Tanong
Anu-ano ang mga katangian ng Diyos? Ano ang katulad ng Diyos?
Sagot
Sa pagsisikap natin na sagutin ang mga katanungang ito, tunay na napakarami pa ang maaari nating matuklasan tungkol sa Diyos. Makabubuti para sa mga magsusuri sa mga paliwanag na narito na basahin muna ang kabuuan ng artikulong ito; pagkatapos ay balikan at hanapin ang mga talata para sa karagdagang paglilinaw. Ang pagsangguni sa mga nakasulat na Salita ng Diyos ay tunay na kailangan sapagkat tanging ang Banal na Kasulatan lamang ang karapatdapat na pagbatayan ng katotohanan tungkol sa Diyos at anumang mga paliwanag o opinyon lamang ng tao sa ganang kanyang sarili ay kapos para maunawaan ang Diyos (Job 42:7). Ang pagsasabi na kaya nating maunawaan kung sino ang Diyos sa pamamagitan ng sariling pagpapalagay at karunungan ay isang kahangalan at isang napakadelikadong bagay. Kung ang ating sariling isipan lamang ang gagamitin sa pagpapaliwanag kung sino ang Diyos at kung ano ang kanyang katulad, tiyak na gagawa lamang tayo ng mga diyus-diyusan na laban sa kalooban ng Buhay na Diyos (Exodo 20:3-5).
Tanging ang Diyos lamang ang naglagay ng simula at hangganan ng nararapat nating malaman tungkol sa Kanya. Isa sa mga paglalarawan sa Diyos ay “Ilaw,” na nangangahulugan na Siya ang nagtataglay ng kapahayagan tungkol sa Kanyang sarili (Isaias 60:19; Santiago 1:17). Ang katunayan na ang Diyos ay nagpahayag ng mga katotohanan patungkol sa Kanyang sarili ay hindi kailan man dapat ipagwalang-bahala, sapagkat kung gagawin ito ng tao ay tiyak na hindi siya makapapasok sa Kanyang kapahingahan (Hebreo 4:1). Ang kalikasan, ang Banal na Kasulatan, ang nagkatawang-taong Salita (si Hesu Kristo) at ang Banal na Espiritu ay magkakasamang gumagawa upang tulungan tayong makilala ang tunay na Diyos.
Magsimula tayo sa pangunawa na ang Diyos ang Dakilang Lumikha at tayo ay bahagi ng lahat ng Kanyang nilikha (Genesis 1:1; Awit 24:1). Sinabi ng Diyos na nilikha Niya ang tao ayon sa Kanyang wangis. Ang tao ang may pinakamataas na antas ng katalinuhan sa lahat ng nilikha at sa kanya rin ibinigay ang kapangyarihan at karapatan upang pamahalaan ang lahat ng mga ginawa ng Diyos (Genesis 1:26-28). Dahil sa pagkakasala ng unang tao, ang mga nilikha ng Diyos na perpekto sa simula ay napinsala. Ngunit taglay pa rin ang timyas ng kabutihan ng Diyos sa Kanyang mga ginawa (Genesis 3:17-18; Roma 1:19-20). Kung iisipin ang karamihan ng Kanyang mga nilikha at ng kahiwagaan ng mga ito, ang kagandahan at kaayusan ng mga ito ay nagpapamalas sa atin ng kadakilaan ng Diyos.
Makatutulong sa ating pananaliksik kung ano nga ang katulad ng Diyos sa pamamagitan ng pagtuklas sa kahulugan ng mga katawagan sa Diyos na nakasulat sa Biblia. Ito ay ang mga sumusunod:
Elohim - Makapangyarihang Diyos, Banal (Genesis 1:1)
Adonai - Diyos, nagpapakita ng kaugnayan ng Panginoon sa Kanyang sariling bayan (Exodo 4:10,13)
El Elyon - Kataas-taasan, pinakamakapangyarihang Diyos (Genesis 14:20)
El Roi - Ang malakas na nakakakita ng lahat (Genesis 16:13)
El Shaddai - Makapangyarihang Diyos (Genesis 17:1)
El Olam - Walang hanggang Diyos (Isaias 40:28)
Yahweh - Diyos, ang “Ako nga,” nangangahulugan ng Kanyang pagiging buhay magpakailan man (Exodo 3:13-14)
Ating ipagpatuloy ang ating pagaaral sa marami pang katangian ng Diyos. Ang Diyos ay walang hanggan, na nangangahulugang wala Siyang simula at wala ring wakas. Wala Siyang kamatayan at walang hangganan (Deuteronomio 33:27; Awit 90:2; 1 Timoteo 1:17). Ang Diyos ay hindi nagbabago, at dahil dito Siya ay lubos na mapagkakatiwalaan (Malakias 3:6; Mga Bilang 23:19; Awit 102:26-27). Wala ring katulad ang Panginoon, na nangangahulugan na walang kaparis ang Kanyang mga gawa at ang Kanyang pagka-Diyos. Siya ay Perpekto at walang kapantay (2 Samuel 7:22; Awit 86:8; Isaias 40:25; Mateo 5:48). Ang Diyos at ang Kanyang mga katangian ay hindi kayang lubos na maunawaan ng ating pahat na isipan (Isaias 40:28; Awit 145:3; Roma 11:33-34).
Ang Diyos ay walang itinatangi, na nangangahulugang itinuturing Niyang pantay-pantay ang lahat ng tao (Deuteronomio 32:4; Awit 18:30). Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, kaya Niyang gawin ang lahat na nakalulugod sa Kanya, subalit ang lahat ng Kanyang mga ginagawa ay palaging naaayon sa Kanyang mga katangian (Pahayag 19:6; Jeremias 32:17, 27). Ang Diyos ay nasa lahat ng lugar at panahon; ngunit hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng bagay ay Diyos (Awit 39:7-13; Jeremias 23:23). Nalalaman ng Diyos ang nakaraan, ang kasalukuyan at ang hinaharap. Alam ng Diyos kahit ang ating mga iniisip sa lahat ng sandali; Alam Niya ang lahat at ang lagi Niyang ipinamamalas ang Kanyang katarungan at katwiran (Awit 139:1-5; Kawikaan 5:21).
Iisa lamang ang Diyos ngunit hindi ito nangangahulugan na walang tatlong persona ang Diyos, kundi Siya lamang ang makatutugon sa mga pangangailangan at hangarin ng ating mga puso. Siya lamang ang karapat-dapat na sambahin at ibigin (Deuteronomio 6:4). Ang Diyos ay matuwid, at dahil doon ay hindi Niya pinalalampas ang kasamaan. Dahil sa Kanyang pagiging banal at makatarungan, kinakailangang maranasan ni Kristo Hesus ang hatol ng Diyos, nang ipataw sa Kanya ng Diyos ang kaparusahan sa kasalanan upang tayo'y Kanyang mapatawad (Exodo 9:27; Mateo 27:45-46; Roma 3:21-26).
Ang Diyos ay ang pinakamataas, ang Supremo. Ang lahat ng kanyang mga ginawa, ginagawa at gagawin pa ay hindi kayang hadlangan ng sinuman pati na ang Kanyang mga layunin (Awit 93:1; 95:3; Jeremias 23:20). Ang Diyos ay Espiritu, na nangangahulugan na hindi Siya nakikita (Juan 1:18; 4:24). Ang Diyos ay isang Trinidad, na nangangahulugan na Siya ay isang Diyos sa tatlong persona subalit may iisang kalooban at pantay na pagka-Diyos, kapangyarihan at kaluwalhatian. Mapapansin na ang unang talata sa Banal na Kasulatan ay tumukoy sa pangalan na “isahan” kahit na ang tinutukoy nito ay tatlong magkakaibang persona: Ama-Anak-Espiritu Santo (Mateo 28:19; Markos 1:9-11). Ang Diyos ay katotohanan. Mananatili Siyang walang kapintasan magpakailan man at hindi Niya kailanman sasalungatin ang Kanyang sarili (Awit 117:2).
Ang Diyos ay Banal, na nangangahulugang walang anumang kasamaan sa Kanya at kalaban Siya ng kasamaan. Nakikita ng Diyos ang lahat ng kasamaan at ito'y kanyang ikinagagalit. Karaniwang nababanggit ang apoy sa Banal na Kasulatan kapag tinutukoy ang Kanyang kabanalan. Ang Diyos ay inilalarawan bilang apoy (Isaias 6:3; Habakuk 1:13; Exodo 3:2, 3, 5; Hebreo 12:29). Ang Diyos ay mapagbiyaya, kabilang dito ang Kanyang kabutihan, kagandahang-loob, pagiging mahabagin at mapagmahal - mga salitang nagbibigay buhay sa kahulugan ng Kanyang kabutihan. Kung hindi dahil sa Kanyang biyaya, ang lahat ng Kanyang mga katangian ay maghihiwalay sa ating lahat mula sa Kanya. Magpasalamat tayo dahil Siya ay Diyos na puno ng biyaya, at nais Niya na ipakilala sa atin ang Kanyang sarili (Exodo 34:6; Awit 31:19; 1 Pedro 1:3; Juan 3:16; 17:3).
Ito'y isang payak na pagtatangka lamang na sagutin ang isang napakalawak at malalim na katanungan tungkol sa Diyos. Nawa ay patuloy ninyong saliksikin ang katotohanan patungkol sa Diyos at ang Kanyang kalooban sa inyong mga buhay (Jeremias 29:13).
English
Anu-ano ang mga katangian ng Diyos? Ano ang katulad ng Diyos?