Tanong
Sino ang asawa ni Cain? Ang asawa ba ni Cain ay ang kanyang kapatid na babae?
Sagot
Hindi partikular na tinukoy ng Bibliya kung sino ang asawa ni Cain. Ang posibleng kasagutan ay, ang asawa ni Cain ay ang kanyang kapatid na babae o pamangking babae o pamangking babae ng pamangking lalaki. Hindi sinabi sa Bibliya kung ilang taong gulang si Cain noong pinatay niya ang kanyang kapatid na si Abel (Genesis 4:8). Dahil sa kapwa sila magsasaka, maaaring sila ay nasa sapat na gulang na at posibleng mayroon na silang kanya-kanyang pamilya. Tiyak na marami nang anak sina Adan at Eba bukod kina Cain at Abel noong panahong napatay ni Cain ang kanyang kapatid - tiyak ring nagkaroon pa sila ng marami pang anak sa pagdaan ng panahon (Genesis 5:4).
Ang katotohanang natakot si Cain para sa kanyang sariling buhay dahil baka patayin din siya ng ibang tao matapos niyang patayin si Abel (Genesis 4:14) ay nagpapakita na mayroon pang ibang mga anak o hindi kaya ay mga apo o apo sa tuhod sina Adan at Eba noong mga panahong iyon. Ang asawa ni Cain (Genesis 4:17) ay ang anak na babae o apong babae nina Adan at Eba. Dahil sina Adan at Eba ang pinaka-unang mga tao sa mundo, ang kanilang mga anak ay walang mapagpipilian kundi ang gawing asawa ang kanilang kapatid. Hindi ipinagbabawal ng Diyos ang pag-aasawa ng magkakapatid noong hindi pa sapat ang bilang ng mga tao, subalit noong dumami na ang mga tao, ang pag-aasawa ng magkakapatid ay hindi na kinakailangan (Levitico 18:6-18). Ang dahilan kung bakit ang relasyong sekswal ng magkapatid ay madalas nagreresulta sa abnormalidad ng kanilang mga anak ay dahilan sa kung ang dalawang tao na may magkaparehong “genes” (kagaya halimbawa ng magkapatid) ay magkaroon ng anak, malaki ang posibilidad na magreresulta ito sa abnormalidad ng anak. Kung ang mga tao na nagmula sa iba't-ibang pamilya ay magkakaroon ng mga anak - napakalaki ng posibilidad na hindi sila magkaroon ng depekto. Ang “genetic code” ng mga tao ay nasalaula at narumihan sa paglipas ng panahon dahil ang mga depekto sa genes ay mas lalo pang dumami, at naipasa sa una hanggang sa kasalukuyang henerasyon. Si Adan at Eba ay walang maraming depekto sa “genetic,” at yan ang nagbigay sa kanila at sa mga naunang henerasyon ng napakagandang kalidad ng kalusugan kumpara sa atin ngayon. Kung mayroon mang depekto sa “genetic” ang mga anak ni Adan at Eba, maaaring kakaunti lang ang mga iyon. Dahil dito, ligtas para sa kanila na mag-asawa ng kanilang sariling kapatid. Maaaring kakaiba sa atin o masusuklam tayo kung iisipin nating ang asawa ni Cain ay ang kanyang sariling kapatid. Ngunit sa simula, dahil pinarami ng Diyos ang tao mula sa isang lalaki at isang babae lamang (si Adan at Eba), ang pangalawang henerasyon ng mga tao ay walang mapagpipilian kundi mag-asawa ng kanilang sariling mga kapatid.
English
Sino ang asawa ni Cain? Ang asawa ba ni Cain ay ang kanyang kapatid na babae?