Tanong
Kung tatanggapin ko ang Kristiyanismo, itatakwil ako ng aking pamilya at uusigin ako ng aking lipunang ginagalawan. Ano ang aking gagawin?
Sagot
Mahirap para sa mga tao na magbago ng relihiyon lalo na sa mga naninirahan sa mga bansa kung saan ang pundasyon ng kanilang kultura ay likas na laban sa katotohanan ng Kristiyanismo. Sa mga bansang ito, kailangan nilang literal na maranasan ang kabayaran ng pagsunod kay Kristo. Samantala, ang Bibliya, ang Salita ng Diyos, ay naglalaman ng malawak na pang-unawa sa lahat ng mga pagsubok at paghihirap ng tao sa lahat ng oras at lugar. Nilinaw ni Hesus na ang pagsunod sa kanya ay nangangailangan ng malaking pagsasakripisyo. Sa katunayan, naging kabayaran ng ating pagsunod kay Hesus ang lahat-lahat sa atin. Una, naging kabayaran nito ang ating mga sarili. Sinabi ni Hesus sa mga taong gustong sumunod sa Kanya, “Kung ibig ninuman na sumunod sa Akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa Akin” (Marcos 8:34). Ang krus ay isang instrumento ng kamatayan kaya't nililinaw ni Hesus na ang pagsunod sa Kanya ay nangangahulugan na kailangang kalimutan ng isang tao ang kanyang sarili. Ang lahat ng ating makamundong pagnanasa at ambisyon ay kailangan nating ipako sa krus upang makamit natin ang bagong buhay sa Kanya, sapagkat walang sinuman ang makapaglilingkod sa dalawang panginoon (Lucas 16:13). Subalit napakalaki ng kaibahan ng bagong buhay kay Kristo at higit na napakahalaga ito kung ikukumpara sa maaari nating makamtan dito sa mundo.
Pangalawa, maaring ang maging kabayaran ng ating pagsunod kay Kristo ay ang ating pamilya at mga kaibigan. Ipinaliwanag ni Hesus sa aklat ng Mateo 10:32-39 na ang kanyang pagdating ay magdadala ng pagkakahati -hati sa pagitan ng mga sumusunod sa Kanya at sa mga miyembro ng kanilang pamilya na ayaw sumampalataya sa Kanya. Ang sinumang nagmamahal sa kanyang pamilya na mas higit pa sa Diyos ay hindi karapat-dapat na maging tagasunod ni Kristo.
Kung tatanggihan natin si Kristo para lamang mapanatili natin ang kapayapaan sa ating pamilya dito sa mundo, itatanggi rin Niya tayo sa langit, at kung itatanggi tayo ni Hesus, hindi tayo makakapasok sa langit. Subalit kung ipapahayag natin si Hesus sa mga tao, kahit ano pa man ang magiging personal na kabayaran nito, sasabihin ni Hesus sa Kanyang Ama, “Ang taong ito ay Akin, tanggapin Ninyo siya sa Inyong Kaharian.” Ang buhay na walang hanggan ay ang “perlas na napakahalaga.” Sinasabi sa aklat ng Mateo 13:44-45 na karapat-dapat isuko ang lahat makamit lamang ito. Walang buting maidudulot ang pagkakaroon ng mga bagay sa mundong ito kung ang kapalit naman ay ang hindi pagkakamit ng buhay na walang hanggan. “Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito ay ang kanyang buhay?” (Markos 8:36). Sinabi nga ng isang misyonero na namatay habang inihahayag si Hesus sa mga Huaorani Indian sa bansang Equador, “Hindi hangal ang isang taong ibinigay ang hindi niya kayang angkinin upang mapakinabangan ang hindi naman niya kayang walain.”
Nilinaw din ni Hesus na ang mga pag-uusig na mararanasan ng isang Kristiyano dahil sa kanyang pananampalataya sa Kanya ay hindi maiiwasan. Pinalalakas Niya ang ating loob at sinasabing karaniwan lamang ito sa kanyang mga tagasunod, at dapat na maging matatag tayo sa mga mangyayaring pag-uusig sa atin. Tinawag din niya ang mga inuusig na “biniyayaan” at sinabihan Niya sila na “magsaya ng lubusan sapagkat ang inyong gantimpala sa langit ay dakila” (Mateo 5:10-12). Ipinaalala din Niya sa atin na sa umpisa pa lamang ay lagi ng pinag-uusig ang Kanyang mga tagasunod. Ang mga Propeta sa Lumang Tipan ay inusig, kinutya, pinahirapan, pinatay at sa ibang pagkakataon ay hinati sa dalawa! (Hebreo 11:37) Ang lahat ng mga Apostol (maliban kay Juan na nabilanggo sa Isla ng Patmos) ay pinatay dahil sa pananampalataya kay Kristo. Sinabi pa ng tradisyon na iginiit ni Pedro na ipako siya sa krus ng patiwarik dahil hindi umano siya karapat-dapat na mamatay sa parehong paraan ng pagkamatay ng kanyang Panginoong Hesus. Isinulat niya sa kanyang unang liham “Mapalad kayo kung kayo'y inalipusta dahil kay Kristo, sapagkat sumasainyo ang Dakilang Espiritu, ang Espiritu ng Diyos” (1 Pedro 4:14). Ang Apostol na si Pablo ay nabilanggo, binugbog at binato ng ilang beses dahil sa pagpapahayag kay Hesu Kristo, subalit inaangkin niya na ang kanyang mga paghihirap ay ni hindi karapat-dapat ikumpara sa karangalan at kaluwalhatiang naghihintay sa kanya (Roma 8:18).
Maaaring malaki ang maging kabayaran ng iyong pagiging tagasunod ni Kristo, subalit kung may naghihintay na gantimpala sa kalangitan mayroon din namang gantimpala para sa mga kristiyano dito sa mundo. Ipinangako sa atin ni Hesus na palagi Niya tayong gagabayan hanggang sa katapusan ng sanlibutan (Mateo 28:20); Hindi Niya tayo iiwanan at pababayaan man (Hebreo 13:5); Alam Niya ang ating mga pagdurusa at paghihirap, sapagkat nagdusa rin Siya para sa atin (1 Pedro 2:21); Ang Kanyang pagmamahal sa atin ay walang hanggan at hindi Niya tayo susubukin ng higit sa ating makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan Niya tayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon (1 Corinto 10:13). Kung tayo ang pinaka-una sa ating pamilya o lipunan na tumanggap kay Hesus, naging kabahagi tayo sa pamilya ng Diyos at tayo ang Kanyang kinatawan sa ating mga mahal sa buhay at maging sa lipunang ating ginagalawan at sa buong mundo. Maaring tayo ang instrumentong Kanyang gagamitin para mapalapit sa Kanya ang iba at ito ang magbibigay sa atin ng lubos na kasiyahan.
English
Kung tatanggapin ko ang Kristiyanismo, itatakwil ako ng aking pamilya at uusigin ako ng aking lipunang ginagalawan. Ano ang aking gagawin?