settings icon
share icon
Tanong

Nasaan si Hesus noong tatlong araw sa pagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay?

Sagot


Sinasabi sa 1 Pedro 3:18-19, “Sapagkat si Kristo'y namatay para sa inyo. Namatay Siya ng dahil sa kasalanan ng lahat - ang walang kasalanan para sa mga makasalanan - upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman at muling binuhay ayon sa Espiritu. Sa kalagayang ito, pinuntahan Niya at inaralan ang mga espiritung nakabilanggo.” Ang salitang “ayon sa Espiritu,” sa talata 18 ay eksaktong kahalintulad ng pagkakaayos sa salitang “ayon sa laman.” Kaya nga pinakamainam na iugnay ang salitang “Espiritu” sa salitang “laman.” Ang tinutukoy sa talatang ito na laman at Espiritu ay ang laman at Espiritu ni Kristo.


Ang mga salitang “binuhay ayon sa Espiritu,” ay tumutukoy sa katotohanang ang pagtubos sa kasalanan ang naging dahilan ng kamatayan ni Kristo at naging dahilan ng pagkahiwalay ni Hesus mula sa Ama (Mateo 27: 46). Ang pagkakaiba ay sa pagitan ng laman at Espiritu, gaya ng sinasabi sa Mateo 27:41 at Roma 1:3-4, at hindi sa pagitan ng laman ni Kristo at ng Banal na Espiritu. Matapos hugasan ni Kristo ang kasalanan, ang Kanyang Espiritu ay nagpatuloy sa pakikisama sa Ama.

Inilalarawan ng 1 Pedro 3:18-22 ang nangyari sa panahon ng kamatayan ni Kristo (talata 18) at ang pagbalik Niya sa kaluwalhatian (talata 22). Tanging si Pedro lamang ang nakapagbigay ng partikular na impormasyon kung ano ang nangyari sa pagitan ng dalawang kaganapan. Ang salitang “inaralan” sa talata 19 ay hindi pangkaraniwang salita sa Bagong Tipan na naglalarawan ng pagpapahayag ng Ebanghelyo. Ang tunay na ibig sabihin nito ay “ihayag ang isang mensahe.” Si Hesus ay naghirap at namatay sa Krus at ang Kanyang katawan ay namatay. Subalit isinuko Niya ang Kanyang Espiritu sa Ama. Ayon kay Pedro, sa pagitan ng pagkamatay at muling pagkabuhay, ginawa ni Hesus ang isang espesyal na proklamasyon sa mga “espiritung nakabilanggo.”

Tinukoy ni Pedro ang mga taong ito na mga “kaluluwa” at hindi “espiritu” (3: 20) sa Bagong Tipan, ang salitang “espiritu” ay kadalasang ginagamit para ilarawan ang mga anghel o demonyo, at hindi ang mga tao; at ipinahihiwatig sa talata 22 ang ganitong kahulugan. Hindi rin sinasabi saanman sa Bibliya na bumisita si Hesus sa impiyerno. Sinasabi sa Gawa 2:31 na pumunta si Hesus sa “Hades,” subalit ang “Hades” ay hindi impiyerno. Ang salitang “Hades” ay tumutukoy sa lugar ng mga namatay, isang pansamantalang lugar kung saan hinihintay ng katawan ang kanilang muling pagkabuhay.

Ibinibigay sa Pahayag 20:11-15 ang malinaw na kaibahan sa pagitan ng impiyerno at hades. Ang impiyerno ay permanenteng lugar ng mga taong nahatulan na. Ang “Hades” naman ay isang panandaliang lugar. Isinuko ng ating Panginoon ang Kanyang Espiritu sa Ama, namatay, at sa pagitan ng Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay, bumisita sa lugar ng mga namatay na kung saan inihatid Niya ang mensahe sa mga Espiritu (maaaring mga itinapong mga Anghel; tingnan ang Hudas 6) na may kaugnayan sa panahon bago ang pagbaha noong panahon ni Noe. Nilinaw ito sa talata 20.

Hindi sinabi sa atin ni Pedro kung ano ang sinabi ni Hesus sa mga espiritung nakabilanggo, pero hindi ito maaaring ang mensahe ng katubusan sapagkat ang mga masamang anghel ay hindi maaaring maligtas (Hebreo 2:16). Maaaring ito ay deklarasyon ng tagumpay laban kay Satanas at sa kanyang mga kampon (1 Pedro 3:22; Colosas 2:15). Tila ipinakikita rin sa Efeso 4:8-10 na si Kristo ay pumunta sa “Paraiso” (Lukas 16:20; 23:43) at dinala sa kalangitan yaong mga nanampalataya sa Kanya bago Siya namatay sa krus. Ang nasabing talata ay hindi nagbibigay ng malinaw na detalye kung ano nga ba ang nangyari, subalit karamihan sa mga iskolar ng Bibliya ay sumasang-ayon na ito ang ibig sabihin.

Ang tiyak, hindi malinaw sa Bibliya kung ano ang eksaktong ginawa ni Hesus sa loob ng tatlong araw sa pagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Maaaring Siya nga ay naghayag ng katagumpayan sa mga itinapong mga anghel o sa mga hindi mananampalataya. Ang ating nalalaman ay hindi nagbibigay ang Diyos ng ikalawang pagkakataon para sa kaligtasan. Sinasabi sa atin ng Bibliya na haharap tayo sa paghatol pagkatapos ng kamatayan (Hebreo 9:27), at wala ng pangalawang pagkakataon. Walang eksakto at malinaw na kasagutan kung ano ang ginawa ni Hesus sa pagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Ito ay isa sa mga misteryo na mauunawaan natin doon sa kalangitan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Nasaan si Hesus noong tatlong araw sa pagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries