ipaliwanag ang “Trinidad.” Ang likido, singaw, at yelo ay mga anyo ng tubig. Ang Ama, Anak at Banal na Espiritu ay hindi anyo lang ng Diyos, ang bawat isa sa Kanila ay tunay na Diyos. Samakatuwid, habang ang ganitong paglalarawan ay magbibigay sa atin ng larawan ng Trinidad, ang nasabing larawan ay hindi eksaktong magkapagpapaliwanag sa Trinidad. Ang walang hanggang Diyos ay hindi kayang ipaliwanag ng limitadong isipan ng tao. Sa halip na ituon ang pansin sa pagpapaliwananag saTrinidad, sikapin nating ituon ang pansin sa kadakilaan, kawalang hanggan at kaluwalhatian ng Diyos. “Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di maarok ang kayamanan, karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi malirip ang Kanyang mga panukala at pamamaraan! Gaya ng nasusulat: Sapagka't sino ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon, O sino ang naging tagapayo Niya?” (Roma 11:33-34).
English
Ano ba ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Trinidad?