Tanong
Ano ba ang Kristiyanismo at ano ba ang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano?
Sagot
Sinasabi sa 1 Corinto 15:1-4 “At ngayo'y ipinaaalala ko sa inyo mga kapatid ang mabuting balita na ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang ebanghelyo na inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. Sa pamamagitan nito'y naliligtas kayo kung matatag kayong nananangan sa salitang ipinangaral ko sa inyo. Liban na nga lamang kung kayo'y sumasampalataya na di iniisip ang inyong sinasampalatayanan sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin. Si Kristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan ng nasasaad sa kasulatan. Inilibing Siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa kasulatan.”
Iyan ang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano. Kakaiba ang Kristiyanismo sa lahat ng relihiyon sapagkat ang mensahe ng Kristiyanismo ay mas nakatuon sa relasyon kaysa sa mga ritwal na pang-relihiyon. Sa halip na magpa-alipin sa listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin, ang layunin ng isang Kristiyano ay linangin ang kanyang malapit na kaugnayan sa Diyos Ama. Naging posible ang naturang relasyon dahil sa ginawa ni Hesu Kristo at sa gawain ng Banal na Espiritu sa buhay ng isang Kristiyano.
Naniniwala ang mga Kristiyano na ang Bibliya ay hiningahan ng Diyos at walang pagkakamali at ang itinuturo ng Bibliya ay pinal at sakdal. (2 Timoteo 3: 16; 2 Pedro 1:20-21) Naniniwala ang mga Kristiyano sa iisang Diyos sa tatlong persona, Ang Diyos Ama, Diyos Anak (si Hesu Kristo) at ang Banal na Espiritu.
Naniniwala ang mga Kristiyano na nilalang ng Diyos ang tao upang magkaroon ng maayos na relasyon sa Kanya, subalit nahiwalay ang tao sa Diyos dahil sa kasalanan. (Roma 5:12; Roma 3:23) Itinuturo ng Kristiyanismo na nagkatawang tao ang ating Panginoong Hesu Kristo dito sa mundo, at Siya'y tunay na Diyos at tunay na Tao (Filipos 2:6-11) at namatay sa krus. Naniniwala din ang mga Kristiyano na matapos ang kanyang pagkamatay sa krus, inilibing si Hesus, nabuhay na mag-uli at ngayo'y nasa kanan ng Diyos Ama at patuloy na namamagitan para sa mga mananampalataya. (Hebreo 7:25) Inihahayag ng Kristiyanismo na sapat na ang kamatayan ni Hesu Kristo sa krus upang ganap na mabayaran ang kasalanan ng sangkatauhan. Ito rin ang nagpanumbalik sa nasirang relasyon ng tao sa Diyos (Hebreo 9: 11-14; Hebreo 10: 10; Roma 6:23; Roma 5:8).
Upang maligtas ang isang tao, kinakailangang ilagak niya ng buong-buo ang kanyang pananampalataya sa natapos na gawain ng pagliligtas ni Hesus sa krus. Ang sinumang nagtitiwala na namatay si Hesus bilang kahalili niya sa krus ay maliligtas, sapagkat binayaran ni Hesus ang kaparusahan ng kanyang mga kasalanan. Walang magagawa ang sinuman para makamit ang kaligtasan sa kanyang sariling kakayahan. Walang sinuman ang maituturing na mabuti. Wala rin ni isa, na ang sariling pagsisikap ang naging dahilan upang malugod ang Diyos sa kanya sapagkat lahat ay nagkasala (Isaias 64: 6-7; Isaias 53: 6) Pangalawa, wala nang dapat gawin pa, sapagkat ginawa na lahat ni Hesus ang gawain ng pagliligtas. Noong si Hesus ay nasa krus sinabi Niya “Naganap Na” (Juan 19:30).
Dahil walang nagawa ang sinuman upang makamit ang kanyang kaligtasan, wala ring magagawa ang sinuman para maiwala ang kanyang kaligtasan, kung taos-puso siyang tumanggap at inilagak ang kanyang buong pagtitiwala sa ginawa ni Hesus sa krus. Dapat nating tandaan na ang gawain ng pagliligtas ay tinapos na ni Hesus.
Ang kaligtasan ay hindi nakasalalay sa taong tumanggap nito. Sinasabi sa Juan 10: 27-29, “Nakikinig sa Akin ang aking mga tupa, nakikilala Ko sila at sumusunod sila sa Akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan at kailanma'y di sila mapapahamak. Hindi sila maagaw sa Akin ninuman, ang Aking Ama na nagbigay sa kanila sa Akin ay lalong dakila sa lahat at hindi sila maagaw ninuman sa aking Ama.”
Maaaring isipin ng isang tao na dahil siya'y ligtas na, magagawa na niya ang lahat ng kanyang gustong gawin dahil hindi na mawawala sa kanya ang kanyang kaligtasan. Subalit ang kaligtasan ay hindi lisensya upang gawin lahat ng bagay na gusto nating gawin. Ang kaligtasan ay kalayaan sa dati nating makasalanang gawain at kalayaang ipagpatuloy ang tamang relasyon sa Diyos. Ang kaligtasan ay siya mismong panlaban ng Kristyano sa kasalanan. Ngunit habang ang mga mananampalataya ay nabubuhay pa dito sa mundo, patuloy ang kanilang pakikipaglaban sa kasalanan. Ang pamumuhay ng tao sa kasalanan ay siyang sagabal sa kanyang pakikisama sa Diyos. At habang ang isang mananampalataya ay patuloy na gumagawa ng kasalanan, hindi niya matatamasa ang kasiyahang dulot ng pakikisama niya sa Diyos. Samantala, maaaring mapagtagumpayan ng isang Kristiyano ang kanyang kasalanan sa pamamagitan ng pagaaral at pagsasabuhay sa Salita ng Diyos (Ang Bibliya), sa pagpapakontrol sa Banal na Espiritu at sa pagsunod sa Kanyang pagtuturo at paggabay sa araw-araw niyang pamumuhay.
Habang maraming relihiyon ang nagtuturo na ang tao ay nararapat sumunod sa mga dapat gawin at umiwas sa mga bagay na hindi dapat gawin upang maligtas, ang Kristiyanismo naman ay nagtuturo na ang pagkakaroon ng relasyon sa Diyos ang daan sa kaligtasan. Ang Kristiyanismo ay ang paniniwala na namatay si Hesus sa krus bilang kabayaran ng mga kasalanan, at Siya’y nabuhay na mag-uli at muling babalik isang araw. Ang ating mga kasalanan ay binayaran na ni Hesus, dahil dito makakasama na natin ang Diyos sa langit. Maaari kang makaahon sa iyong makasalanang kalagayan at lumakad sa katwiran dahil sa pagsunod sa Diyos. Iyan ang totoong Kristiyanismo.
English
Ano ba ang Kristiyanismo at ano ba ang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano?