Tanong
Ang Diyos ba ay buhay? May katibayan ba na magpapatunay na ang Diyos ay buhay?
Sagot
Napapansin ko na binibigyan ng higit na malaking atensyon ang usapin tungkol sa katanungang “Ang Diyos ba ay buhay?” Lumabas sa pinakahuling pagsusuri, na higit sa siyamnapung porsiyento ng populasyon ang naniniwala na mayroong Diyos o isang Lumalang na higit na Makapangyarihan sa lahat. Gayun pa man, tila nakaatang na sa balikat ng mga naniniwala sa Diyos ang pagpapatunay na ang Diyos nga ay buhay. Totoong mahirap itong patunayan ngunit lalo namang hindi mapapabulaanan na ang Diyos ay buhay. Ayon sa Banal na Kasulatan, kailangan nating tanggapin ang katotohanang ang Diyos ay buhay sa pamamagitan ng pananampalataya, “At hindi kinalulugdan ng Diyos ang hindi nananalig sa Kanya. Sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat maniwalang may Diyos, at Siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa Kanya” (Hebreo 11:6).
Kung nanaisin lamang ng Diyos, walang kahirap-hirap para sa Kanya na patunayan na Siya nga ay buhay. Subalit kung gagawin Niya ito, mawawalan ng saysay ang pananampalataya ng tao. “Sinabi sa kanya ni Hesus, “Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo Ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila Ako nakikita” (Juan 20:29).
Hindi ito nangangahulugan na walang katibayan na magpapatunay na ang Diyos ay buhay. Idineklara ng Banal na Kasulatan na “Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila! Malinaw na nagsasaad kung ano ang Kanyang gawa! Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang, patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi't araw. Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay, at wala ring naririnig na kahit anong ingay; Gayon pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig, ang balita'y umaabot sa duluhan ng daigdig” (Awit 19:1-4). Tingalain natin ang mga tala, isipin natin ang kawalang hanggan ng kalawakan, masdan natin ang kamangha-manghang kalikasan, sulyapan natin ang kagandahan ng takipsilim - ang lahat ng ito ay nagtuturo na may Diyos na Lumikha. Dagdag pa rito ay ang katibayan ng Diyos na nasa kaibuturan ng ating mga puso. Sinasabi sa aklat ng Mangangaral 3:11, “Iniangkop Niya ang lahat ng bagay sa kapanahunan, ang tao'y binigyan Niya ng pagnanasang alamin ang bukas.” Sa kaibuturan ng ating mga puso ay narito ang pagkilala na mayroong mga bagay na nakahihigit sa kalagayan ng kasalukuyang buhay at mayroong higit na Makapangyarihan sa lahat. Sa isipan ng tao ay maaari nga niyang balewalain ang kaalamang ito, ngunit ang presensya ng Diyos sa atin ay lagi nating kasama. Sa kabila ng lahat ng ito, may babala ang Banal na Kasulatan na mayroon pa ring ilan na tatanggihan ang Diyos, “Ang sabi ng hangal sa kanyang puso, 'Wala namang Diyos'.” (Awit 14:1). At sapagkat higit sa siyamnapung porsiyento (90%) ng tao sa kasaysayan, sa lahat ng kalinangan o kultura, sa lahat ng kabihasnan, at sa lahat ng lupalop ng daigdig, ay naniniwalang buhay ang Diyos - nararapat lamang na alamin ang pinagmulan ng ganitong paniniwala.
Para sa karagdagang ebidensya na mayroong buhay na Diyos maliban sa kapahayagan ng Banal na Kasulatan, mayroon pang ibang mga argumentong pilosopikal na magpapatunay dito: Una ay ang argumentong ontolohikal (ontological argument). Ang pinakatanyag na anyo ng pangangatuwirang ontolohikal ay gumagamit ng pilosopiya upang patunayan na ang Diyos ay buhay. Ito'y nagsisimula sa pagbibigay ng kahulugan sa Diyos “bilang isang dakilang persona na totoo sa kaisipan ng tao.” Kaya nga, ipinagpapalagay ng argumentong ito, na kung ang Diyos ay normal na naiisip at totoo sa isipan ng tao, tiyak na ang normal na naiisip ng tao na hindi lamang galing sa mga aklat at ang mga kuwentong gawa gawa ng tao kundi totoo din ito sa realidad. Sapagkat paano maiisip ng tao ang isang bagay na hindi niya pinag-aralan o natutunan? Pinatutunayan nito na ang may isang buhay na Diyos naiisip ang tao na nakahihigit kay sa walang buhay, kung kaya't ang pinakadakilang persona na naabot at nabuo sa kaisipan ay tiyak na nabubuhay din naman sa realidad. Kung ang Diyos ay hindi buhay, hindi Siya maiisip ng tao at hindi Siya maituturing na pinakamakapangyarihan sa lahat - at iyan ay salungat sa mismong naiisip ng tao patungkol sa Diyos.
Ang ikalawang argumento ay ang teleolohikal (teleological argument). Pinaniniwalaan nito na ang nakikita ng tao na kahanga-hangang sangnilikha ay nagpapatunay lamang na mayroong Makapangyarihan at Matalinong persona na Siyang nagdisenyo ng mga iyon. Halimbawa na lamang na kung ang ating mundong tinatahanan ay naging napakalapit o di kaya ay napakalayo sa araw, hindi nito kakayaning suportahan ang maraming nilalang na nabubuhay sa mundo sa nakaraan at kasalukuyan. Kung ang mga elemento sa himpapawid ay nagkulang o nadagdagan ng kahit kaunting porsiyento lamang, bawat bagay na nabubuhay sa buong sangkalupaan ay mangamamatay. Ang hindi-pangkaraniwan at di-inaasahang pagkakataon na magkaroon ng anyo at buhay ang isang molekula ng protina ay isa (1) sa sampu (10) na may 243 na 0. Ang nakamamangha ay naglalaman ng milyon-milyong molekula ng protina ang isang selula.
Ang ikatlong argumento ay ang tinatawag na argumentong kosmolohikal (cosmological argument). Ang bawat anyo, bagay, resulta at pangyayari ay may pinag-ugatan, sanhi, at pinagmulan. Ang sanlibutan at lahat ng bagay na nakikita sa kalikasan ay hindi aksidente lamang kundi may tiyak na pinanggalingan. Kaya't natural lamang na isipin na mayroong pasimula at sanhi kung bakit nananatili ang mga ito. Sa kahuli-hulihan, kailangang may Isang “walang-pinagmulan at walang-hangganan” ng sa ganoon ay mapanatili ang lahat ng mga bagay na naririto. At ang “walang-pinagmulan at walang-hangganang” ito ay ang Diyos.
Ang ika-apat ay ang argumentong moral (moral argument). Ang bawat kalinangan o lipunan sa kasaysayan ng tao ay may pinagbatayang batas o alituntunin. Ang bawat isa ay may kamalayan kung ano at alin ang tama o mali. Ang pagpatay, pagsisinungaling, pagnanakaw, at kalaswaan ay itinatakwil at di katanggap-tanggap ng halos lahat ng tao at lahat ng lipunan sa buong mundo. Saan at kanino nagmula ang kamalayan at kaalaman kung ano at alin ang tama o mali kung hindi sa Banal na Diyos?
Sa kabila ng lahat ng ito, sinasabi sa Banal na Kasulatan na tatanggihan pa rin ng tao ang napakalinaw at di-maitatatwang katibayan ng pagkakaroon ng Diyos at sa halip ay paniniwalaan nila ang kasinungalingan. Sinabi ni Pablo sa Roma 1:25 na, “Tinalikdan nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at pinalitan ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang nilalang sa halip na ang Lumalang na Siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.” Ipinahahayag din ng Banal na Kasulatan na walang dahilan ang tao para hindi paniwalaan ang Diyos, “Mula pa nang likhain Niya ang sanlibutan at ang kalikasang di-nakikita, ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay maliwanag na inihahayag ng mga bagay na ginawa Niya. Kaya't wala na silang maidadahilan” (Roma 1:20).
Pinili ng mga tao na hindi maniwala sa Diyos dahil wala ito diumanong “siyentipikong katibayan.” Ngunit ang ang tunay na katuwiran ay makakamit lamang kapag tinanggap ng tao na may Diyos. Nakasalalay dito ang pangunawa ng tao na may pananagutan sila sa Diyos, at nangangailangan sila ng Kanyang kapatawaran (Roma 3:23; 6:23). Kung ang Diyos ay buhay, samakatuwid ay pananagutan natin sa Kanya ang ating mga ginagawa. Ngunit, kung hindi totoong may Diyos, magagawa natin ang anumang ating naisin na wala tayong pag-aalala sa Kanyang paghatol. Kung kaya't naniniwala ako na ganon na lamang ang pagtangkilik ng maraming tao sa mundo sa itinuturo ng teorya ng ebolusyon (theory of evolution) - upang bigyan ang mga tao ng dahilan na huwag maniwala sa Diyos na Lumikha.
Ang Diyos ay buhay, at sa huling sandali, sa Araw ng Paghuhukom, ang bawat tao ay tiyak na maniniwala na may Diyos na buhay sa ayaw nila at sa gusto. Sa pagtatangka ng marami na pasinungalingan na may buhay na Diyos, lalo lamang pinatutunayan ng kanilang pangangatuwiran na talagang may buhay na Diyos.
Narito ang isa pang pangangatuwiran na ang Diyos ay buhay. Paano ko malalaman na buhay ang Diyos? Alam kong buhay ang Diyos sapagkat kinakausap ko Siya bawat araw. Hindi ko naririnig ang kanyang tinig ngunit nadarama ko ang Kanyang presensiya, nararamdaman ko ang Kanyang paggabay, nararanasan ng aking puso ang Kanyang pag-ibig at minimithi ko ang Kanyang mga pagpapala. Maraming mga pangyayari sa aking buhay na maipaliliwanag lamang ng katotohanang may buhay na Diyos at mayroon Siyang kalooban para sa akin. Isang himala na iniligtas at binago ako ng Diyos at hindi ko magagawang hindi Siya kilalanin at papurihan. Alin man sa mga pangangatuwirang ito ay hindi makahihikayat sa sinumang tahasang tumatanggi sa malinaw na pagpapaliwanag. Sa huli, ang katotohanang may Diyos na buhay ay nararapat at kinakailangang tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya (Hebreo 11:6). Ang pananalig at pagsampalataya sa Diyos ay hindi tulad sa pikit-matang paglundag sa kadiliman bagkus ito'y isang ligtas na hakbang patungo sa maliwanag na lugar kung saan naroroon ang kaligtasan.
English
Ang Diyos ba ay buhay? May katibayan ba na magpapatunay na ang Diyos ay buhay?