Tanong
Paano ako magiging anak ng Diyos?
Sagot
“Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y [Hesus] nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan” (Juan 1:12).
“Kailangan mong ipanganak na muli”
Ng dalawin si Hesus ng isang lider ng relihiyon na nagngangalang Nicodemo, hindi siya binigyang katiyakan ni Hesus ng pagpunta sa langit. Sa halip sinabi ni Hesus “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios” (Juan 3:3).
Nang unang ipanganak ang tao, namana niya ang makasalanang kalikasan na nagmula kay Adan dahil sa kanyang pagsuway sa Diyos sa Hardin ng Eden. Walang sinuman ang nagtuturo sa mga bata na magkasala. Natural silang nagkakasala dahil sumusunod lamang sila sa kanilang kalikasan. Likas na sinusunod nila ang kanilang masasamang pagnanasa na nagtutulak sa kanila upang magsinungaling, magnakaw at mamuhi. Sa likas nilang kalagayan, sila ay mga anak ng pagsuway at kagalitan sa halip na mga anak ng Diyos.
“At kayo'y binuhay niya, nang kayo'y mga patay dahil sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan,Na inyong nilakaran noong una ayon sa lakad ng sanglibutang ito, ayon sa pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin ng espiritu [si Satanas], na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway; Sa gitna ng mga yaon, tayo rin naman, ng ibang panahon ay nangabubuhay sa mga kahalayan ng ating laman, na ating ginagawa ang mga pita ng laman at ng pagiisip, at tayo noo'y katutubong mga anak ng kagalitan, gaya naman ng mga iba” (Efeso 2:1-3).
Bilang mga anak ng kagalitan, karapatdapat tayo na mahiwalay sa Diyos at pumunta sa impiyerno. Salamat na sa pagpapatuloy ng teksto ay sinabi “Nguni't ang Dios, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kaniyang malaking pagibig na kaniyang iniibig sa atin, bagama't tayo'y mga patay dahil sa ating mga kasalanan, tayo'y binuhay na kalakip ni Cristo (sa pamamagitan ng biyaya kayo'y nangaligtas)” (Efeso 2:4-5).
Paano tayo mabubuhay kay Kristo, isisilang na muli o magiging anak ng Diyos? Kailangang tanggapin natin si Hesus!
Tanggapin mo si Hesus
“Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap [kay Hesus], ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan” (Juan 1:12).
Ang talatang ito ay malinaw na nagpapaliwanag kung papaanong ang isang tao ay magiging anak ng Diyos. Kailangan nating tanggapin si Hesus sa pamamagitan ng pananampalataya. Ngunit, paano ba ang pagtanggap kay Hesus?
Una, dapat nating kilalanin na Si Hesus ang walang hanggang Anak ng Diyos na naging tao. Isinilang ni Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, si Hesus ay hindi nagmana ng anumang makasalanang kalikasan mula kay Adan. Kaya nga Siya ay tinawag na pangalawang Adan (1 Corinto 15:22). Habang ang kasalanan ni Adan ang nagdulot ng sumpa ng pagiging makasalanan sa sangkatauhan, ang perpektong buhay naman ni Hesus ang Siyang pumawi ng ating mga kasalanan. Ang ating nararapat na tugon ay pagsisisi (paglayo sa kasalanan) at pagtitiwala sa Kanyang kabanalan upang tayo ay mapaging banal.
Ikalawa, dapat tayong manampalataya kay Hesus bilang ating tagapagligtas. Ang plano ng Diyos ay ihandog ang Kanyang Banal na Anak doon sa krus upang bayaran ang kaparusahan na nararapat nating tanggapin dahil sa ating mga kasalanan at iyon ay kamatayan. Ang kamatayan ni Kristo ang nagpapalaya sa mga tatanggap sa Kanya mula sa kapangyarihan at kabayaran ng kasalanan.
Panghuli, kailangan nating sundin si Hesus bilang ating Panginoon. Pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli at magtagumpay laban sa kasalanan at kamatayan, binigyan Siya ng awtoridad ng Diyos (Efeso 1:20-23). Si Hesus ang nagliligtas sa lahat ng tatanggap sa Kanya at Siya rin ang huhukom sa lahat ng tatanggi sa Kanya (Mga Gawa 10:42).
Sa kanyang biyaya, binigyan Niya tayo ng kakayahang magsisisi at manampalatataya kay Hesus bilang ating Panginoon at tagapagligtas, tayo ay isinilang na muli sa isang bagong buhay bilang mga anak ng Diyos. Ang mga tumanggap lamang kay Hesus - hindi ang simpleng nakaalam lamang ng tungkol sa Kanya kundi ang nagtiwala sa Kanya para sa kanyang kaligtasan, nagpasakop sa Kanya bilang kanyang Panginoon at minamahal Siya ng higit sa lahat ang naging mga anak ng Diyos.
Maging anak ng Diyos
“Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap [kay Hesus], ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan” (Juan 1:12).
Gaya ng wala tayong anumang nagawa upang isilang tayo ng ating mga magulang sa laman, gayundin naman, wala tayong nagawa at magagawa upang tayo'y isilang ng Diyos bilang Kanyang anak. Hindi ito dahil sa ating mabubuting gawa o paniniwala sa kanya sa ating sariling kakayahan. Gaya ng sinasabi ng talata sa itaas, ang Diyos ang nagbigay sa atin ng “karapatang maging mga anak ng Diyos” ayon sa Kanyang mabiyayang kalooban. “Masdan ninyo kung gaanong pagibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo'y mangatawag na mga anak ng Dios; at tayo'y gayon nga. Dahil dito'y hindi tayo nakikilala ng sanglibutan, sapagka't siya'y hindi nakilala nito” (1 Juan 3:1).Kaya nga isang anak ng Diyos ay walang anumang maipagmamalaki kundi ang Panginoon lamang (Efeso 2:8-9).
Ang isang bata ay lumalaking kagaya ng kanyang mga magulang. Gayundin naman, nais ng Diyos na bilang kanyang mga anak tayo ay maging katulad ng ating Panginoong Hesu Kristo. Kahit na sa langit lamang tayo magiging ganap na banal, ang isang anak ng Diyos ay hindi magpapatuloy sa pagkakasala at magsisisi kung siya ay magkasala. “Mumunti kong mga anak, huwag kayong padaya kanino man: ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya niya na matuwid: Ang gumagawa ng kasalanan ay sa diablo; sapagka't buhat pa nang pasimula ay nagkakasala ang diablo. Sa bagay na ito'y nahayag ang Anak ng Dios, upang iwasak ang mga gawa ng diablo. Ang sinomang ipinanganak ng Dios ay hindi nagkakasala, sapagka't ang kaniyang binhi ay nananahan sa kaniya: at siya'y hindi maaaring magkasala, sapagka't siya'y ipinanganak ng Dios. Dito nahahayag ang mga anak ng Dios, at ang mga anak ng diablo: ang sinomang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Dios, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid” (1 Juan 3:7-10).
Hindi dapat na ipagkamali ang katototohanang ito; ang isang anak ay hindi mawawala ang pagiging anak dahil sa pagkakasala. Ngunit ang sinumang nagpapatuloy sa kasalanan o patuloy na nasisiyahan sa pagkakasala at hindi sumusunod kay Kristo at sa Kanyang mga Salita ay nagpapakilala na ang taong iyon ay hindi tunay na naging anak ng Diyos. Sinabi ni Hesus sa mga hindi sumasampalataya sa Kanya, “Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin” (Juan 8:44). Sa kabilang banda, ang tunay na mga anak ng Diyos ay hindi na magnanasa na patuloy na sundin ang pita ng laman dahil mayroon na siyang ibang pagnanais at iyon ay ang kilalanin, mahalin at luwalhatiin ang kanilang Diyos ama.
Ang gantimpala ng pagiging anak ng Diyos ay hindi kayang sukatin. Bilang mga anak ng Diyos, tayo ay kabilang na sa pamilya ng Diyos (ang iglesia), pinangakuan ng isang tahanan sa langit at binigyan ng karapatan na lumapit sa trono ng Diyos Ama sa langit sa pamamagitan ng panalangin (Efeso 2:19; 1 Pedro 1:3-6; Roma 8:15)
Tumugon ka sa tawag ng Diyos. Magsisi ka at manampalataya sa Panginoong Hesu Kristo. Maging anak ng Diyos sa araw na ito!
Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.
English
Paano ako magiging anak ng Diyos?