Tanong
Ano ang panalangin ng isang makasalanan?
Sagot
Ang panalangin ng isang makasalanan ay panalangin ng isang tao sa Diyos matapos Niyang maunawaan na siya ay isang makasalanan at nangangailangan ng Tagapagligtas. Ang pagsambit ng panalangin na ito ay walang kabuluhan kung basta lamang ito bibigkasin sa mga labi ngunit hindi nauunawaan. Ito'y magiging mabisa lamang kung ito'y bibigkasin nang taus-puso, na nauunawaan at tinatanggap ng isang tao ang katotohanan na siya'y isang makasalanan na nangangailangan ng kaligtasan.
Una sa lahat, dapat nating maunawaan na tayong lahat ay makasalanan. Sinasabi sa Roma 3:10, “Walang matuwid wala kahit isa.” Ipinaliliwanag ng Bibliya na tayong lahat ay nagkasala. Lahat tayo ay makasalanan na nangangailangan ng habag at kapatawaran ng Diyos (Tito 3:5-7). Dahil sa ating mga kasalanan, nararapat lamang na tayo'y maparusahan ng walang hanggang kaparusahan sa impiyerno (Mateo 25:46). Ang panalangin ng isang makasalanan ay ang paghingi ng biyaya sa halip na hatol. Ito'y paghingi ng habag sa halip na galit.
Dapat din nating malaman ang ginawa ng Diyos para sa atin upang iligtas tayo sa kapahamakan dahil sa ating pagiging makasalanan. Ang Diyos ay nagkatawang tao sa pamamagitan ni Hesu Kristo (Juan 1:1, 14). Itinuro sa atin ni Hesus ang katotohanan tungkol sa Diyos at nabuhay siya ng isang matuwid at banal na pamumuhay (Juan 8:46; 2 Corinto 5:21). Pagkatapos, namatay siya sa krus alang-alang sa atin. Tiniis Niya ang parusang para sa atin (Roma 5:8). Nabuhay na mag-uli si Hesus upang patunayan na tinalo na Niya ang kasalanan, kamatayan at impiyerno (Colosas 2:15: 1 Corinto 15). Dahil sa lahat ng ito, maaari nang mapatawad ang ating mga kasalanan at maangkin ang ipinangakong buhay na walang hanggan at tahanan sa langit - kung ilalagak natin ang ating pananampalataya kay Hesu Kristo. Ang tangi nating dapat gawin ay sampalatayanan na si Hesus ay namatay nang dahil sa atin at muli siyang nabuhay mula sa mga patay (Roma 10:9-10). Tayo'y maliligtas dahil lamang sa biyaya, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo. Sinasabi sa Efeso 2:8 “Dahil sa kagandahang loob ng Diyos ay naligtas tayo sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay Cristo. At ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos, at hindi galing sa inyo.”
Ang panalangin ng isang makasalanan ay isang simpleng pagpapahayag ng pananampalataya ng isang tao sa Diyos at pagpapasalamat sa kaligtasang ibinigay sa kanya. Tandaan mo lamang na hindi ang panalanging ito ang makapagliligtas sa iyo. Tanging ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa iyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Sabihin mo sa Kanya ng buong puso, “O Diyos, inaamin kung nagkasala ako laban sa iyo at nararapat lamang na ako'y Iyong parusahan. Ngunit inako ni Hesus ang aking kasalanan at tiniis ang parusa na ako ang dapat tumanggap. Nagtitiwala ako na sa aking pagsampalataya sa kanya ay mapapatawad mo ako. Pinagsisihan ko at tinatalikuran ang aking mga kasalanan at magtitiwala ako kay Hesus para sa aking kaligtasan. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. Salamat din sa buhay na walang hanggan. Amen!”
Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.
English
Ano ang panalangin ng isang makasalanan?