Tanong
Si Hesus ba ang tanging daan para makapunta sa langit?
Sagot
Madalas sabihin ng tao, “Mabait ako, laging nagsisimba, at sinisikap kong gumawa ng mabuti. Siguro ang mga masasamang tao lamang katulad ng mga mamamatay-tao at mga nang-aabuso sa mga bata ang mapupunta sa impyerno.”
Ito ang karaniwang iniisip ng mga tao, pero hindi ito totoo. Si Satanas ang naglalagay ng ideyang ito sa isipan ng mga tao. Siya at ang mga sumusunod sa kanya ay mga kaaway ng Diyos (1 Pedro 5:8). Laging nagkukunwari si Satanas na siya ay mabuti (2 Corinto 11:14), at kinokontrol niya ang isip ng taong hindi pa nananampalataya sa Diyos. Sinasabi sa 2 Corinto 4:4, “Ayaw nilang manampalataya sa Magandang Balita dahil binulag ang kanilang mga isipan ni Satanas, ang Diyos ng mundong ito. Binulag niya sila upang hindi nila maintindihan ang Magandang Balita tungkol sa kapangyarihan ni Kristo, na siyang larawan ng Diyos.”
Hindi totoo ang paniniwalang bale-wala sa Diyos ang maliliit na kasalanan at ang impyerno ay para lamang sa masasamang tao. Lahat ng kasalanan ay naglalayo sa atin sa Diyos, maging gaano man iyon kaliit. Lahat ay nagkasala at walang makapupunta sa langit dahil sa sarili niyang pagsisikap (Roma 3:23). Ang pagpunta sa langit ay hindi nakabase kung mas marami ang nagawa mong mabuti kaysa sa masama. Hindi tayo makapupunta doon kung iyon ang ang ating pagbabatayan. Ayon sa Roma 11:6, “Kung ang kanilang pagkapili ay dahil sa kanyang biyaya, hindi na ito nakasalalay sa mabubuting gawa ng tao. Sapagkat kung nakasalalay sa mabubuting gawa, hindi na ito biyaya.” Wala tayong magagawang anuman para makarating sa langit (Tito 3:5).
Makapapasok ka lamang sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng makipot na pintuan, dahil maluwang ang pintuan at malapad ang daan patungo sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami (Mateo 7:13). Kahit na ang karamihan ay namumuhay sa kasalanan at ang pagsampalataya sa Diyos ay hindi popular, hind ito palalampasin ng Diyos. Ayon sa Efeso 2:2, “Namuhay kayo nang ayon sa pag-uugali ng mundo. Nasa ilalim kayo noon ng kapangyarihan ni Satanas na siyang naghahari sa mundo. At siya rin ang espiritung kumikilos sa puso ng mga taong ayaw sumunod sa Diyos.”
Nilalang ng Diyos ang mundo na ganap at mabuti. Pagkatapos, nilikha niya sina Adan at Eba. Binigyan sila ng Diyos ng malayang kaisipan at kalayaang pumili kung susundin nila ang Diyos o hindi. Ngunit tinukso sila ni Satanas upang suwayin ang utos ng Diyos at ang resulta nito ay ang kanilang pagkakasala. Ito ang dahilan kung bakit nahiwalay sila sa Diyos at naputol ang kanilang magandang relasyon sa kanya. Ang Diyos ay banal at ganap, kaya kailangan niyang hatulan ang kasalanan. Dahil makasalanan tayo, hindi na tayo maaaring makabalik sa piling ng Diyos sa pamamagitan ng sarili nating pagsisikap. Kahit gumawa tayo nang gumawa ng mabuti, magkakasala pa rin tayo, kaya kailangan pa rin tayong hatulan. Kaya gumawa ang Diyos ng paraan upang makapiling niya tayong muli sa langit. Sinasabi sa Juan 3:16, “Sapagkat mahal na mahal ng Diyos ang sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Sinabi sa Roma 6:23, “Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.”
Ipinanganak si Kristo upang ituro sa atin ang daan patungo sa langit at pagkatapos namatay siya sa krus upang hindi na tayo hatulan pa ng kamatayan. Sa ikatlong araw ay muli siyang nabuhay mula sa mga patay (Roma 4:25) bilang patunay na nagapi na niya ang kamatayan. Siya ang naging tulay sa Diyos at sa tao para makabalik tayo sa Diyos at magkaroon tayo muli ng relasyon sa Kanya sa pamamagitan ng sasampalataya.
“Ito ang buhay na walang hanggan: ang kilalanin ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at si Hesu Kristo na iyong sinugo” (Juan l7:3). Ang karamihan ng mga tao ay naniniwala sa Diyos, pero kahit na si Satanas ay naniniwala rin sa Diyos. Upang matanggap natin ang kaligtasan, kailangang lumapit tayo sa Diyos. Talikuran natin ang ating mga kasalanan, sundin natin siya, at ayusin natin ang ating relasyon sa Kanya. Magtiwala tayo nang lubusan kay Hesus, sapagkat sinabi sa Roma 3:22, “Pinawalang sala ng Diyos ang lahat na nananalig kay Hesu Kristo.” Sa ganitong paraan lang tayo maliligtas, maging sino man tayo o ano man ang ating mga nagawang kasalanan. Sinasabi sa Bibliya na walang ibang daan patungo sa langit maliban kay Hesu Kristo. Sinabi ni Hesus sa Juan 14:6, “Ako ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”
Si Hesus ang tanging daan upang tayo ay maligtas, sapagkat siya lang ang nagbayad sa parusa para sa ating mga kasalanan (Roma 5:8). Sinasabi rin sa Gawa 4:l2, “Kay Hesu Kristo lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat sa silong ng langit, ang kanyang pangalan lamang ang ibinigay ng Diyos sa ikaliligtas ng tao.” Walang anumang relihiyon o lider ng relihiyon na makakabayad sa ating kasalanan maliban lamang kay Hesus na namatay sa krus. Sapagkat ang kaligtasan ay matatagpuan lamang kay Hesus sa pamamagitan ng pananampalataya.
Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.
English
Si Hesus ba ang tanging daan para makapunta sa langit?