settings icon
share icon
Tanong

Si Hesu Kristo ba ay Diyos? Inangkin ba ni Hesu Kristo na Siya ay Diyos?

Sagot


Oo nga't walang talata sa Banal na Kasulatan kung saan tuwirang sinabi ni Hesu Kristo ang ganito: “Ako ay Diyos,” ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi Niya kailanman ipinahayag na Siya ay Diyos. Isa sa mga halimbawa ay ang sinabi ni Hesu Kristo sa Juan 10:30, “Ako at ang Ama ay iisa.” Sa biglang tingin, tila hindi ito tuwirang pag-angkin ni Hesus na Siya ay Diyos. Ngunit, para sa mga Hudyo ang sinabi ni Hesus ay tiyakang pag-angkin na Siya ay Diyos. Ganito ang reaksyon ng mga Hudyo, “Hindi dahil sa mabuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos. Sapagkat nagpapanggap kang Diyos gayong tao ka lang” (Juan 10:33). Sa nabanggit na mga talata, hindi itinuwid ni Hesu Kristo ang mga Hudyo gaya ng pagsasabing, “Hindi ko inangkin ang pagiging Diyos.” Ipinahihiwatig lamang nito na si Hesu Kristo ay Diyos nang Kanyang sabihin, “Ako at ang Ama ay iisa” (Juan 10:30). Sa Juan 8:58, ganito naman ang wika ni Hesus, “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, bago pa ipinanganak si Abraham, Ako ay Ako na!” Muling kumuha ng bato ang mga Hudyo at tinangkang batuhin si Hesus. Bakit kailangang batuhin ng mga Hudyo si Hesu Kristo, kung wala Siyang sinabi na sa paniniwala nila'y pamumusong sa pangalan ng kataas-taasang Diyos?


Sinasabi sa Juan 1:1, “Sa pasimula pa'y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita, at ang Salita ay Diyos.” Sa Juan 1:14, nakasaad naman ang ganito, “Naging tao ang Salita at Siya'y nanirahan sa piling natin.” Ito'y malinaw na nagpapahayag na si Hesu Kristo ay Diyos na nagkatawang-tao. Sinasabi sa atin sa Gawa 20:28, “Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang lahat ng kabilang sa katawan, sapagkat inilagay sila ng Espiritu Santo sa inyong pag-iingat. Pangalagaan ninyo ang Iglesiya ng Diyos na Kanyang tinubos sa pamamagitan ng kamatayan ng Kanyang sariling Anak.” Sinabi din sa Gawa 20:28 na tinubos ng Diyos ang Kanyang Iglesya sa pamamagitan ng Kanyang banal na dugo. Samakatuwid si Hesu Kristo ay tunay Diyos.

Ganito naman ang sinabi ng alagad na si Tomas kay Hesu Kristo, “Panginoon ko at Diyos ko” (Juan 20:28). Sinabi sa Tito 2:13 na palakasin natin ang ating loob sa paghihintay sa muling pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesu Kristo (basahin din ang 2 Pedro 1:1). Sa Hebreo 1:8, ganito naman ang pagpapakilala ng Diyos Ama patungkol kay Hesu Kristo, “Ang Iyong trono, O Diyos, ay magpakailan pa man. Ikaw ay maghaharing may katarungan.”

Sa aklat ng Pahayag, itinuro ng anghel kay Apostol Juan na tanging Diyos lamang ang sasambahin (Pahayag 19:10). Makailang ulit din na naitala sa Banal na Kasulatan na sinamba si Hesu Kristo (Mateo 2:11; 14:33; 28:9, 17; Lukas 24:52; Juan 9:38). Kahit kailan, hindi sinaway ni Hesu Kristo ang mga sumamba sa Kanya. Kung hindi Siya Diyos, sana ay pinagsabihan Niya ang mga tao na huwag Siyang sambahin tulad ng ginawang pagsaway ng anghel kay Apostol Juan sa Pahayag 19:10.

Marami pang mga talata at pahayag sa Banal na Kasulatan ang nagpapatunay sa pagka-Diyos ni Hesu Kristo. Ang pinakamahalagang nagawa ng pagiging Diyos ni Hesu Kristo ay ang Kanyang ganap na handog: ang Kanyang kamatayan, bilang sapat na kabayaran ng kasalanan ng buong sanlibutan (1 Juan 2:2). Tanging Diyos lamang ang nagtataglay ng kakayahan at katuwiran upang mahango ang tao sa walang hanggang kaparusahan. Tanging Diyos lamang ang may kakayahang akuin ang kasalanan ng sanlibutan (2 Corinto 5:21), sa pamamagitan ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Hesu Kristo, bilang katibayan ng Kanyang tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Si Hesu Kristo ba ay Diyos? Inangkin ba ni Hesu Kristo na Siya ay Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries